
Likas na maituturing na karangalan ang katatagan ng bawat manggagawang Pilipino, higit na kung nakaugat ito sa dugo’t pawis ng kanilang pinagpapaguran.
Ngunit hanggang kailan nila maipagmamalaki ang pagiging ‘matatag’ sa kabila ng pagtitiis sa labis na pagkapagod, kahit na barya-barya lang din naman ang naisusukli nito?
Nananatiling ‘most stressed in workplace’ ang mga Pilipino sa buong Timog-Silangang Asya batay sa isinagawang 2025 sarbey ng Gallup.
Ayon sa karagdagang datos ng Gallup na may ugnayan sa pagtatrabaho,
Kung tunay na katatagan ang labis na pagtitiis ng mga Pilipino, hanggang saan nila kaya itulak ang mga umiiral na kalagayan, na magpatuloy sa kabila ng matinding pagod at stress?
Nakapapagod maging ‘pagod’
Sa ating kultura, madalas talakayin ang katatagan ng loob na parang isang kayamanan, na sa kabila ng hirap at kakapusan sa buhay ay nagagawa pa rin nilang ngumiti at hindi magpakita ng kahinaan.
Ngunit ang pagpupuri sa kakayahan ng isang manggagawa na ‘makapagtiis’ ang maaaring mag-udyok sa sistema na gawing normal na lamang ang labis na pagtatrabaho at bigyang-katwiran ang ganap na matinding krisis sa kakapusan ng sahod.
Ayon sa mga eksperto ng Gallup, nananatiling nakatuon ang mga Pilipino sa kanilang mga trabaho, sa kabila ng labis na stress dahil sa ‘katatagan ng kanilang loob.’
Subalit naniniwala si Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando na direktang nakaaapekto ang krisis sa kakulangan ng makataong pagsahod sa bansa, kabilang ang ilang salik.
“Paano mo reresolbahin ang burnout kung ang isang empleyado, pagkatapos magkayod-kalabaw sa trabaho, ay magku-kwenta pa kung aabot ba sa susunod na cut-off ang barya-baryang umento ng regional wage boards?”
— Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando (2026)
Sa financial-induced stress ng mga Pilipinong manggagawa
Sa katunayan, pinangalanan ng December 2025 OCTA Research Tugon ng Masa na karagdagang pagtaas ng sahod ang top national concern ng mga Pilipino at nananatiling bahagi ng top three national concerns mula sa OCTA.
Sinuportahan ito ng datos mula sa Financial Confidence Report 2026 na nagsasabing 68% o karamihan sa mga middle-class Filipinos ang nababalisa sa patuloy nilang financial crisis.
Bagkus, hindi lamang ito tungkol sa kung nakatatanggap ng sapat na sahod ang mga manggagawa, kundi kung ang kanilang sahod ay sapat upang mamuhay sila nang may dangal.
Minimum wage vs living wage
Binigyang-kahulugan ng National Wages and Productivity Commission ang pagkakaiba ng minimum wage at living wage. Ang minimum wage, sa madaling salita, ay ang pinakamababang halaga ng sahod na itinakda ng batas upang ang isang manggagawa ay mamuhay sa pang-araw-araw, habang ang living wage ay halaga ng sahod na sapat para mamuhay nang may dangal at kapanatagan ng isip.
Bukod pa rito, kinilala rin ng komisyon na ang minimum wage ay maaaring magkulang sa pagbibigay sa mga empleyado ng sapat na kita. Samakatuwid, walang kasiguraduhan sa economic security ang labis na pagtatrabaho ng mga manggagawa.
Napakadaling sabihin na ‘matatatag’ ang kanilang loob. Ngunit, nananatiling isang malaking palaisipan kung tunay na sumasalamin pa ito sa kanilang dedikasyon o pagtakas na lamang sa malubhang realidad.
Kapag sumapit ang petsa de peligro
Sa Pilipinas, karaniwan sa maraming employer ang pagbibigay ng suweldo nang hindi bababa sa bawat dalawang linggo o dalawang beses sa isang buwan, alinsunod sa Labor Code.
