Tubig-ulan, ligtas nang inumin sa tulong ng mga inobasyon

Angelo Dela Rama

Ngayong rainy season, hindi na lamang maituturing na perwisyo ang pabugso-bugsong pagbuhos ng ulan, bagkus posible rin itong maging susi upang matugunan ang kakulangan sa akses ng maraming Pilipino sa malinis at ligtas na tubig.

Batay sa inilabas na datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2024, humigit-kumulang 40 milyong Pilipino ang hindi nakatatanggap ng akses sa maayos na suplay ng inuming tubig na posibleng makaapekto sa kanilang kalusugan.

Bilang tugon dito, sa kanilang press conference sa Philippine Information Agency (PIA), ibinahagi ng Department of Science and Technology-Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI) ang kanilang mga nilikhang inobasyon para mapabuti ang sistema sa pangongolekta at paglilinis ng tubig-ulan.

Sa tulong ng mga ito, masisigurong may mapagkukunan ng ligtas na suplay ng tubig ang publiko sa oras ng pangangailangan.

Pinadaling paraan sa pag-imbak ng tubig-ulan

Isa sa mga teknolohiyang binuo ng DOST-ITDI ang modular rainwater collection system (RCWS) na gawa sa nanocomposite thermoplastic geomembrane at may kapasidad na makapag-imbak ng hanggang 1000 na litro ng tubig-ulan.

Sapat ang dami ng tubig na makakalap dito upang mabigyan ng suplay ang tatlo hanggang limang tahanan.

Ayon kay Dr. Marianito Margarito, pinuno ng DOST-ITDI Materials Science Division, madali lamang itong ikabit sa mga tahanan at mailipat sa ibang lugar kung kinakailangan.

Bukod dito, may taglay rin itong 3D-printed hollow fiber membrane module na nakatutulong upang mas mapabuti ang kapasidad nitong magsala ng tubig at matagal itong magamit.

Gayunpaman, hindi pa ligtas inumin ang makokolektang tubig sa naturang proyekto sapagkat dapat muna itong dumaan sa proseso ng disinfection.

“Alternative supply lang naman siya, hindi naman main supply. Pwede mong gamitin na [pandilig] and linis,” saad ni Dr. Margarito.

[Pang-alternatibong suplay lang naman siya, hindi naman pangunahing suplay. Pwede mong gamitin na pandilig at linis.]

Sa kasalukuyan, ipinamahagi na ang modular RWCS sa tinatayang 46 na lugar sa loob ng Metro Manila at maging sa 9 na lugar sa mga probinsya ng Laguna, Misamis Oriental, Mt. Province, Nueva Ecija, at Pampanga.

Pagproseso ng inuming tubig

Upang tuluyang malinis ang mga nakolektang tubig-ulan, nilikha naman ng DOST-ITDI ang “SAFEWTRS: Emergency Disinfection System of Drinking Water” na kayang tanggalin ang anomang kemikal o metal na matatagpuan sa tubig.

Sa pamamagitan nito, posibleng makagawa ng 2000 na litro ng inuming tubig sa loob ng 9 na oras gamit lamang ang solar energy o enerhiya mula sa sikat ng araw.

Tiniyak naman ng DOST-ITDI na ligtas inumin ng publiko ang makukuhang tubig dito dahil sumusunod ito sa pamantayang nakasaad sa Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW).

Batay kay Engr. Rey Esguerra, Officer-in-Charge (OIC) sa Office of the Deputy Director – Research and Development ng DOST-ITDI, nagkakahalaga ang teknolohiyang ito ng ₱300,000 hanggang ₱400,000, at maaari itong gawin ng mga lokal na pamahalaan upang magamit sa kanilang mga lugar.

“Ang kailangan lang naman they have the capability to do fabrication work. Kailangan mo lang ng circular saw and [pang-welding]. Yung motor, mixer, solar power, [kailangan] mo ng electric technician to do that work. Mag-undergo lang sila ng accreditation sa technological services division,” ani Engr. Esguerra.

[Ang kailangan lang naman ay magkaroon sila ng kakayahang gumawa ng fabrication work. Kailangan mo lang ng circular saw at [pang-welding]. Yung motor, mixer, solar power, [kailangan] mo ng electric technician para gawin ‘yon. Dumaan lang sila sa akreditasyon ng technological services division.]

Sa ngayon, matatagpuan pa lamang ang sistemang ito sa 26 na lugar sa bansa. Bunsod nito, ibinahagi ni Engr. Esguerra na malaking tulong kung mas mapalalawig ang paggamit nito upang makapagsagawa ng mga pag-aaral na makasisigurong epektibo ito pangmatagalan.

May hatid mang perwisyo ang matinding pagbuhos ng ulan ngayong rainy season, ngunit, sa tulong ng mga inobasyong may kapasidad na kolektahin at linisin ito, nagiging abot-kamay ang malinis at ligtas na suplay ng tubig para sa bawat Pilipino.

4 Votes: 2 Upvotes, 2 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...