
Dorothy Gonzales, Jett Morales, Selene Ashlee Vitor
May mga pagkilalang hinihintay habang buhay. May mga medalya ring pinapangarap na maisabit sa sariling uniporme, bunga ng mga taon ng paglilingkod at kabutihang-loob. Ngunit paano kung dumating ang pinakamataas na pagkilala sa panahong hindi na ito masusuot ng taong tunay na nararapat dito?
Ang pangalang Chris Lorenz Fabian ay maaaring bago sa pandinig ng marami, ngunit sa Boy Scouts of the Philippines (BSP) at sa mga residente ng Tacloban, isa na siyang sagisag ng kabayanihang hindi sinusukat sa edad.
Bago siya naging simbolo ng katapangan, isa lamang siyang labinlimang taong gulang na batang Scout mula sa Tacloban City, Leyte — isa sa libo-libong kabataang may mga pangarap at payak na namumuhay sa lungsod.
Sa kaniyang pagpanaw, iginawad kay Chris ang Gold Gallantry and Heroism Award, ang pinakamataas na pagkilala ng BSP — isang parangal na sumasalamin sa katapangan at paglilingkod na kaniyang isinabuhay. Subalit kasabay ng medalya ay ang mabigat na katotohanang wala na siyang pagkakataong tanggapin ito. Sa halip na maging pagdiriwang ng isang tagumpay, ang pagkilalang ito ay naging tahimik na pagpupugay sa isang buhay na maagang natapos.
Kapag ang trahedya ay nagiging panawagan
May mga lugar na itinayo upang maging ligtas na kanlungan ng mga pangarap. Isa na rito ang paaralan — isang espasyong inaasahang huhubog sa kinabukasan ng bawat kabataan.
Subalit nitong Hunyo 22 ngayong taon, nabalot ng takot at pagdadalamhati ang San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City nang maganap ang pamamaril na ikinasawi ng tatlong mag-aaral, kabilang si na Chris, at ikinasugat ng hindi bababa sa 20 na mga estudyante. Ayon sa mga ulat at salaysay ng mga saksi, sinubukan umano ni Chris na isara ang mga pintuan ng kanilang silid-aralan upang maprotektahan ang kaniyang mga kaklase at guro bago siya tamaan ng bala.
Higit pa sa dalamhating iniwan ng trahedya ang kuwentong ito, naging isa itong paalala ng mas malaking tungkuling nakaatang sa lipunan — ang tiyaking ang bawat bata ay lumaki sa isang kapaligirang ligtas, mapag-aruga, at nagbibigay ng pagkakataong matuto at mangarap nang walang pangamba.
Sa bawat trahedyang kinasasangkutan ng mga bata, hindi lamang mga pangalan ang inaalala, bagkus ang mga kinabukasang hindi na magkakaroon ng pagkakataong mabuo. Para sa ilan, ang pinakamalaking utang ng lipunan ay hindi lamang ang paggunita sa kabayanihan, kundi ang pagtiyak na hindi kailanman kailangang isugal ng mga kabataan ang kanilang buhay upang mayroong maprotektahan.
Ang pinakamataas na pagkilalang maibibigay sa mga bata ay hindi nasusukat sa mga medalya o parangal na kanilang natatanggap kundi nasa isang lipunang pinipiling pangalagaan ang kanilang buhay, pakinggan ang kanilang mga tinig, at tiyaking ligtas silang makabubuo ng sarili nilang kinabukasan.
Laging handa hanggang huling hininga
Sa buhay ng isang Scout, ang “Scout Oath” ay hindi lamang sagisag sa pangakong mamuhay ayon sa pagpapahalaga sa tungkuling nakapaloob dito, dahil para sa mga katulad ni Chris, salamin na ito ng kanilang pagkatao. Nang dumating ang sandali ng matinding panganib — isang pagkakataong ang tadhana ay humingi ng isang mabigat na desisyon — hindi siya kailanman nagdalawang-isip.
Sa gitna ng peligro kung saan ang takot ay naghari, pinili niyang maging kalasag. Sa harap ng panganib, inuna niya ang kapakanan ng iba kaysa sa sariling kaligtasan. Pinatunayan niya na ang tunay na lakas ay wala sa armas o sa pisikal na kakayahan, kundi sa isang pusong handang mag-alay ng lahat para sa kapuwa.
