Kamera at bala, ano ang mas matibay sa dalawa? 

Ang pamamahayag sa Pilipinas ay isang karapatang dapat tinatamasa ng bawat mamamahayag sa ating bansa, sapagkat nakasaad sa ating konstitusyon, Artikulo III, Seksyon IV, may karapatang magpahayag ang mga Pilipino ng kanilang opinyon sa masa. Nakasaad rin sa konstitusyon na pinoprotektahan ng batas ng ating bansa ang mga mamamahayag sa paglalabas ng katotohanan, impormasyon, at balitang narararapat malaman ng mga Pilipino laban sa censorship na narararanasan ng mga mamamahayag sa ilalim ng pamumuno ng kasalukuyang administrasyon na pilit pinapatahimik ang mga piyerdalista ng ating bayan. Ang panggigipit sa mga mamamahayag at panghuhuli sa kanila ng walang dahilan ay isa lamang indikasyon ng supresyon sa ating bansa, sapagkat inaabuso at ginagamit na lamang ng mga politiko at ng mga kapulisan ang kapangyarihang iginawad para sa kanila. At dahil tila hindi na para sa mga Pilipino ang kanilang pagsisilbi.

Noong Oktubre 19, nagsagawa ang mga aktibista ng isang protesta sa tapat ng Department of Agrarian Reform (DAR), kung saan ipinaglalaban ng bawat aktibista ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka at isang panawagan din para sa namumuno sa DAR. Ngunit nagkaroon ng marahas na kaganapan sa pagitan ng mga kapulisan, midya, at mga aktibista. Sa gitna ng kaguluhang nangyayari, pinuwersa ng mga kapulisan na hulihin ang isang community journalist mula sa Bulatlat na si Aaron Ernest Cruz habang ibinabalita ang nangyayari sa protesta. Kahit na nagpakilala na siya bilang kasapi ng midya, pilit siyang hinahablot ng mga kapulisan hanggang sa masira ang suot-suot nitong T-shirt.

Bunga ng marahas na insidenteng ito, tila sinusubok muli ng tadhana ang malayang pamamahayag ng mga alagad ng midya sapagkat nalalabag ng mga kapulisan ang freedom of speech hindi lamang ng mga alagad ng midya, kundi pati na rin ng mga aktibistang lumalaban lamang nang patas para sa karapatan ng mga magsasaka sa lupang repormang dapat ay natatamasa nila. Marami nang beses na nararanasan ng mga alagad ng midya at ng mga aktibista ang karahasan at pananakit ng mga kapulisan laban sa protestang kanilang isinasagawa.

Noong Setyembre 21, 2025, nagkaroon din ng parehas na senaryo sa pagitan ng mga raliyista, alagad ng midya laban sa mga kapulisan kung saan nagkaroon ng girian sa Mendiola dahil sa panggugulo ng ilang kasapi ng mga nag-rally sa Luneta Park. Ang rally ay isinagawa, upang ipanawagan sa gobyerno ang pananagutan ng mga sangkot mula sa flood control issues na nangyari noong nakaraang taon. Dahil sa giriiang nangyari, sapilitang hinuli ng mga kapulisan ang mga ralihista upang ikulong sa selda. Kabilang sa sapilitang hinuli ng mga pulis ay si Jacob Baluyot, isang mamamahayag mula sa The Catalyst, ang opisyal na pahayagan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP). Inaakala ng mga pulis na kasapi siya ng mga ralihista dahil sa suot nitong itim na damit habang kumukuha ng mga litrato para ibalita sa kanilang pahayagan.  

Dahil dito, mas lalong umusbong ang galit ng ilang mamamahayag at aktibista laban sa mga kapulisan at gobyerno, sapagkat nalalabag ng kanilang mga tuta ang karapatan sa malayang pamamahayag. Tila nawalan na ng saysay ang Artikulo III, Seksyon IV ng 1987 Philippine Constitution, sapagkat tila hindi na pinahahalagahan ng mga kapulisan at ng gobyerno ang malayang pamamahayag ng mga mamamahayag sa publiko. Tila unti-unti nang pinapatay at pinagkakait sa bawat Pilipino ang karapatang magpahayag sa publiko ng mga opinyon at saloobin tungkol sa mga problemang patuloy na nangyayari, mga problemang hindi na magawan ng solusyon, at mga problemang matagal nang namamalagi sa lipunan. Higit pa rito, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga mamamahayag na nakararanas ng harassment at pananakot mula sa mga kapulisan at sundalo. 

Ayon sa pag-aaral ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), 60% ng red-tagging incidents sa mga mamamahayag sa Pilipinas ay ‘state-sponsored’ o mga kilos, karahasan, o mga cyber operation na isinagawa, pinondohan, o materyal na sinusuportahan ng mga pambansang gobyerno. Ayon pa sa pag-aaral ng NUJP, simula noong 2016, nakita o nadokumento na nila ang higit 159 na insidente ng pangre-red-tag sa mga mamamahayag, newsrooms, at media organizations, at media platforms tulad ng ABS-CBN . Kalahati sa mga insidenteng ito ay state-sponsored, kabilang ang debunk matrix ng red-tagging noong administrasyong Duterte noong 2016-2022. Ayon pa sa pag-aaral nila, gamit ang social media, pagpapadala ng mga sulat at dokumento, at mga poster, tinakot o tinarget ng mga ahente ng estado at mga aktor ang mga miyembro ng parehong alternatibo at mainstream na media sa buong Pilipinas 

Dahil sa patuloy na karahasang nangyayari sa mga mamamahayag sa kamay ng mga kapulisan, tila mas lalong lumalayo o nawawalan na ng tiwala ang ibang Pilipino sa mga kapulisan dahil sa maling gawi nila ng panghuhuli sa mga miyembro ng alternatibong midya dahil lamang nagko-cover sila ng balita sa lansangan. Bilang isang mamamahayag, nawawalan na ako ng pag-asa para sa mga kapulisan, sapagkat nagiging puppet o taga-sunod na lamang sila ng mga pulitiko sa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Nawawala na ang diwa ng pagsisilbi nila sa mga Pilipino at sa bayan upang protektahan tayo laban sa panganib na nangyayari sa ating lipunan. 

Sa kabila ng mga banta at pananakot na nararanasan ng mga alagad ng midya sa kamay ng mga kapulisan at mga sundalo, hindi natinag at hindi natakot ang mga mamamahayag, lumaban at tumindig sa tama ang mga mamamahayag sapagkat alam nilang wala silang ginagawang mali sa paghahayag ng katotohanan sa publiko at sa mga Pilipino. Sa huli, ang kanilang tapang at paninindigan ang nagsisilbing ilaw sa gitna ng kadiliman ng panggigipit ng gobyerno sa mga mamamahayag. Hindi kailanman kalaban ang mga kapulisan, ngunit hindi rin kailanman magiging kakampi ang kapulisan laban sa panggigipit ng estado sa ating mga mamamahayag. 

Walang kahit na anong solusyon sa panggigipit ng mga kapulisan sa mga mamamahayag, sapagkat ang kapwa nating Pilipino ay ipinagkanulo na tayo kay Kamatayan, sapagkat ang mga balitang inilalabas at ipinapahayag natin sa publiko ay hindi umaayon sa panlasa at kagustuhan nila. Habang nabubuhay tayong mga mamamahayag sa lupain ng kasamaan, hindi kailanman makakalaya ang ating boses sa kamay ng mga mapang-alipustang estado.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...