Ariel-ity Check: Himig sa likod ng pantasya at paghihikahos ni Howard Ashman sa mundong may bahid ng pait

Mayzelle Amerie Rafiñan and Cervy Ramos 

Ano ang pakiramdam ng lumikha ng mga kuwentong nagtuturo ng pagtanggap, habang ikaw mismo ay nabubuhay sa mundong tumatangging tanggapin ang iyong pagkatao? 

Habang milyun-milyong bata ang natututong mangarap, umibig, at maniwala sa kabutihan sa pamamagitan ng mga awiting isinulat ni Howard Ashman, tahimik naman niyang pinasan ang bigat ng pagiging isang baklang lalaki sa kasagsagan ng AIDS crisis — isang panahong ang HIV/AIDS ay hindi lamang sakit kundi naging hatol ng lipunan kung saan ang pagkakaiba ay tinumbasan ng diskriminasyon at ang pag-ibig ay itinuring na kasalanan. 

Sa likod ng mahika ng Disney, naroon ang isang kuwentong hindi lamang patungkol sa mga prinsesa, halimaw, at mahiwagang kaharian, kundi tungkol din sa isang taong nagbigay ng tinig sa mga karakter na naghahanap ng lugar na kanilang mapapabilang, habang siya mismo ay pinagkakaitan ng pagkakataong maranasan ang ganoong pagtanggap. Si Howard ang nasa likod ng walang-kamatayang himig ng mga awiting gaya ng Part of Your World, Beauty and the Beast, at Friend Like Me na may kani-kaniyang bahagi sa pagbuo ng pantasya ng mga kabataan.

Himig ng malayang imahinasyon

Noong si Howard — isang tanyag na manunulat ng awitin sa Disney — ay nasa murang edad pa lamang, tanaw na sa kaniyang mga mata ang lawak ng imahinasyon na noon ay nakakubli lamang sa mumunting telon ng kanilang tahanan. 

Kinalakihan ng nakababata niyang kapatid na si Sarah Gillespie ang mumunting pagtatanghal sa loob ng kanilang tahanan. Mga pagtatanghal na mula sa retaso ng tela at kakarampot na ilaw ng flashlight na nagsisilbing spotlight na nakasentro sa pagtatanghal ni Howard, isang batang hinulma na ng makulay na potensiyal at personalidad.

Upang bigyang-daan ang nakatagong talento ng bata, napagdesisyunan ng kaniyang ina na si Shirley Ashman na siya ay ipasok sa lokal na teatro noong siya ay anim na taong gulang—sa loob ng Children’s Theatre Association (CTA). 

Sa paglipas ng ilan pang mga taon, ang paglalakbay ni Howard sa mundo ng sining at pagtatanghal ay naging higit pa sa isang libangan ng bata, dahil unti-unti rin niyang hinubog at binigyang-tingkad ang kaniyang pagkatao. Bukod sa pakikibahagi sa mga teatrong pagtatanghal, siya rin ay napamahal sa literatura at nagkatha ng ilang mga tula.

Mula sa mahabang serye ng  pagmamahal sa sining, siya ay napadpad kalaunan sa Boston University noong 1967 para sa unang taon niya sa kolehiyo. Ngunit sa paghahanap ng mas malawak na espasyo na hindi lamang limitado sa teatro, kaniyang napagdesisyunan na lumipat sa Goddard College, isang unibersidad na kilala bilang isang institusyon na may eksperimental na pag-aaral sa sining at teatro. 

Mula sa panibagong landas na kaniyang tinahak sa kolehiyo, hindi lamang pag-arte at pagtatanghal ang kaniyang pinaigting sa sarili, kundi maging ang pagdidirek at paglikha ng mas malawak na simbolismo sa loob ng tanghalan.

Espasyo sa likod ng pulang telon

Sa gitna ng paglalakbay sa pagitan ng bawat telon noong 1969 sa Summer Theatre ng Tufts University, kung saan kapwa sila nag-aaral ng sining at teatro, isang panibagong landas naman ang siyang nagbigay koneksyon sa pagitan nila ni Stuart White. Mula sa pagiging simpleng magkaibigan sa ilalim ng isang teatrikong organisasyon, isang pag-ibig ang unti-unting sumibol sa pagitan ng dalawang lalaking hinulma ng iisang hilig, pananaw, at pangarap para sa entablado.

