
Mga tambalang JaDine, KathNiel, LizQuen at limampu’t-limang libong attendees ng ‘Tamang Panahon’ Philippine Arena concert ng Aldub ang kinagiliwan noon ng masang Pilipino bago tumungo sa vertical era ang ngayong digital-nomadikong kabataan.
Sampung taon na ang nakalipas mula Kalye Serye; nasa magkakaibang landas na rin ang JaDine at KathNiel, at si Enrique Gil ay ngayo’y namamataan na sa espasyong alt-right conservative American media. Bagaman nakikita pa rin ang pagsisikap na magpakilala ng mga bagong loveteams sa kasalukuyang ekolohiyang-midya, hindi na gaanong nakararating ang parehong mensahe ng kabataang pag-ibig— ang makailang nabibigyang liwanag na man ay hindi ito nahahawakang matagal.
Matapos ang pandemya, sa gitna ng mga bagong digmaan at komentaryo ng maiingay na kalalakihan, nasaan na ngayon ang pag-ibig?
Sa Kusina: Katahimikan at iba pang Komunikasyon
Ang streaming platform na Netflix ay nagsimulang ipalabas ang mga pelikula ng Ghibli Studios noong Pebrero ng 2020, isang buwan lamang bago inanunsyong isa nang pandaidigang pandemya ang SARS-CoV-2. Ayon sa isang report, mahigit 70 milyong oras na pinanood ng daigdig ang mga pelikula ng studio sa loob ng unang tatlong buwan nito sa Netflix at HBO Max.
Habang kinakaharap ng regular na Pilipino ang pandaigdigang pangamba sa kalusugan, pagbagsak ng ekonomiya at iba pang balakid sa pamumuhay, maituturing na naging mas epektibo ang mas domestikong salaysayin sa mga kwentong Ghibli. Bagaman karamihan ng kanilang mga istorya ay nakaugat sa kategoryang pantasya at reyalistikong pantasya, ang tahimik na kariktan ng mabagal na pagkukuwento ang uring kinailangan ng mga manonood noon.
Bahagi ng Ghibli charm ang pag-iwas nito sa digital stimulation, lalo na ng sound design, kung saan ang katahimikan sa mga eksenang walang dayalogo ay nagiging sandali para sa mga manonood upang hayaan ang naratibong biswal na ikuwento ang tagpo. Ang foley art ng mga eksena ng pagluluto ng ramen sa Ponyo, panaderya sa Kiki’s Delivery Service at malamyos na kaluskos ng apoy ni Calcifer sa Howl’s Moving Castle ay mabisang paggamit ng karaniwang tunog sa pagkukuwentong iniiwan sa manonood ang mas malalim na interpretasyon— o minsan, kahit ang kawalan nito.
Halimbawa ang kuwento ng Princess Mononoke (1997) na umikot sa naturalismo at environmentalism kung saan mahalagang punto ng balangkas nito ang hindi tahasang [romantikong] pagkakaugnay ni Ashitaka at ng bidang pamagat. Ang dalawa ay nasa tangwa ng mga sumasalungat na ideya sa lipunan at mga tungkuling dala-dala nila sa kanilang pangalan. Dahil dito, kalakhang bahagi ng kuwento ay nagtutunggalian ang dalawang karakter— habang ang pinakamalapit nilang palagayang-loob ay ang mga eksenang sila lamang ay nagtititigan at hangin lamang ang naririnig ng manonood. Sa kanilang mga limitadong dayalogo, maririnig ang kasiguraduhan ng kanilang mga paninindigan habang mapapansin ang pagkakaila upang bigyang konsiderasyon ang pagkakaiba ng isa’t-isa.
Pagsusundo ng nagiging matunog na nosyon sa intimacy studies at behavioral science ang attachment styles: isang paraang ginagamit ngayon ng mga kabataan upang matulungang maintindihan ang pasikot-sikot ng pag-ibig at pagmamahal. Sa lapit na ito, ang pagpapangalan sa penomena ng mga problema, kumplikasyon ng sitwasyon, o mga likas na pagkakaiba sa pagkatao ng dalawang nasa relasyon, ay nakatutulong sa pag-reconcile sa mga balakid ng relasyon.
“We never really named things before, pero those terms really helped me and [him] better kasi we get to know our tendencies. One more thing that helped us out ay ‘communication is key’— what does that exactly mean? Muster up the courage to [negotiate your feelings] at introspect din,” kuwento ni Justine, 23, mula Masbate, isang undergraduate ng komunikasyong pangkaunlaran.
Sa Araw-araw: Lumbay at iba pang Kalungkutan
Sa gitna ng mga relasyong sinusubukan ng distansya— ideyal at pisikal— ang pag-ibig ay nahahanap at nabubuo, ngunit ang pagmamahal ay pinipili. May sariling kaangkupan ang maringal na pag-ibig na kayang salungatin ang sumpa ng isang mahika. Madalas natatapos ang kanluraning naratibo ng kabataang umiibig sa bahaging matalo ang kontrabida o magkaroon ng opisyal na talastasan ng pagmamahalan; nakalilibang, subalit madaling mauunawaan ang kakayahan nitong bumuo ng hindi makatotohanang pananaw sa tema ng pag-iibigan.
“We shouldn’t compare our relationship to other people’s. There’s this TikTok standard na parang ‘this is how relationships should work out’ and na-overcome na lang namin ‘yon with consideration kasi iba-iba tayo ng gusto, iba-iba tayong schedule, personalities and dynamics… kahit LDR, ‘yong pag-compare mo [removes your being of person],” ani ni Amanda, 23, ng Pasig, na nasa isang long-term, long-distance relationship.
