Buhay ang halaga ng tradisyon

Joren DaranganColumns11 minutes ago

Hanggang saan nga ba ang hangganan ng tradisyon kapag ang nakataya na ay ang mismong hininga ng tao? 

Sa paghahanap ng hustisya at kapayapaan, madalas tayong kumakapit sa mga lumang paniniwalang ipinasa ng ating mga ninuno. Subalit isang napakalaking kabalintunaan kapag ang gawi na idinisenyo upang mag-ayos ng alitan ay siya mismong naghatid sa tao sa kaniyang huling hantungan. Panahon na upang buksan natin ang ating mga mata at tanungin ang ating sarili: hustisya pa rin ba ang tawag sa isang gawi kung ang nagiging kabayaran nito ay kabaong?

Nabahiran ng dugo ang sagradong ilog nang malunod ang dalawang magsasaka habang isinasagawa ang ritwal na “Sulif” upang resolbahin ang alitan sa lupa. Sa halip na kapayapaan at pagkakaisa, dalawang kabaong at nagdadalamhating pamilya ang naiwan matapos ang labindalawang minutong pagbababad sa ilalim ng tubig. Nagiging bitag ng kamatayan ang hindi naaangkop na “tradisyon.” Hindi na ito usapin ng paggalang sa sinaunang pamamahala; ito ay tungkol sa kawalan ng proteksyon sa mismong sarili nilang mga kasapi. Ngunit ang trahedyang ito ay hindi lamang kuwento ng isang mapanganib na kaugalian; ito ay malinaw na senyales ng mas malalim na krisis sa ating lipunan—ang matagal nang kapabayaan sa probisyon ng lupa at ang kawalan ng maayos at mabilis na sistema sa paglutas ng mga sigalot sa ari-arian.

Para sa mga magsasaka at katutubo, ang lupa ay hindi lamang simpleng ari-arian o pilapil sa bukid; ito ang kani-kanilang mismong kabuhayan, dignidad, at seguridad sa araw-araw. Ang patuloy na kawalan ng pormal na titulo, ang hindi malinaw at magkakasalungat na hangganan ng mga teritoryo, at ang mabagal na pamamahagi ng agrayong katarungan ang patuloy na nagpapalalim sa mga hidwaan sa mga kaugnayan. Kapag ang pangunahing pinagmumulaan ng pagkain ng isang pamilya ay nasa panganib, nagiging usapin na ito ng survival—dahilan upang maging napakataas ng emosyon at maging sukdulan ang mga hakbang na ginagawa ng bawat panig.

Dito nagkakaroon ng malaking puwang ang kawalan ng pormal o institusyunal na sistema sa paglutas ng alitan. Bagamat may mga ahensya ang pamahalaan tulad ng Department of Agrarian Reform (DAR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at mga pormal na hukuman, madalas na manatiling malayo, napakamahal, at sobrang bagal ng proseso ng mga ito para sa mga karaniwang magsasaka. Sa harap ng napakahabang taon ng paghihintay sa desisyon sa korte, napipilitan ang mga mamamayan na umasa sa mga tradisyonal na pamamaraan na mas mabilis ngunit kulang sa probisyon para sa seguridad at kaligtasan. Kapag nabibigo ang estado na magkaloob ng accessible at maaasahang sistema ng katarungan, ang mga tao ay naisusulong sa gilid ng bangin kung saan ang pagbababad sa ilalim ng tubig ang nagiging tanging paraan upang matapos ang alitan.

Bukod pa rito, itinuturo rin ng trahedyang ito ang kawalan ng sapat na proteksyon at tulong-legal sa mismong antas ng pamayanan. Sa maraming malalayong barangay, nananatiling salat ang access sa mga pampublikong abogado, mga legal mediator, at maging sa mga programa ng mga Lokal na Pamahalaan (LGU) na nakalaan para sa paglutas ng alitan bago pa man ito lumala. Dahil sa kawalan ng oryentasyon sa kani-kanilang legal na karapatan at sa kawalan ng tulong mula sa pormal na pamahalaan, napipilitan ang mga katutubong pamayanan na gipitin ang kanilang sarili sa mga sinaunang pamamaraan na wala nang angkop na mekanismo para sa seguridad. Ang tunay na institusyunal na adhudikasyon ay hindi nagtatapos sa pagkakaroon  lamang ng mga batas sa papel; kinakailangan nitong maabot ang pinakamalayong baryo upang tiyakin na walang magsasakang kakapit sa patalim—o sa ilalim ng tubig—para lamang ipaglaban ang kaniyang karapatan.