Sapagkat higit pa sa ginto at prestihiyo ng medalya na kaniyang natanggap, ang parangal na ito ay simbolo ng isang buhay na nagpaliwanag sa gitna ng kadiliman.
Bagama’t maagang naputol ang kaniyang hiram na oras sa mundo, ang liwanag ng kanyang sakripisyo ay hindi maglalaho. Ito ay magsisilbing tanglaw para sa mga susunod na henerasyon ng mga Scout na magpapaalala na ang dangal ay hindi lamang nasa salita, kundi sa pagtayo ng matuwid kahit nasa harap ng kamatayan.
Higit pa sa medalyang ginto
Nang humupa ang kaguluhang yumanig sa SJNHS, hindi lamang isang pangalan ang naiwan sa alaala ng mga nakasaksi. Naiwan din ang isang huwarang nagpabago sa kahulugan ng pagiging isang Scout.
Higit pa sa ginto at prestihiyo, ang medalya ay isang pagpapatibay na ang mga panata ng Scouting ay mga prinsipyong maaaring isabuhay kahit sa harap ng kamatayan. Para sa libo-libong Scout sa buong bansa, ang parangal na ito ay nagsisilbing paalala na ang tunay na dangal ay hindi nasusukat sa samu’t saring badge na nakapaskil sa uniporme. Nasusukat ito sa mga pasyang ginagawa kapag walang kasiguraduhan, at sa lakas ng loob na unahin ang iba bago ang sarili.
Bagamat sa SJNHS sa Tacloban siya nagsimulang magsunog ng kilay at nag-alay ng kaniyang buhay, nananatiling nakaugat ang kuwento ni Chris sa Pampanga. Doon nagmula ang kaniyang pamilya bago sila napilitang lumikas patungong Tacloban matapos hagupitin ng Bagyong Yolanda ang kanilang kabuhayan noong 2013.
Mula sa muling pagbangon bilang mga biyahero o naglalako ng paninda, lumaki si Chris na tangan ang mga pagpapahalagang kalauna’y makikita sa kaniyang pinakahuling sandali.
Marahil ito rin ang dahilan kung bakit hindi lamang Tacloban ang nagluluksa sa kaniyang pagpanaw. Bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan sa pagprotekta sa kaniyang mga kaklase at guro, ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ang Resolution No. 10319 na nagdeklara sa kaniya bilang “Pride of Pampanga,” Isang patunay ito na ang kaniyang iniwang halimbawa ay lumampas sa hangganan ng kaniyang paaralan at organisasyon, at naging inspirasyon maging sa mas malawak na pamayanan.
Hindi man maibabalik ng anumang parangal ang hiram na oras ni Chris sa mundo, kailanman ay hindi maglalaho ang ibinuhos niyang sakripisyo. Ang medalya ay maaaring iisang piraso lamang ng ginto, subalit ang aral na iniwan nito ay magiging pamana ng buong kapatiran.
Madali mang bigkasin at mamutawi sa labi ang panatang pinanunumpaan ng isang Boy Scout, ngunit kung tutuusin, mabibilang lamang sa daliri ang mga handang isabuhay ito sa harap ng isang panganib at kung kapalit nito ay sariling buhay.
Dahil sa apat na sulok ng silid-aralan nasaksihan ang kaniyang huling pagpapamalas ng kabayanihan, nawa’y magsilbi itong paalala na ang tunay na layunin ng edukasyon ay hindi lamang maghulma ng matatalinong isipan, kundi mga pusong marunong magmalasakit at manindigan.
Kasabay ng pagpupugay at parangal na ipinagkaloob ay ang mahigpit na panawagan para sa katarungan at hustisya sa kaniyang maagang pagpanaw.
Ang tunay na pagiging makabayan ay isang habambuhay na krusada. Kung ang pag-ibig sa bayan ay isang anyo ng pakikibaka, ito ay isang panata na ituring ang kapuwa bilang sarili at gawing hininga ang wagas na pagmamalasakit.