
Rei
Ano ang silbi ng “ayuda” kung ang pera ay dumudulas na lang sa palad dahil sa kahirapan sa panahon ng krisis?
Sa panahon ng tinding paghihirap, ang tanging solusyon na naisip ni Pangulong Marcos Jr. ay ang pinansyal na tulong na mayroong 37.5M na Pilipino ang magbebenepisyo. Halos P7.8 bilyon ang inilaan para sa panakip-butas na solusyon sa umiikot na oil crisis sa bansa. Isa itong insulto sa kahirapang nararanasan ng mga regular na Pilipino. Hindi sapat ang pansamantalang solusyon tulad ng pa-ayuda sa masa sa mga suliraning nangangailangan ng pangmatagalang solusyon, katulad ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ang realidad ng mga mamamayang Pilipino ay malayo sa matatawag na komportable. Ang sahod at kita ay mababa dulot ng taas ng bilihin. Halos 3.1 milyong Pilipino ay maitutulak sa kalaliman ng kahirapan dahil sa krisis sa enerhiya.Sa kabila ng datos at panganib ng mga nasa laylayan, pinili pa rin ng gobyerno na magpa-ayuda na lang at tratuhin ito bilang isang malaking tagumpay. Dito nakikita ang kawalan ng simpatiya sa laylayan at kahinaan ng administrasyon sa paghahanap ng solusyon sa panahon ng krisis.
Tinawag itong UPLIFT Assistance, isang alipusta sa kahirapan at walang tunay na dulot sa pagpapaluwag ng sitwasyon sa masa; mas lalo pa itong nagpapahirap dahil sa loob ng maikling panahon, mawawala na ang halagang maikukumpara sa isang limos. Kung ang 4Ps members ay makakatanggap ng P12,000 at ang Walang Gutom Program ay P2,000, isa itong malaking katarantaduhan at pangungutya sa hirap ng buhay, dagdag pa ang tuloy-tuloy na pagtaas ng bilihin sa mga merkado.
Kahit pa sabihin ng gobyerno na ang mga low-income households ay makakatanggap ng P2,000 mula Hulyo hanggang Disyembre, hindi pa rin ito sapat. Kung totoo na ang mga Pilipino ang prayoridad ng pamahalaan, mas maigi kung ang perang inilaan ay para sa ayuda sa mga renewable energy sources at sa paghahanap ng mga alternatibong supplier ng langis.
Ang renewable energy sources tulad ng solar energy at wind energy ay makakatulong sa pagbaba ng presyo ng kuryente dahil mababawasan ang paggamit ng krudo. Hindi lamang sa kuryente ang sakop nito, kundi pati na rin sa produksyon at transportasyon. Isa itong long-term solution dahil mas magiging malinis at mura ang paggamit ng enerhiya sa mahabang panahon.
Madugo man ang proseso, ang Pilipinas ay may sapat na yaman para sa mga ganitong proyekto. Kung kayang magbigay ang gobyerno ng subsidiya na pera sa mga mamamayan, kaya rin nitong maglaan ng budget sa pagtangkilik sa renewable resources. Ang Pilipinas ay babad sa tinding init na sapat para sa pagpapatayo ng mga solar farm sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Malawak din ang kabundukan at burol na maipapatayuan ng wind energy plantations tulad ng sa Ilocos Norte upang mabawasan ang pagsandal sa mga diesel-energy plantations at mababa na enerhiya sa bansa.
Isa rin sa mga solusyon ay ang pagbili at pakikipag-negotiate sa ibang oil suppliers tulad ng Russia at India upang mabawasan ang pagsandal sa Middle Eastern oil. Ang imported na langis na nagmula sa Middle East ay 98%, at ang ibig sabihin nito ay mabigat ang pagsandal ng Pilipinas sa supplier. Ang kooperasyon sa iba’t ibang oil-producing countries ay magdudulot ng bawas sa presyo ng krudo at mga bilihin.
Mayroon mang mga reserba ng langis sa bansa, hindi pa rin ito sapat dahil ang Pilipinas ay halos gumagamit ng 473,464 na galyon sa araw-araw. Ang Pilipinas ay mayroon lamang 138,500,000 barrels ng reserba at matutuyo agad kung walang tulong mula sa mga importer. Hindi naman imposible ang pagkakaroon ng sariling oil industry sa bansa dahil mayroon pa rin itong potensyal at patuloy na nagsisiyasat ang mga eksperto sa ideya na ito.
Sinubukan din ng pamahalaan na ipatupad ang mga fiscal policies tulad ng RA 12316 o ang Oil Tax Suspension Law. Isa pa rin itong pansamantalang solusyon sa krisis na hinaharap. Sa loob lamang ng maikling panahon, isususpinde at babawasan ang buwis sa petroleum products at ibabalik ulit ito kapag humupa na ang problema. Maikli lamang ang panahon at babalik ulit ang pasakit sa mga mamamayan dahil tataas ulit ang presyo ng mga produkto.
Ang pansamantalang solusyon tulad ng ayuda ay hindi sapat para harapin ang madugong krisis sa bansa tulad ng oil price hike kung saan apektado ang lahat ng sektor ng lipunan. Maiigi na humanap ng pangmatagalan na solusyon sa mga suliranin ang pamahalaan at hindi umasa na kasya na ang perang bigay mula sa buwis ng mamamayan upang itawid ang araw-araw na pamumuhay. Hindi dapat palaging madadaan sa tiis ang isang suliranin. Kailangan nito ng tunay na solusyon, hindi libelo.