
Shaikira Esmero
Sa pagdami ng gumagamit ng online platforms, lumalawak din ang ilegal na bentahan ng wildlife sa social media. Ang dating simpleng online marketplace ay nagiging daan na rin sa pagbebenta ng mga protektadong hayop at kanilang mga bahagi.
Ayon sa ulat ng mga non-government organization (NGO) na Freeland, Education for Nature Vietnam (ENV), at International Wildlife Trust, inakusahan ang kompanyang Meta ng pagho-host sa tinawag nilang “pinakamalaking nag-iisang kilalang illegal wildlife trade market” sa mundo. Pinapalawak umano ng ilang feature ng platform, tulad ng advertising revenue at subscription models ang paglaganap ng ilegal na kalakalan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong kumita ang ilang content creators.
“Accounts that are openly breaking the law should be closed, and investigations into the criminal activities behind them should be launched”, ani Tom Taylor, chief operating officer ng Wildlife Friends Foundation Thailand.
[Ang mga account na lumalabag sa batas ay dapat isara, at dapat ding imbestigahan ang mga kriminal na nasa likod ng mga ito.]
Kabilang sa mga produktong ibinebenta online ang mga unggoy na ginagawang alagang hayop, sungay ng rhinoceros para sa tradisyunal na medisina, at mga patay na pangolin na ibinebenta bilang pagkain.
Sa unang tingin, maaaring magmukhang ordinaryong post lamang ang mga ito. Ngunit sa likod nito ay isang ilegal na transaksyon na naglalagay sa panganib sa mga hayop na dapat ay pinoprotektahan.
Dahil sa bilis ng pagkalat ng impormasyon online, mabilis ding lumalawak ang ilegal na kalakalan kung hindi ito mababantayan ng mga platform at ng mga gumagamit nito.
May mga naglalagay lamang ng larawan ng mga hayop nang walang presyo, saka hinihikayat ang mga interesadong mamimili na makipag-ugnayan sa pamamagitan ng pribadong mensahe upang maitago ang transaksyon.
Hindi lamang mga hayop ang nawawala sa bawat ilegal na bentahan. Kasama rin dito ang pagkawala ng kanilang mahahalagang papel sa kalikasan.
Ayon sa Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, ipinagbabawal ang panghuhuli, pagbebenta, pag-aangkat, at pagmamay-ari ng mga protektadong wildlife nang walang kaukulang permit. Layunin ng batas na mapangalagaan ang mga nanganganib na hayop at ang kanilang likas na tirahan.
Bawat hayop ay may mahalagang gampanin sa pagpapanatili ng balanse ng kalikasan. Kapag unti-unti silang nawawala, naaapektuhan din ang iba pang mga organismo na umaasa sa kanila upang mabuhay.
Kapag patuloy na nababawasan ang populasyon ng mga endangered species, naaapektuhan ang balanse ng ekosistema at ang kinabukasan ng saribuhay. Ang simpleng pag-click ng “like” o pakikipag-ugnayan sa ganitong mga post ay maaari pang kumalat dahil sa algorithm ng social media.
Batay naman sa pananaliksik ng Global Initiative Against Transnational Organized Crime (GI-TOC), natukoy sa kanilang pag-aaral ang mahigit 20,000 online advertisements na nag-aalok ng higit sa 260,000 wildlife products sa iba’t ibang social media platforms mula Abril 2024 hanggang Marso 2026.
Sa kabuuang bilang ng advertisement, halos 75% ang matatagpuan sa Facebook. Marami sa mga account at grupo na naiulat na dahil sa ilegal na bentahan ay nananatiling aktibo. Ipinapakita nito na nananatiling malaking hamon ang pagpapatupad ng mga patakaran laban sa wildlife trafficking sa social media.
Ayon sa mga conservationist, hindi lamang umano nabibigo ang Meta na alisin ang mga lumalabag na post, kundi maaaring nahihikayat pa ang ilan na magpatuloy dahil sa monetization features ng Facebook at Instagram. Kapag mas maraming nakikitang tao at nakikipag-ugnayan sa isang account, mas malaki rin ang posibilidad na kumita ito mula sa mga advertisement at subscription.
Dagdag pa nila, hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng mga patakaran kung hindi ito naipapatupad nang maayos. Anila, marami pa ring mga post at account na sangkot sa ilegal na bentahan ng wildlife ang nananatiling aktibo sa kabila ng mga ulat laban sa mga ito.
Bukod pa rito, anila’y mahalaga rin ang pakikipagtulungan ng mga online platform, awtoridad, at mga gumagamit ng social media upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na kalakalang ito at maprotektahan ang mga nanganganib na hayop.
Sa kabila ng pagiging miyembro ng Coalition to End Wildlife Trafficking Online mula pa noong 2018, iginiit ng Meta na may mga patakaran silang nagbabawal sa pagbebenta ng mga endangered species sa kanilang mga platform, ngunit naniniwala pa rin ang mga environmental groups na hindi pa sapat ang kasalukuyang pagpapatupad ng mga ito.
Sa panahon kung saan isang click lamang ang kailangan upang makabili online, maaari ding ilang click lang ang magiging dahilan ng pagkawala ng ilang species. Habang lumalawak ang kalakalan, unti-unti namang nababawasan ang kalikasan.