
Tuwing Pebrero, sinasapawan ng mga puso, rosas, at biglang bagsak ng presyo ng tsokolate ang tunay na halaga ng pag-ibig ng bawat Pilipino. Unti-unti, nagiging isang komoditi ang pag-ibig na nasusukat na lamang sa dami at ganda ng kayang ipangalandakan sa social media.
Ngunit, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pamahal nang pamahal na presyo ng pamumuhay sa kalunsuran, totoong mas mahal ang magmahal. Sa Maynila pa lamang, ayon sa Social Weather Stations (SWS), nasa 48% hanggang 57% na ang mga pamilyang Pilipinong tinutukoy ang sarili bilang “mahirap”—57% na pinipili na lang na magtipid sa ulam, magbilang ng barya sa pamasahe, at magdasal na huwag magkasakit.
Pero ang pag-ibig, tulad ng lahat ng bagay, ay isang pribilehiyo. Pribilehiyong maipakita ang yaman at kakayahan—ngunit, sa panahon ngayon, dapat lang bang pribado ang pagmamahal o dapat na itong sumaklaw sa lahat ng uri ng paglinang sa bayan?
Ngayong araw ng mga puso, dapat na nating idagdag ang serbisyo publikong may kusa, may tunay na pag-unawa, at tunay na pagbabago sa ating mga pamantayan sa pagmamahal.
Hindi romantiko ang usapin ng minimum wage, pero dito malinaw na nasusukat kung may malasakit ba talaga ang estado. Paano naatim na sabihing mahal tayo ng gobyerno kung ang sahod ay hindi sapat para sa tatlong kain sa isang araw, upa sa bahay, at pamasahe papasok sa trabaho?
Ito ay isang uri ng “toxic relationship” o kondisyonal na pag-ibig. Naririyan ang gobyerno, pero “bare minimum” lamang ang ibinibigay—sapat lang para huminga, pero hindi sapat para mangarap. Ang paulit-ulit na “tiis muna” ay hindi love language ngunit palusot lamang ng sistemang sanay ipasa ang bigat sa uring api. Ang makatarungang pasahod, seguridad sa trabaho, at proteksiyon laban sa pang-aabuso ay hindi luho, kundi mga batayang karapatan na dapat igawad sa mga naghihirap para dito.
Sa kabilang banda, naririyan ang pag-ibig ng bolunterismo. Ito ang pag-ibig na mapusok, wagas, at puno ng malasakit. Nakita natin ito nang sumibol ang Maginhawa Community Pantry at libu-libo pang iba noong pandemya. Kung saan nagkulang ang ayuda ng gobyerno, na nababalot sa isyu ng katiwalian at bagal ng distribusyon, ang ordinaryong mamamayan ang sumalo.
Ngunit ang ganitong pag-ibig, bagama’t dalisay, ay pansamantala. Mahalaga ang bolunterismo, at hindi ito dapat maliitin. Sa bawat community pantry, sa bawat relief drive, at sa bawat libreng serbisyong iniaalay ng ordinaryong mamamayan, makikita ang likas na pagkalinga ng Pilipino sa kapwa.
Kapag nasasanay tayong purihin ang “diskarte” at “bayanihan” ng komunidad habang tahimik na tinatanggap na bilyon-bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan o napupunta sa mga confidential funds, unti-unti nating ginagawang normal ang kapabayaan. Delikado ang pag-ibig na umaasa lamang sa awa ng kapwa habang ang may tungkulin ay nagpapabaya.
Pero magpakatotoo tayo: Ang labis na pag-asa sa bolunterismo ay senyales ng isang gumuguho at palpak na sistema.
Ang bolunterismo ay dapat dagdag, hindi kapalit ng gobyerno.
Ang tunay na pag-ibig sa bayan ay nakikita kapag ang gobyerno ay gumaganap at ang mamamayan ay nakikilahok: magkasabay, may malinaw na hangganan ng pananagutan, at may iisang layunin: dignidad para sa lahat.
Ang serbisyong publiko ay dapat hindi magtapos sa photo-op, sa papoging islogan, at PR sa Facebook. Dapat itong panagutan, at tapusin nang marangal.
Kapag pinili ng opisyal ang transparency kaysa palakasan, ang badyet para sa kalusugan at edukasyon kaysa sa vanity projects, at ang mabilis na aksyon sa sakuna kaysa sa sisihan, iyon ang pag-ibig na may saysay.
Kapag pinili naman ng mamamayan ang pagbabantay, ang pagboto nang may prinsipyo, at ang tuloy-tuloy na pakikilahok sa lokal na inisyatiba, iyon ang pag-ibig na may gulugod. Hindi sapat ang kilig at good vibes; kailangan ang matibay na institusyon, malinaw na patakaran, at kulturang hindi pumapalakpak sa kapalpakan.
Kaya ngayong Araw ng mga Puso, igiit natin ang mas mataas na pamantayan. Ang pag-ibig sa bayan ay may polisiya, may badyet, at may malinaw na mekanismo ng pananagutan.
Tama na ang bare minimum. Tama na ang love bombing tuwing kampanya at ghosting kapag may sakuna.
Ang bansa ay hindi nililigawan sa matatamis na salita kundi sa araw-araw na desisyong pumapabor sa nakararami: sahod na makabubuhay, serbisyong umaabot, at pamahalaang hindi kailangang ipagtanggol dahil malinaw ang konsensya.
Higit sa lahat, alalahanin natin ito: Ang tunay na pag-ibig, at ang tapat na serbisyo publiko, ay hindi kailanman dapat maging pribilehiyo. Hindi ito dapat para lang sa mayaman, sa may kapit, o sa may kakayahang magbigay ng kapalit. Ito ay dapat sumasaklaw sa lahat, walang pinipili, at laging nandiyan – may okasyon man o wala.
Kung tunay nating mahal ang Pilipinas, ipakita natin ito hindi lang tuwing Pebrero, kundi sa araw-araw na pagpiling gawing wika ng pag-ibig ang serbisyong publiko.