
Ngayong National Teachers’ Month (NTM), muling lumulutang ang parehong isyu: sapat ba ang suporta ng pamahalaan sa ating mga guro? Sa kabila ng keyk, kanta, at greeting card tuwing Teacher’s Day, nananatiling kulang ang mga konkretong hakbang para tugunan ang matagal nang hinaing ng sektor.
Sa ideyal na mundo, may sapat na kakayahan upang bilhin ang kaniyang mga pangangailangan, may maayos na benepisyo, sapat na bilang ng mga kagamitang pang-mag-aaral, at may matibay na supporta sa pagpapalawig ng mga kasanayan (professional development) ang mga kaguruan. Ngunit malayo pa ang Pilipinas dito.
Sa pagdiriwang ng Department of Education (DepEd) ng NTM mula Septyembre 5 hanggang Oktubre 5 ngayong taon, ay nakatengga pa rin bilang house bills ang tugon sana sa mahabang panawagan ng mga guro sa maayos at kasiya-siyang pasahod mula sa pamahalaan.
Sa Senate Bill No. 211 na inihain ni Senador Risa Hontiveros, ay nilalayon niyang taasan ng 15,000 ang nakukuhang sahod ng mga guro at maging kawani ng kagawaran. Ibig sabihin, mula sa kasalukuyang mahigit kumulang na 30,000 pay para sa pinakamababang posisyon na Teacher I ay aangat ito sa 45,000. Sa isa ring panukalang Senate Bill No. 575 ay nilalayon rin na bigyan sila ng 10% discount at maging VAT exempted sa mga medisina.
Kung sakaling maisasabatas ay tumutugon ito sa panawagan sa pambansang living wage na 1,225 pesos per day para sa isang pamilya na mayroong limang kataong miyembro. Masisiguro nito na may maayos, at kasiya-siyang pamumuhay ang mga guro sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access sa health-related services, recreation, at iba pang mga pangangailangan.
Maganda mang isipan, lahat ng mga ito ay nananatiling mga panukala.
Kung iisipin, ang kasalukuyang sahod ng mga guro sa Pilipinas ay hindi sapat upang matugunan hindi lang ang pangunahing pangangailangan kundi pati ang pang-akademikong pangangailangan sa propesyon. Kung gayon, maraming guro ang napipilitang magtrabaho ng sideline upang maabot ang gastusin. Nabawasan ang oras para sa lesson preparation at professional development, at tumaas ang mental stress. Dagdag salik ito sa pagkababa ng kalidad ng pagkatuturo.
Ngunit, hindi natatapos sa pasahod ang pagsasaayos ng sistema ng edukasyon at pagtiyak na may maayos na kalagayan ang mga guro—may mas malaking problema pa, ang teaching mismatch. Ayon sa Second Congressional Commission on Education II noong nakaraang taon, anim sa sampung guro ang humahawak ng mga subject area na hindi naman nila pinag-aralan.
Dahil dito, bumababa ang kalidad ng pagtuturo at natatamaan ang kahusayan ng mga mag-aaral. Ang kakulangan sa tamang pagsasanay at espesyalisasyon ng mga guro ay nagreresulta sa mababaw na pagtuturo at limitadong kaalaman ng mga mag-aaral, na direktang nakakaapekto sa kanilang akademikong pag-unlad.
Isa ito marahil sa mga patong-patong na mga problema na nagtutulak sa mga guro na mangibang-bayan para maghanap ng mas maayos na sistema na kung saan higit na tanggap at pinapahalagahan sila. Noong 2024, inamin ni Secretary Sonny Angara na libong mga guro ang nagreretiro at umaalis sa kagawaran taon-taon at naghahanap oportunidad abroad. Ang pagkawala ng mga beteranong guro ay nagdudulot ng brain drain: bumabagsak ang kalidad ng edukasyon, humahaba ang training period ng mga bagong guro, at lalong lumalaki ang kakulangan sa mga espesyalisadong asignatura tulad ng Science at Math.
Higit sa mga ito, hindi natin maikakaila na bagamat performing ay hindi talaga guro ang kasalukuyang kalihim ng kagawaran na si dating Senador Sonny Angara. Makikita na sa burukrating perpsektibo ay nakaangla pa rin sa politika ang pagkakatalaga sa kaniya. Dahil rito, ang mga desisyon para sa sektor ay nakikita pa rin sa lente ng burukrasya at politika—hindi laging mula sa pananaw ng mga guro o eksperto sa edukasyon.
Dagdag pa rito, matatandaang sinundan niya ang pamana ni Vice President Sara Duterte na mga anomalya sa pamamagitan ng confidential funds. Bagamat maayos na sa kasalukuyan ang departamento, ay hindi pa rin mapabubulaanan ang kinakaharap na suliranin sa paghahanap ng accountability sa kagawaran.
Isang pagsaksak sa mga guro ang mga isyung ito na patuloy na tinatabunan at itinatago sa aparador. Hindi ito pinag-uusapan sa loob ng paaralan na kung saan sana’y hinuhubog ang kritikal na kamalayan ng mga mag-aaral.
Matatandaang palasak sa mga guro ang pararilang “Para sa bata, para sa bayan”, ngunit, kailan ba magigising ang bayan, na para magkaroon ng maayos na pagkatuto ang mga bata ay kailangan munang maging maayos ng mga guro?
Sa Oktubre 5, muling bibigyan ng cake at regalo ang mga guro. Ngunit hindi matatapos sa matamis na regalo ang mga suliranin ng sektor. Ang tunay na “cake” na kailangan nila ay makabuluhang reporma—mas mataas na sahod, mas maayos na kondisyon sa trabaho, at malinaw na pamumuno na inuuna ang edukasyon, hindi ang politika.
Kung seryoso ang pamahalaan sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon, dapat munang siguruhin na maayos ang kalagayan ng mga guro. Sapagkat walang matibay na sistema ng edukasyon kung ang mga tagapagturo mismo ay nananatiling salat at naghihirap.