Mula nang magtapos sila sa graduate school ng Indiana University, sunod naman nilang tinahak ang magulo at maingay na takbo ng buhay sa New York City. Sa siyudad na ito, itinayo nila ang WPA Theatre, isang teatrong espasyo na noon ay naghihikahos buhat ng pinansiyal na kakulangan. Katuwang ang prodyuser na si Kyle Renick, sabay-sabay nilang binigyang pundasyon ang isa sa mga off-broadway na teatro.

Mula sa pundasyon na unti-unting humila sa tagumpay ng naturang entablado, ay siya ring pagguho  ng relasyon sa pagitan ni Howard at Stuart. Ang dating nagkakaparehong hilig at hangarin ay unti-unting nawakasan ng mga pagbabago at dahan-dahang pagkalas mula sa isa’t isa. 

Habang papalapit na sa edad na 30, hinangad ni Howard ang mas domestikong buhay, habang si Stuart naman ay nahulog sa isang serye ng mga iresponsableng gawi tulad ng labis na pagkalulong sa alak at pakikipagrelasyon sa ibang tao.

Sa kanilang paghihiwalay, tuluyang umalis si Stuart sa WPA Theatre habang si Howard naman ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay sa mundo ng teatro, kasama ang natirang miyembro ng kanilang production team.

Kaharian sa naghihingalong entablado

Samantala, sa kanlurang dako ng bansa — sa lungsod ng Burbank, California, ang Walt Disney Studios ay nakararanas naman ng matinding pagsubok. 

Noong huling bahagi ng dekada ‘70 hanggang kalagitnaan ng dekada ‘80, nahaharap ang departamento ng animasyon ng matinding paghihirap na kung tawagin ay “Disney Dark Age,” na nagsimula matapos ang pagpanaw ng pangunahing prodyuser na si Walt Disney at minarkahan ng kawalan ng malikhaing direksiyon, limitadong pondo, at serye ng mga pelikulang hindi umabot sa inaasahang tagumpay. Isang panahon kung saan ang kanilang mga palabas ay halos kabiguan na lamang ang inaani. 

Lingid sa kaalaman ng nagdadalamhating si Howard, ang kaniyang sideline noon bilang editor ng Mickey Mouse Club Book sa ilalim ng Grosset & Dunlap, na pinasukan niya bilang panangga sa pag-aakalang walang sapat na pera sa entablado ang naging unang hakbang ng tadhana upang mapalapit siya sa mundo ng Hollywood. 

Isang malawak na entablado ang nag-aabang sa kabilang bahagi ng bansa. Isang bagong pagtatanghal kung saan ang kaniyang natatanging panulat ang nakatakdang muling magpapabangon sa natutulog na kaharian ng Disney. 

Dito isinilang ang palabas na “The Little Mermaid” kung saan binigyang-buhay ni Howard ang boses at damdaming mapaghangad ng sirenang si Ariel sa pamamagitan ng awiting “Part of Your World.” Isang awitin na sa unang pakinig ay maaaring mahinuha bilang isang simpleng awitin ng paghahangad, ngunit kung malalim na bubusisain ang buhay ng tagakatha, ay matatanaw ang esensya nito sa kaniyang naging paglalakbay.

Sa paglipas ng mga taon, marami ang nakakita ng mas malalim na kahulugan ng kanta. Ang pagnanais ni Ariel na maging bahagi ng mundong hindi siya tinatanggap ay naging simbolo ng karanasan ng maraming miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ na matagal nang naghangad na mabuhay nang malaya, mahalin ang nais nilang mahalin, at kilalanin bilang tao bago husgahan ang kanilang pagkatao.