Ginagamit ang terminong petsa de peligro upang ilarawan ang mga araw bago tumanggap ng sahod, kung kailan tumitindi ang mga pinansyal na pangangailangan.
At kapag hindi sapat ang kita upang matugunan ito, maaaring maghanap ang ilang manggagawa ng dagdag na oras o dagdag na trabaho.
Ipinapakita ng datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mahigit 6.04 milyong mga empleyado ang naghahangad ng karagdagang oras ng paggawa o karagdagang trabaho kamakailan.
At kung titingnan ang inilabas na ulat ng Sprout Solutions, mahigit 65% ng mga empleyado ang nakararamdam na hindi sapat ang kanilang sahod kumpara sa kanilang nakasanayan at ambag sa kumpanya.
Di-hamak na bago pa man matapos ang buwan, marami nang manggagawa ang nakikipagsapalaran kung paano pilit na pagkakasyahin ang kanilang natitirang pera.
Buwis-buhay
Kaya’t bago pa man mapagkasya ng isang ordinaryong manggagawa ang kaniyang kinikita para sa mga pangangailangan, dagdag isipin din ang bahagi nitong nakakaltas at hindi naiuuwi nang buo.
Ayon sa mid-2026 tax policy data mula sa BusinessWorld, 82% ng mga nakolektang buwis sa kita ng tao ay nagmumula sa mga manggagawang sumasahod at direkta itong ikinakaltas sa kanilang mga suweldo.
Gayunpaman, ang regular na pagbabayad ng buwis ay obligasyon ng isang mamamayan. Subalit, kung pagsusumahin ang lahat ng financial pressures mula sa kakapusan ng sahod at labis na pagtatrabaho, nagiging dagdag na pasanin pa sa maraming manggagawa ang pagkakaroon ng mas maliit na naiuuwing kita.
Hindi lamang nasusukat sa dami ng oras na ginugugol sa trabaho ang labis na stress, minsan, isang malaking katanungan din kung sapat nga ba ang natitirang sahod upang mamuhay nang may dangal matapos ang buwan.
Mas matinding pasanin
Kung ipagpalagay man na hindi pa sapat ang kita tuwing magkakasabay-sabay ang financial pressures mula sa kakulangan ng sahod at labis na pagtatrabaho, hindi maipagkakailang mas matinding pasanin pa ang maaaring harapin ng mga manggagawa kung maging ang kalusugan nila ay kailangan nang paglaanan.
Batay sa mid-2026 study ng Agile Data Solutions Inc., halos isa sa tatlong mga Pilipinong manggagawa ang nakararanas ng burnout sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon.
Kinilala rin ng World Health Organization (WHO) ang burnout na nasa ilalim ng occupational phenomenon sa International Classification of Diseases (ICD-11).
Bukod pa rito, ang pagtatrabaho ng 55 oras o higit pa bawat linggo ay maaaring maugnay sa:
Kaya’t mula rito ay nagbigay-babala ang International Labor Organization (ILO), na nagdudulot ng psychosocial risks ang labis na pagkapagod kaya’t maaaring magdulot ito ng panganib sa kalusugan.
Ipinapakita sa ulat ng ILO na ang labis na pagtatrabaho o overworking ay kabilang sa mga psychosocial risk factors, at may kaugnayan sa 840,088 na kamatayan kada taon.
Sa karagdagang datos, may ugnayan umano ang hindi maayos na psychosocial environment sa mapaminsalang epekto sa kalusugan at negatibong workplace environment, kabilang ang banta sa:
Sa huli, ang mga manggagawa pa rin ang tunay na sumasalo sa pasan at bigat ng stress at burnout habang nag-iiwan ng pinsala sa kanilang pisikal at mental na kalusugan.
