Nasa beer na nga ba ang ‘forever’?

Maituturing na ‘guilty pleasure’ ng maraming Pilipino ang pag-inom ng iba’t ibang uri ng alak katulad ng beer. Ngunit sa likod ng bawat lagok, ang aliw ay may kasamang banta na maaaring manatili forever.

Sa isang pananaliksik na inilathala sa American Chemical Society (ACS) Environmental Science & Technology, napag-alaman ng mga mananaliksik na naglalaman ng toxic na kemikal ang 95% ng mga beer na kanilang sinuri sa iba’t ibang rehiyon ng United States (U.S.).

Nakasaad sa resulta ng pagsisiyasat na ang may pinakamataas na lebel ng per- and polyfluoroalkyl substances (PFAS) sa beer ay ang mga alak na gawa sa lugar na kilala sa may mga kontaminadong tubig.

Ang PFAS, na kilala rin bilang forever chemicals, ay isang mapanganib na kemikal dahil kaya nitong tumagal sa katawan ng tao sa loob ng maraming taon. Kapag naipon ay kaya nitong magdulot ng pinsala sa atay, bato, immune system, at kahit kanser.

Kadalasang matatagpuan ang PFAS sa tubig, pambalot ng pagkain, cosmetics, water-resistant fabrics, at marami pang ibang kagamitan sa kapaligiran. Sa ngayon ay kumpirmado na rin ng mga siyentipiko ang presensya nito sa beer, na siyang nagpapatunay kung gaano na kalaganap ang PFAS.

Ayon sa nangunguna sa pananaliksik na si Jennifer Hoponick Redmon, umaasa siyang ang resulta ng kanilang pag-aaral ay maghihikayat ng mga istratehiya at polisiya na mapagtitibay sa pagpabubuti ng tubig sa mga lugar upang mabawasan ang PFAS sa hinaharap.

Bagama’t ang pag-aaral na ito ay nakasentro sa U.S., mahalaga itong bigyang-pansin sa Pilipinas lalo pa’t laganap din dito ang iba’t ibang uri ng alak habang patuloy naman na nagiging hamon ang polusyon sa tubig at kaligtasan sa pagkain.

Kahit pa gumagamit ang mga breweries o pagawaan ng beer ng water treatment at filtration processes upang masiguro ang kalinisan ng tubig na ihahalo sa paggawa ng serbesa, walang kakayahan ang mga sistemang ito na tanggalin ang PFAS na naihahalo rito.

Sinuri ng grupo nina Redmon ang lawak ng kontaminasyon gamit ang isang pamamaraan ng U.S. Environmental Protection Agency (EPA) na karaniwang ginagamit upang subukin ang antas ng PFAS sa inuming tubig.

Para maisagawa ang pamamaraang ito, gumamit sila ng 23 na mga beer kabilang na ang mga galing sa pagawaan sa Amerika na may naitalang kaso ng kontaminasyon sa tubig, gayundin ang mga kilalang lokal at pandaigdigang tatak na kumukuha ng kanilang tubig mula sa hindi naisisiwalat na pinagmumulan.

Sa 23 na sinuri, 95% dito ay sinasabing mayroong PFAS. Kabilang sa natuklasan ang perfluorooctanesulfonate (PFOS) at perfluorooctanoic acid (PFOA), dalawang forever chemicals na kamakailan lang ay itinakda ng EPA ang limitasyon sa inuming tubig.

Nakita rin nina Redmon ang matibay na ugnayan sa pagitan ng konsentrasyon ng PFAS sa inuming tubig ng mga lungsod at sa antas nito sa mga lokal na gawang beer. Ito ay isang bagay na isinaad ng grupo na hindi pa napag-aaralan sa U.S. retail beer.

Dagdag pa nila, ang mga beer na gawa malapit sa Cape Fear River Basin sa North Carolina ay ang may pinakamataas na antas ng PFAS at may pinakamalawak na halo ng mga forever chemicals, kabilang ang PFOS at PFOA.

Ipinapakita lamang dito na kapag kontaminado ang tubig ay napupunta rin ang mga nabanggit na kemikal sa mga inumin katulad ng beer.

Batay sa pag-aaral, ang kontaminasyon ng PFAS sa isang bagay ay maaaring kumalat sa iba pang produkto kung kaya’t nananawagan ang mga mananaliksik sa mga gumagawa ng serbesa, konsyumer, at mga tagapagpatupad ng batas upang mabawasan ang kabuuang pagkakalantad sa PFAS.

Binibigyang-diin naman sa resulta ang kahalagahan ng pagpapabuti sa water treatment ng mga pagawaan ng serbesa kasabay ng pagbabago sa regulasyon ng PFAS sa mga inuming tubig.

Sa estado ng Pilipinas, wala pang malinaw na regulasyon para sa PFAS, ngunit lumalabas na mayroon nang ebidensiya ng pagkakaroon nito.

Isang pag-aaral noong 2020 na pinangunahan ng The State University of New York (SUNY) sa Buffalo ang nakatuklas ng mga naturang kemikal kasama ang mahigit kalahating dosena pa sa Laguna Lake at inuming tubig sa Metro Manila. Kung naroroon na ito sa pangunahing pinagkukunan ng tubig, hindi malayong makaapekto rin ang PFAS sa mga produktong gaya ng beer na lokal na iniinom.

Mahalaga ang pagsasagawa ng masusing pagsusuri sa mga ilog at pinagkukunan ng tubig upang matiyak na hindi mapapasama ang ganitong kemikal sa mga lokal na inumin.

Kasabay ng panawagan sa mas pinabuting istratehiya sa pamamahala sa tubig, dapat din magkaroon ng kontrol ang mga tao sa pag-inom ng alak upang maiwasan ang labis na pagkalantad sa mga toxic na forever chemicals.

Guilty pleasure man para sa nakararami, hindi pa rin ito dapat abusuhin—sapagkat sa bawat lagok ng beer ay may kasamang forever na hindi madaling takasan.

6 Votes: 6 Upvotes, 0 Downvotes (6 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...