Huwag nating kalimutan ang Pax Silica na tiyak lulugmok sa bansa

Bago pa man gumuhit ng mga linya at hangganan sa mga mapa ang mga korporasyon, ang lupang ito ay isa nang tahanan. 

Mula sa matatayog na bundok ng Sierra Madre hanggang sa malalawak na kapatagan ng Gitnang Luzon, yakap ng ating lupa ang mga alaala ng mga henerasyong nagbungkal, nag-alaga, at nagtanggol dito. Para sa mga katutubong pamayanan tulad ng mga Aeta, ang bawat dakot ng alikabok ay hindi lamang lupang tinatayuan kundi isang sagradong pamana — isang buhay na koneksyon sa kanilang mga ninuno na hindi kailanman matutumbasan ng anumang titulo o kontrata ng korporasyon.

Ngunit ngayon, ang tahimik na bulong ng hangin sa mga kabundukan ay unti-unting nilulunod ng ugong ng mga dambuhalang makinarya.

Sa gitna ng malawak na lupain ng Tarlac, isang 1,620 ektaryang proyekto ang itinutulak ng pamahalaan. Ito ang New Clark City AI Hub — ang sentro ng Pax Silica sa Pilipinas. 

Inilunsad ng Estados Unidos, ang Pax Silica (Silicon Peace) ay isang pandaigdigang alyansa na naglalayong kontrolin ang produksyon ng microchips at artificial intelligence (AI) upang tapatan ang lumalaking kapangyarihan ng Tsina sa buong daigdig.

Sa bawat hakbang ng Pilipinas papunta sa bagong yugtong ito, tila hindi tayo sumasabay sa kumpas ng modernong mundo—bagkus, kusang-loob tayong nagpapatangay sa agos ng isang mapanganib na laro. Para tayong isang maliit na bangka na pumalaot sa gitna ng nagngangalit na bagyo ng mga dambuhalang bansa. 

Mula pa noon, ang heograpiya ng Pilipinas ang nagdidikta ng kanyang kapalaran, naging daungan ng kalakalan, at naging saksi sa mga digmaang hindi naman atin. Sa gitna ng lumalaking igtingan ng Estados Unidos at Tsina, ang ating rehiyon ay muling nagiging tagpuan—at ang Pilipinas, ang bansa sa unahan ng hilahan.

Sa pagtahak natin sa landas na ito, ano nga ba ang totoong presyo ng pakikipag-alyansa kung ang nakataya na ay ang ating kultura, likas na yaman, at pambansang soberanya? 

Pagbura sa lupang ninuno

Sa ibabaw ng mga lamesa, nakalatag ang bilyun-bilyong pisong balak sa anyo ng makikinang na papel at mga iginuhit na larawan ng makabagong kabihasnan. Subalit sa kabilang banda ng mga nakasisilaw na pangakong ito, may isang tahimik at malamig na katotohanang dahan-dahang gumagapang. Isa itong uri ng huwad na kapayapaang tila unti-unting nagpapalabo sa sarili nating pagkakakilanlan. Sa isang banda, ito ay pangako ng kaligtasan; subalit sa kabilang banda, ginagawa nitong permanenteng tagpuan ng tensyon ang ating kapuluan, kung saan ang sarili nating mga lupaing ninuno at soberanya ang nagiging unang kabayaran sa isang labanang labas sa ating sariling interes. 

Malayo rito, sa lilim ng matatayog na puno kung saan ang tanging musika ay ang bulong ng hangin at kaluskos ng mga tuyong dahon, doon unang naitahi ang kasaysayan ng mga katutubo. Sila ang mga pamayanang ilang daang taon nang yumakap, nag-alaga, at nakikinig sa bawat tibok ng lupang ipinamana at ipinagkatiwala sa atin ng ating mga ninuno.