Maliwanag na kinikilala ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997 ang karapatan ng mga katutubo sa sarili nilang batas-kaugalian at tradisyon sa paglutas ng alitan sa pangunguna ng kanilang Indigenous Political Structures. Subalit, kailanman ay hindi ibinigay ng batas ang pagkilalang ito upang maging lisensya sa paglalagay sa panganib sa pisikal na kaligtasan ng sinuman. Sa halip na ipagbawal nang tuluyan ang mga tradisyon, ang kailangan ay ang maayos na pag-uugnay sa pagitan ng mga katutubong pamamaraan at ng pormal na legal na sistema ng bansa. Nakatali ang mismong probisyon ng IPRA at ng ating Saligang Batas sa pagprotekta sa batayang karapatang pantao—kung saan pinakamataas sa lahat ang Karapatan sa Buhay. Walang anumang kaugalian o batas-tradisyon ang dapat mangibabaw sa probisyon ng pagpapahalaga sa tao.

Madaling sabihin ng ilan na huwag tayong mangialam dahil kultura at sariling paniniwala naman daw nila iyon. Ngunit nawawalan ng kahulugan ang salitang “respeto” kapag kamatayan at kabaong na ang ibinubunga ng isang ritwal. Hindi kailanman nagiging pambabastos sa tradisyon ang pagtatanggol sa buhay ng tao; ang tunay na pambabastos ay ang pagpikit sa trahedya sa ngalan ng bulag na pagsunod. Nagtatapos ang kalayaan sa paniniwala sa mismong sandaling umaagos na ang dugo at napapatid na ang hininga ng ating kapwa.

Hindi rin natin dapat tingnan ang usaping ito bilang labanan lamang sa pagitan ng modernong batas at sinaunang kultura. Isang malaking pagkakamali ang isipin na binuo ang mga katutubong ritwal upang magparusa o magdulot ng sakitan at kamatayan sa kapwa. Sa kasaysayan ng ating mga ninuno, binuo ang mga pamamaraang ito upang mapanatili ang kapayapaan, mag-ayos ng sigalot, at magbigay ng pagkakaisa sa komunidad. Nawawala na ang tunay at banal nitong layunin sa lipunan kapag nagdudulot na ng pagbabawas ng buhay  ang isang gawi. Ang isang ritwal na dating nagpapatibay sa samahan ng lipunan ay nagiging bitag na lamang kapag hindi ito naisasaayos ayon sa mga batayang pamantayan ng kaligtasan. Dapat na nagpapagaling sa sugat ng alitan ang mga ritwal, at hindi nagpaparami ng mga ulila at biyuda.

Hindi natin layunin na  burahin ang sinaunang kultura, kundi gabayan ito upang maging ligtas at angkop sa makabagong panahon at karapatang pantao. May mga kaparaanan sa tradisyon na puwedeng idaan sa diyalogo, simbolo, at kasunduan nang hindi kinakailangang magbabad sa ilog hanggang mawalan ng buhay. Ang mismong pagprotekta sa mga taong nagpapatuloy ng kulturang ito ang tunay na pagpapahalaga sa katutubong pamayanan.

Hindi sa ilalim ng ilog natatagpuan ang tunay na katarungan, kundi sa lalim ng pagpapahalaga natin sa buhay ng tao. Dapat na nagbibigay-buhay at nagbubuklod sa komunidad ang kultura, at hindi nagiging dahilan ng pagdadalamhati at kabaong. Huwag nating hayaang maging bitag ng kasalukuyan ang ritwal ng kahapon na maaaring magdulot ng pagkawala ng buhay. Panahon na upang iahon natin ang hustisya mula sa malalim na tubig at tiyaking magiging ligtas na kanlungan ng lahat ang bawat tradisyon.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...