Hindi nakikita ng mga mata—mga molekula na maaaring magpabuti o magpahamak sa katawan. Gayunpaman, naiisip mo ba na ang mga ito ay may kaugnayan sa paglaganap ng ilan sa malulubhang sakit?
Photo Courtesy of Science Photo Library, American Society for Biochemistry and Molecular Biology ( ASBMB)
Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa University of Santo Tomas (UST) ang kaugnayan ng sukat ng telomere sa pagtanda at sa mga posibleng hudyat ng pangmatagalang karamdaman o chronic illnesses.
Ang telomere ay matatagpuan sa dulong bahagi ng kromosoma—ito ang nagdadala ng genetic information sa katawan ng tao. Ito ay may layunin na protektahan ang deoxyribonucleic acid (DNA) upang ito ay ligtas sa proseso ng mga selula na nagsisimula maghati-hati.
“Telomere Length Variation in a Filipino Population from Luzon: Implications for Aging and Health” ang kanilang pananaliksik na isinagawa ng medical biology alumnus na sina Jerome Alfred Tabajonda, Dr. Carl Tan at Dr. Flordeluna Mesina ng Faculty of Medicine and Surgery, at mga propesor ng biological sciences na sina Maureen Sabit at Pia Albano.
“A useful way to picture this is to think of the plastic tips on shoelaces. Just as those caps prevent laces from fraying, telomeres protect chromosomes from unraveling,” saad ni Tabajonda.
[Ang isang kapaki-pakinabang na paraan upang mailarawan ito ay ang mga plastik na dulo ng mga sintas ng sapatos. Kung paanong pinipigilan ng mga takip na iyon ang mga sintas mula sa pagkapunit, pinoprotektahan ng mga telomere ang mga chromosome mula sa pagkalas.]
Upang matiyak ang mga sukat nito, naging patnubay ng mga mananaliksik ang paggamit ng quantitative polymerase chain reaction (qPCR).
Ang qPCR ay isang laboratory test upang masukat ang bilang ng deoxyribonucleic acid (DNA)—pati na rin ang ribonucleic acid (RNA).
Karaniwan itong ginagamit sa pagsusuri ng mga pathogen—mga mikroorganismo na maaaring magdulot ng sakit, genetic mutations, bilang ng gene copies, at genetically modified na mga organismo. Isang halimbawa rin nito ang COVID-19 testing—pagsisiyasat ng mga posibleng viral RNA.
Gamit ang qPCR, kinuhanan ng dugo ang 615 kalahok sa Luzon bilang datos sa pagtitiyak ng bilang at sukat ng telomeres. Kabilang na rin dito ang pagkukumpara sa katangian ng telomere sa pagtanda at sa pagitan ng mga indibidwal na nakararanas ng sakit sa puso at kanser.
Ayon sa naging pag-aaral, ang mga indibidwal na mayroong maikling telomere ay nakararanas ng mabilis na pagtanda, kabilang na ang sakit sa puso. Samantala, ang mga indibidwal na mayroong mahabang sukat nito ay nakararanas ng kanser.
Dahil dito, naging pagsusuri na ang mapanganib sa kalagayan ng isang indibidwal ang maikling telomere kumpara sa normal na sukat nito—humigit kumulang 5 to 15 kilobases (kb) ang normal na sukat na halos kasinlaki ng lapad ng isang red blood cell (RBC) na umaabot 6 hanggang 8.2 micrometers (µm).
Sa kabuuan, mapanganib ang maikling telomeres, ngunit ang masyadong mahabang telomerase naman ay maaaring maging mapanganib din sapagkat patuloy lang ang paglaki nito sa paglipas ng mga panahon.
Batay sa datos ng Philippines Statistics Authority (PSA), kabilang ang sakit sa puso at kanser sa tatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Kaugnay nito, ang karamdaman sa pag-atake sa puso, stroke, at kanser sa baga at dibdib.
Gayunpaman, binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pananaliksik ng telomere shortening—ilan sa mga posibleng aktibidad ay ang gene editing at gene manipulation, ngunit kinakailangan ng maingat at malalim na pagsisiyasat at pag-aaral.
“Combining telomere biology with artificial intelligence can strengthen disease risk assessment and contribute to personalized medicine.”
[Sa pagsasama-sama ng telomere biology sa artificial intelligence ay maaaring mapalakas ang pagtatasa ng panganib sa sakit at maglathala sa mga isinapersonal na gamot.]
Hinihimok ni Tabajonda na mas lalong mapalawak ang pag-aaral tungkol sa telomere sa Pilipinas, kasama ang mga ilang pagsubok kagaya ng telomerase activity, oxidative stress markers, at advanced modeling techniques.
Karagdagan nito, maaaring mag-abot ng tulong ang mga iba’t ibang bansa upang mas palawigin ang mga karagdagang aktibidad hindi lamang sa mga sakit sa puso at mga pasyente ng kanser, kundi pati na rin sa iba pang mga sakit—maglilingkod ito bilang paraan sa kabutihan ng mga nakararami.
Bukod dito, mainam din na pangalagaan ang katawan. Kumain sa tamang dami lamang—iwasan ang pagkain ng mga processed foods, fatty foods, fast foods, at iba pang mga pagkain na maaaring makasira sa pang-araw-araw na takbo sa katawan.
Mahalaga rin na magpakonsulta sa mga opisyal ng kalusugan at medikal na doktor kung mayroong mga karamdaman—mapagkakatiwalaan sa paglilingkod ng kabutihan sa kalagayan.