Sa pagpasok ng taong 2019, ang katahimikang ito ay ginitla ng ingay ng mga dambuhalang bulldozer. Sa isang pitik ng burukrasya, ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay naglabas ng pitong-araw na utos ng pagpapalayas. Sa kanilang opisyal na pahayag, iginiit ng ahensya na walang katutubong napapalayas sa New Clark City dahil lamang sa kawalan ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) — isang papel na tatlong dekada nang pilit na ini- a-apply ng mga Aeta ngunit nananatiling maalikabok na pangarap sa mga lamesa ng pamahalaan.

Ngayong 2026, ang anino ng kahapon ay muling gumagapang sa ilalim ng tinatawag na Pax Silica Initiative. Ang mga kabundukang saksi sa kanilang mga sinaunang ritwal ay mabilis nang nilalamon ng dambuhalang semento ng mga dayuhang silid-makina ng datos at gawaan ng mga pira-pirasong utak ng makinarya. 

Ang kapayapaang ipinangangako ng makabagong kaalaman ay hindi para sa kanila; ito ay isang makabagong pananakop na unti-unting nagbabaon sa kanilang kultura. Sa dulo ng karerang ito patungo sa makabagong kabihasnan, tila mas mabilis pang naitayo ang mga makikisig na de-kuryenteng kagamitan kaysa sa pagkilala sa karapatan ng mga unang nag-alaga sa lupang ito.

Sa kasalukuyan, ang lupang naging saksi sa kuwento ng mga nauna sa atin ay naghihintay sa lilim ng kawalan ng katiyakan. Habang ang mga guhit sa papel ay nagiging mga dambuhalang pundasyon, ang mga katutubong boses ay tila nagiging mahinang bulong na lamang sa hangin. Sa pagitan ng dumarating na bukas at ng kahapong iniingatan, isang marahang pagtanaw ang nagsisimulang mabuo — isang pagbabalik sa mga mukha ng mga taong ang tanging yaman ay ang lupang kanilang kinatatayuan. 

Pangangamba ng mga manggagawa sa lungsod

Habang ang mga makinaryang panggiba ay pilit na pumupunit sa katahimikan ng kanayunan, isang mas tahimik na krisis naman ang dahan-dahang lumalamon sa mga pasilyo ng kalungsuran. Ito ang mundo sa ilalim ng mga bumbilya. Ang saliw ng walang humpay na tunog ng lungsod, ang puyat na mga mata, at ang walang katapusang tinig na sumasagot sa mga tawag mula sa kabilang panig ng daigdig. 

Ang industriya ng Business Process Outsourcing o BPO — ang itinuturing na matibay na gulugod ng ating modernong ekonomiya, ang nagbibigay-buhay sa pangarap at pamilya ng mahigit 1.3 milyong Pilipino. 

Ngunit sa likod ng mga salamin at modernong gusali, may nagbabadyang pangamba. Ang makabagong imprastruktura ng AI na itatayo ng Pax Silica ay ang mismong teknolohiyang kasalukuyang nag-o-automate at mabilis na bumubura sa mga trabahong ito. Isang dambuhalang algorithm na dahan-dahang sumusulat sa magiging kapalit ng tao. 

Ayon sa mga opisyal na ulat, mahigit 89% ng kabuuang workforce sa industriya ng BPO sa Pilipinas ang nahaharap sa mataas na banta ng automation dahil sa mabilis na pag-unlad ng Generative AI. Isang malupit na katotohanan na pinatutunayan din ng mga pag-aaral: ang mga kababaihan, ang mga manggagawa sa opisina, at ang mga boses sa customer support ang unang masasagasaan ng rumaragasang makinarya. 

Sa kabila ng mga pagtatangka na ihanda ang ating lakas-paggawa, mismong ang IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) ay nagbabala na ang mga low-skilled at entry-level na posisyon sa BPO ang unang makataranas ng matinding dagok at tuluyang mapapalitan ng AI. 