Anino ng nagliliwaliw na krisis

Umabot sa puntong naging mas matindi pa ang simbolismong ito para kay Howard nang ang dati niyang kasintahang si Stuart ay na-diagnose na may HIV. Sa kabila ng masaklap na nakaraang sinapit ng dating magkasintahan, ang balitang ito ay nag-iwan pa rin ng mabigat na pangamba para kay Howard, lalo pa at ang buong bansa noon ay unti-unting nilalamon ng krisis ng AIDS.

Ngunit ang anino ng sakit na dumapo kay Stuart ay hindi lamang nanatiling balita mula sa nakaraan, kundi isa rin palang hibla ng masaklap na karanasan na unti-unting sisira sa sistema niyang dati pa lamang ay nabubuhay na sa radikal na takbo. Noong 1988, habang kinakatha ang The Little Mermaid, na-diagnose si Howard na may HIV. 

Sa kasagsagan ng AIDS crisis, ang diagnosis na ito ay halos katumbas ng paghatol sa kamatayan. Higit pa rito, isa rin itong panahong binalot ng takot at maling impormasyon hinggil sa HIV/AIDS. Maraming taong may HIV ang itinakwil ng pamilya, nawalan ng trabaho, tinanggihang gamutin, at itinuring na para bang ang kanilang sakit ay bunga ng kanilang moralidad. 

Ang pagiging bakla ay hindi lamang pinupulaan; ginagawa itong dahilan upang mawalan ng dignidad ang isang tao.

Hindi niya namalayang naibahagi sa publiko ang kaniyang kondisyon. Hindi dahil ikinahihiya niya ang kaniyang sarili, kundi dahil alam niyang maaaring matabunan ng diskriminasyon ang kaniyang sining. Sa halip na ituon ang natitira niyang lakas sa galit, ibinuhos niya ito sa paglikha.

Dedikasyong hindi matitibag 

Sa paglabas ng The Little Mermaid noong 1989, siya ring umusbong ang mas makulay na Disney Renaissance na nagbukas ng mas maraming opportunidad. Subalit para kay Howard, ang tagumpay na ito ang siya ring hudyat ng karera sa pagitan niya at ng oras. 

Sa kabila ng unti-unting pagkitil ng sakit sa kaniyang sistema, sinigurado ni Howard na siya ay makakapaglikha pa rin ng ilang awitin para sa mga palabas ng Disney.

Mula sa hangarin at paninindigan na maiwan ang kaniyang sining bago tuluyang mawalan ng lakas, hinarap niya pa rin ang produksyon ng Aladdin at Beauty & the Beast mula sa kaniyang huling higaan sa New York City, kung saan ang production team pa mismo ang lumipad patungo sa kaniya. 

Ilang liriko pa ng pakikibaka ang kaniyang naisulat, kabilang ang awiting “Kill The Beast,” na patungkol sa bulag na takot ng lipunan sa isang nilalang na hindi nauunawaan. Ang awiting ito ay nagbigay ng isang malalim na talinghaga patungkol sa kaniyang mapait na karanasan.

Noong ika-14 ng Marso 1991, sa edad na 40, tuluyan siyang pumanaw bago pa man mapanood ang huling bersyon ng kaniyang obra maestra.

Bilang pagkilala sa kaniyang hindi matatawarang ambag, inilaan ng Disney ang Beauty and the Beast sa kaniya sa pamamagitan ng mensaheng:

To our friend, Howard, who gave a mermaid her voice and a beast his soul, we will be forever grateful.”

(Para sa aming kaibigang si Howard, na nagbigay sa sirena ng kaniyang boses at kaluluwa ng isang halimaw, habang-buhay kaming nagpapasalamat.)

Hanggang ngayon, sa tuwing aawitin ang Part of Your World, Beauty and the Beast, at Friend Like Me, muling nabubuhay ang kaniyang tinig. 

Hindi lamang bilang lyricist ng Disney, kundi bilang isang taong ang buhay ay nagpapaalala na walang pag-ibig ang dapat ituring na kasalanan, walang pagkatao ang dapat ikubli, at walang sinuman ang dapat maghikahos sa pagtanggap dahil lamang sa kung sino ang kaniyang minamahal.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...