Ang likhang manga nina Kanehito Yamada at Tsukasa Abe ay mas nagbibigay liwanag sa silangang kumbensyon ng pagsasalaysay ng pagmamahal. Alinsunod sa mga obra ni Hayao Miyazaki, ang Frieren: Beyond the Journey’s End ay eksplorasyon ng romantikong pag-ibig, pagkakaibigan, at pagmamahal sa found family trope. Umani ang Tagalog-dubbed nito ng mahigit limang-daang libong views sa loob lamang ng ilang araw sa Muse Asia Philippines. Sinasalungguhitan ang naratibo nito ng pagkukulang— o pag-iwas— ng bidang ngalanan ang kanyang nararamdaman at magsikap para sa relasyon niya sa iba.
Kaakibat ni Frieren ang buhay na nalalapit sa walang-hanggan. Dahil dito, hindi niya napagtuunang pansin ang mga nasa paligid niya at samakatuwid, siya’y naiwan nang hindi binibigyang pagkakataong maintindihan ang sariling pagmamahal sa iba. Sa monotheistic na mundong kanyang ginagalawan, bahagi ng kanilang paniniwala na nasa isang dimensyon lamang ang kabilang buhay kaya’t kaya itong lakarin na siyang naging punong tunguhin ng kuwento.
Sa malawak na usaping romansa, binigyan nina Li at Chan (2012) ng meta-analitikal na kongklusyon ang avoidant attachment bilang mas nakakaapektong negatibo sa kaluguran ng dalawang taong nasa isang relasyon. Ang pag-iwas ay may mas mababang obhetibong daan sa pagbibigay suporta sa isa’t-isa lalo na sa panahon ng pagsasalungat (Joel, MacDonald, Plaks, 2011; Ferrari, Barnes, Steel, 2009).
Diniin na man ni Reign, 22, mula Camarines Sur, na “compromise at ownership [sa mga pagkakamali at pagkukulang]”, at negosasyon ng mga personal na kagustuhan ang nakatutulong sa kanilang magkasintahang maging mas ugnay sa isa’t-isa kahit sila’y nasa magkalayong probinsya.
Ayon muli kay Amanda, pinagsusundo nila itong magkasintahan sa maliliit na paraan, sa araw-araw, “Reminder s’ya sa’yo to always try to be present, even if it’s in chat [lang]… I ask them about their day so that they feel like kasama niya ako— be present, even if not physically.”
Ang paghahanap ng kumpormiso sa panahong dumadaluyong ang kaliwa’t-kanang alalahanin ay isang uri ng aktibong pagpili na umuwi sa isa’t-isa, araw-araw— na higit pa sa pisikal na kalawakang naghihiwalay sa ating lahat.
Sa Alaala: Multo at Moving on
Ginawad ng Billboard Philippines ang Song of the Year sa awiting Multo ng bandang Cup of Joe noong 2025. Sa kasalukuyang bilang ng mahigit limang-daang milyong stream sa Spotify, ang awiting ito ang naging theme song ng bansa noong nakaraang taon.
Sa parehong paraan, ang isang limited series ng Marvel Studios noong 2021 ay pumatok sa masang Pilipino sa paraang mas huwad ang pangarap ng pananatili ngunit mula sa parehong payak na kagustuhan na nagmumula sa pagmamahalan. Nasa listahan ng mga pinakapinanood na shows ng bansa ang WandaVision nang taong iyon na nag-iwan ng isa sa pinakamahalagang katanungan sa katayuan ng pag-ibig sa gitna ng kawalang katiyakan:
”What is grief if not love persevering?”
Mula Multo, Frieren at Howl’s Moving Castle, isang linya mula WandaVision ang perpektong testamento ng yearning na hindi alintana ang pisikal na pagkawala ng presensya ng pag-ibig at ang pagkilos ng pagmamahal.
Bagaman hindi nakararami saatin ang may pagkakataong makita ang dating iniibig tulad ng mga monumento ni Himmel sa ekspedisyon ni Frieren, o marahil ang tahasang pag-iwas sa kanila, marahil ang paniniwala sa moving on sa modernong pag-ibig ay napakalaking antisipasyon ng pagbabago. Ang awiting Multo ay pawang katanungan ang iniiwan sa mga linyang “hindi mo ba ako lilisanin?”
Parehong uri ng haunting the narrative ang gamit sa mga naratibong ito na may tiyak na pananarinari sa Ingles ngunit napaka kontekstwal sa Pilipinong deskripsiyon ng pagmumulto; isang dahilan kung bakit ang awitin ng Cup of Joe ay may napakahalagang distinksiyon, subukan man itong isalin sa ibang wika.
Liban kay Himmel, may monumento man o wala, hindi masasala ng ating mga puso’t isip ang multo ng ating mga minahal dahil hindi ito sa pagsasala sa kung ano ang naroroon noon, ngunit kung ano ang nawawala ngayon. Isa sa pagkakaiba ng Frieren sa pananalaysay ng pighati ng nawala ay ang pagsisikap nitong gawan ng rekonsilyasyon na habambuhay ang pakiramdam ng pag-ibig na nawala. Hindi bilang pananakot ng panghabambuhay na kalungkutan, ngunit pagkilala na tayo ay habambuhay na maiiba dahil tayo ay nagmahal; at habambuhay na naiiba dahil tayo mismo ang pumipiling magguyod ng mga pagbabagong ito sa ating sarili.