Kaya sa pagpatak ng bawat segundo ng orasan sa madaling-araw, hindi na lamang simpleng antok ang kalaban ng mga tinig sa kabilang linya. Kasabay ng pagpikit ng kanilang mga puyat na mata ay ang dahan-dahang pagkahulog sa isang bangungot ng kanilang pangarap na itinayo sa ibabaw ng mga de-kuryenteng kagamitan sa pakikipagtalastasan. 

Ang dating itinuturing na kanlungan ng bagong salinlahi ay unti-unti nang nagiging isang makabagong bitag — kung saan ang bawat pagpindot sa teklado ay tila huling hudyat sa sarili nilang pagkawala. 

Bitag ng likas na yaman

Upang bigyang-buhay ang mga makabagong kagamitang de-kuryente at pasiklabin ang sintetikong talino ng mga makinarya, kailangan ng mga makabagong kaharian ng isang espesyal na alay — ang yamang nakabaon sa kaibuturan ng ating mga kabundukan. 

Sa ilalim ng dambuhalang balangkas ng Pax Silica, ang kapuluan ay tila hindi na tinitingnan bilang isang malayang bansang may sariling kapangyarihan. Sa halip, ito ay dahan-dahang nagiging isang malawak at bukas na hukayan ng yaman. Habang ang mga dayuhang lakas ay umaani ng bilyun-bilyong salapi mula sa mga disenyo at pag-aari ng kaisipan, ang ating lupain naman ang nakatalagang sumalo sa mga nalalabing bahagi ng kanilang paggawa — sa pinakamarumi at pinakamahirap na dulo ng kanilang produksyon. 

Ang pangambang ito ay hindi lamang haka-haka kundi isang masakit na realidad na kasalukuyang ipinaglalaban sa mga lansangan. Sa mga serye ng kilos-protesta ng mga progresibong alyansa, mariing kinondena ng mga samahan ang pagpasok ng proyektong ito. 

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), habang patuloy ang pagbebenta ng likas na yaman sa ilalim ng alyansang ito, nakokompromiso ang kalagayan ng kapaligiran at kabuhayan ng mga Pilipino. Naniniwala ang mga grupong nagtatanggol sa kalikasan at kanayunan na ang malawakang paggiba sa mga bundok para sa pagkuha ng mga mineral na kailangan ng artipisyal na talino ay nag-iiwan lamang ng pagkawasak sa lokal na ekolohiya at nagpapalayas sa mga katutubong mtagal nang nag-alaga sa lupa.

Dito dahan-dahang humihigpit ang isang tahimik na bitag — isang makabagong pananakop kung saan ang ginhawa ng iba ay may katapat na dahan-dahang pagkabura ng sarili nating kapaligiran. Ang paghahanda sa ating mga lupain upang maging lunsaran ng Pax Silica ay nag-iiwan ng malulungkot na bakas sa kalikasan. Naroroon ang mas madalas na pagbuga ng maruming usok, ang mabilis na pagkaubos ng malinis na tubig na ginagamit upang palamigin ang mga nag-iinit na silid-makina, at ang mga kemikal na unt-unting humahalo sa mga batis na dating pinagmumulan ng buhay. 

Sa kabila ng unti-unting pagdidilim ng kalangitan at pagbabago ng hugis ng mga bundok, may mga tinig na tumangging malunod sa ingay ng mga makina. Sa mga sulok ng mga komunidad na pilit binubura, nagsisimula nang magtipon ang mga natitirang bantay ng lupain. 

Dahil bago pa man dumating ang mga dambuhalang bakal, ang kapuluan ay may sarili nang kuwento ng pagtayo — isang kuwentong hindi basta-basta mapapawi ng anumang nakasulat na balangkas. 

Pilipinas bilang sentro ng bagong digmaan

May isang matandang kaisipan na kapag ang mga higante ay nagtutunggali, ang mga maliliit at mahihina ang siyang unang nayuyurakan. 