Kulang pa sa sapat
Bagaman nakakubli pa rin ang banta laban sa mga manggagawa, nakasalalay sa nakalaang mga polisiya kung sapat ba talaga ang mga ito para sa kanilang kapakanan.
Alinsunod sa Mental Health Act at DOLE Department Order No. 208-20, marapat na may malinaw na polisiya ang mga kumpanya na nagtataguyod ng maayos na mental health programs
Kabilang sa Labor Code ang mga probisyon ukol sa:
Bukod pa rito, ipinasa ang Occupational Safety and Health Standards Act upang tiyakin ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na working environment sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga occupational safety and health programs.
Gayunpaman, sa kabila ng umiiral na mga batas, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng mga proteksyon mula sa batas kung hindi ito lubusang naipapatupad at nasusubaybayan.
Ayon sa tala ng WHO, nananatiling limitado ang bilang ng mga mental health professionals sa bansa na may:
At ang pagkakaroon ng batas ay hindi agad nangangahulugang lahat ng kumpanya, higit na ang mga maliliit na negosyo, ay may kakayahang makapagpatupad ng Occupational Health Programs.
Gayunman, mahigit 99.63% ng mga registered business establishments sa bansa ay itinuturing na Micro, Small, at Medium Enterprises (MSMEs), na maaaring maging hamon para sa maraming kumpanya ang paglalaan ng sapat na pondo at mga kinakailangang serbisyo upang maipatupad ang mga nakalaang programa.
Sa kabila ng pagkakaroon ng mga proteksiyon, sapat na nga ba ang mga ito upang tugunan ang lumalalang stress sa mga manggagawa, higit na kung nananatiling isa sa mga may pinakamataas na antas ng stress sa trabaho ang Pilipinas sa Timog-Silangang Asya?
‘Wala rin lang tayong choice’
Marahil para sa kanila, gaano man makapinsala sa kanilang kalusugan, walang puwang ang basta na lamang magpahinga.
Ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations, 52% ng mga pamilyang Pilipino ang patuloy na naglalarawan sa kanilang sarili bilang mahirap, habang 23.2% naman ang nakaranas ng involuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan.
Dagdag pa rito, ipinakita ng 2024 Financial Stability Report na 28.7% lamang ng mga sambahayan noong huling bahagi ng 2024 ang nakakapagtabi ng ipon, habang ang bilang na ito ay bumababa sa 16.7% sa hanay ng mga low-income households.
Sa harap ng kahirapan at matinding gutom, nagmimistulang luho na lamang para sa mga manggagawa kung pipiliin pa rin nila ang sariling kapakanan.
Para sa kanila, walang takas ang pilit na pagtitiis, higit na kung ito na lamang ang nakikita nilang bukod-tanging paraan para mamuhay.
Kapag sapat ang panukala
Habang patuloy na tumataas ang gastusin sa pamumuhay, nananatiling hamon para sa maraming manggagawang Pilipino ang pagtataguyodsa kanilang mga pamilya.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, muling binigyang-diin ng IBON Foundation ang pangangailangan para sa isang family living wage.
Ayon sa kanilang pinakahuling pagtataya, umaabot na sa P1,312 kada araw ang kinakailangang kita ng isang pamilyang may limang miyembro upang matugunan ang kanilang batayang pangangailangan.
Kaugnay nito, isinusulong din ng Makabayan Bloc ang National Minimum Wage Act, isang panukalang magtatakda ng ₱1,200 pambansang minimum na arawang sahod at mag-aamyenda sa Labor Code upang iayon ang sahod sa aktuwal na halaga ng pamumuhay ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilya.
Walang kapagurang ‘katatagan’
Sa isang lipunang matagal nang ipinagmamalaki ang kasipagan at katatagan ng manggagawang Pilipino, marahil, hindi ito tanda ng kanilang kalakasan, bagkus, bunga ng kakulangan sa sistema.
Marapat pa bang bigyan ng katwiran ang kanilang katatagan, kung ang isang ordinaryong manggagawa ay kung kailan gipit, lalo pang ginigipit?