
Bumalikwas ang Akari Chargers mula sa tatlong sunod na pagkatalo at pinutol ang momentum ng Nxled Chameleons sa isang four-set victory, 25–18, 25–23, 23–25, 25–22.
Pinangunahan ni Ivy Lacsina ang Akari Chargers sa likod ng kanyang 20 attack points at 10 excellent receptions.
Nanguna rin si Mars Alba sa playmaking na nagtala ng 22 excellent sets at itinanghal na Player of the Game, na sinundan nina Eli Soyud na may 13 puntos at Grethcel Soltones na may 12 upang tuluyang tuldukan ang depensa ng Nxled Chameleons.
“Hopefully, ‘yung chemistry namin today, ma-carry over namin sa mga next games kasi alam naman natin na hindi maganda ‘yung start namin,” ani coach Tina Salak sa postgame interview.
Tinunaw ng Nxled ang 22–20 abante ng Akari sa ikatlong set upang buhayin ang laban, ngunit nanumbalik ang momentum ng Chargers sa ikaapat na yugto sa pamamagitan ng disiplinadong floor defense at maagap na transition plays.
Pagpatak ng fourth set, sinalpak ni Soyud ang mahalagang puntos para sa 24–21 bentahe bago tuluyang sinelyuhan nina Alba at Domingo ang panalo.
Nasayang naman ang 16 puntos, 13 excellent digs, at pitong receptions ni Brooke Van Sickle. Nag-ambag din sina Myla Pablo at MJ Phillips, ngunit kinapos ang Chameleons at nalasap ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan.
Ang Nxled Chameleons ay sasabak sa laban kontra Choco Mucho Flying Titans sa FilOil EcoOil Centre sa Marso 3.
Pagkatapos nito, makakaharap nila ang Creamline Cool Smashers sa parehong venue sa Marso 7.
Ang Akari Chargers ay susunod na lalaban kontra Capital1 Solar Spikers sa FilOil EcoOil Centre sa Marso 7.
Cignal konektado; PLDT kinapos
Sinira ng Cignal Super Spikers ang walang talong streak ng PLDT High Speed Hitters sa 25–21, 25–19, 25–23 na panalo.
Pinangunahan ni Erika Santos ang Cignal Super Spikers sa kanyang 17 kills kasama ang mga key players na sina Vanie Gandler na may 14 puntos at walong excellent receptions, habang nagtala si Gel Cayuna ng 18 excellent sets, siyam na puntos, at limang digs para sa league-leading 4–1 rekord.
“We didn’t dwell too much on our last win. We moved on right away. We’re thankful as well because we had a long preparation heading into this game, so we were really able to prepare well,” ani Cayuna.
Nabura ng PLDT ang 11–16 na pagkakaiwan sa ikatlong set matapos magtala ng anim na sunod na puntos, tampok ang block ni Mika Reyes kay Gandler para sa 17–16 abante.
Gayunman, sumagot si Santos ng dalawang mahahalagang atake, na sinundan ng ace ni Cayuna para sa 20–17 kalamangan na binigyan-diin ni Gandler sa solidong attack na nagbigay ng 23–20 bentahe sa Cignal.
Agad namang sinagot ni Alleiah Malaluan ang opensa ngunit naunsiyami si Savi Davison sa crucial service error na nagbigay ng match point sa kalaban.
“We’re very happy and proud because in just about 10 days of recovery and preparation, the impact was really big. I’m very happy because the team, especially the players, put in so much effort,” ani Cignal coach Shaq Delos Santos.
Magtutuos ang Cignal Super Spikers at ang nagbabalik-sa-panalo na Akari Chargers sa Pebrero 28 sa parehong venue.