Sa sinaunang wika, ang Pax ay nangangahulugang kapayapaan — isang lumang pangako na tila muling binubuhay sa kasalukuyan. Subalit sa mga makabagong balangkas at mapa ng ugnayan ng mga bansa, ang tinatawag na Pax Silica ay nagsisimulang magbago ng anyo. Sa halip na simbolo ng pagkakasundo, ito ay tila dahan-dahang nagiging isang tahimik at malamig na paghahati sa larangan ng makabagong teknolohiya.

Sa bawat tinta ng pirma at pagpanig ng bansa sa malalaking kasunduan, tila dahan-dahang nailalatag ang mga unang pusta sa isang mapanganib na laro. Ang kapuluan ay muling natatagpuan ang sarili sa gitna ng nag-uumpugang interes ng Estados Unidos at Tsina. 

Ang Tsina, sa kabilang banda, ay hindi lamang isang malayong anino sa hilaga; ang kanilang presensya ay nadarama sa mga murang produkto sa mga basket sa palengke, sa mga lokal na negosyanteng nagpapadala ng paninda sa mga lalawigan, at sa mga ugnayang pang-ekonomiyang nagpapakain sa maraming pamilya. Ang unti-unting pagtatayo ng mga pader ng pagkakahiwalay ay dahan-dahang nagpapakipot sa espasyo ng bansa na tumayong malaya at payapa.

Kapag tuluyang nag-umpugan ang mga dambuhalang puwersang ito, ang bigat ng epekto ay hindi mararamdaman sa loob ng mga mararangyang silid sa Washington o sa mga opisyal na nakasandal sa malalambot na upuan. 

Ang tunay na sasalo sa hampas ng nagbabagong ihip ng kalakalan ay ang mga maliliit na negosyanteng Pilipino — mga taong ang tanging puhunan ay pawis at ang dalangin sa bawat paggising ay ang patuloy na pag-ikot ng malayang ugnayan upang may mailatag na pagkain sa hapag-kainan. Sa larong ito ng mga makapangyarihan, ang buhay ng mga nasa laylayan ang madalas na unang nailalagay sa kawalan ng katiyakan.

Higit pa sa pagiging progresibo

Napakadali nga namang mag-iwan ng pirma sa ibabaw ng makinis at makikinang na lamesa. Napakadaling maglatag ng mga makukulay na balangkas ng isang makabagong lungsod na binansagang progresibo. Ngunit ang tunay na pagsulong ng isang lipunan ay hindi kailanman nasusukat sa ningning ng mga makinarya, kundi sa kung paano pinahahalagahan ang mga buhay, ang kultura, at ang lupang nagluwal sa atin bilang isang lahi.

Saksi ang kasaysayan na ang mga nagmamadali at dambuhalang kasunduan ay madalas na lumalamon at dumudurog sa mga maliliit na pamayanan. Ang tunay na pag-unlad ay hindi nagpapadikta sa takot, at hindi nabibili ng mga mabilisang pangako ng naglalakihang salapin — ito ay tahimik na hinahabi mula sa katarungan, sa dignidad ng mga manggagawa, at sa wagas na pagmamahal sa sariling bayan.

Habang dahan-dahang naglalaho ang anino ng gabi at muling nagbabanta ang paggising ng mga dambuhalang makina, nagiging mas malinaw ang mukha ng ating kinakaharap. Ang ipinangakong Pax Silica ay hindi pala kapayapaan; ito ay dahan-dahang nagpapakilala bilang isang makintab na tanikala na pilit sumasakal sa kaluluwa ng ating kultura, kalikasan, at soberanya. 

Bago tuluyang maubos ang ating mga tinig sa ilalim ng ugong ng makabagong panahon, tiyakin muna nating may lupa pa tayong tatayuan at may malayang dagat na papalautan. Sapagkat sa dulo ng lahat, walang anumang sintetikong talino ang makapupuno sa nawalang kaluluwa ng isang bansa.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...