
Matapos ang tila walang katapusang pagrerebyu, pagpapraktis, pagpupuyat, at pagka-cram, abot-kamay na ang medalya at sertipikong ilang taon ding pinagpaguran. Sa pagtatapos ng yugtong ito, marahil bitbit ng bawat estudyante ang tawanan, iyakan, sigawan, at mga alaalang sama-samang nabuo sa loob ng paaralan. Sa paghihiwalay ng kanilang mga landas, saan nga ba sila dadalhin ng kanilang mga paa?
Pagbalik sa paaralan
Mula sa paaralan, muling tutungo roon ngunit sa silid na mas mulat sa lipunan. Maraming kabataan ang nangangarap na makapagtapos ng mas mataas na edukasyon. Kaya kahit hindi palaring makapasok sa kanilang dream school o kahit hindi makuha ang dream program nila, pinili nilang magpatuloy. Ang daang ito ay isang siklo na maaaring pamilyar ngunit bago.
Pagpasok sa mundo ng trabaho o negosyo
May mga magsisipagtapos na lalandasin ang pagtatrabaho o susubok na magnegosyo — mga kabataang hindi lamang sarili ang pinapasa kundi ang kinabukasan ng pamilyang umaasa. Ang prayoridad ay kumita dahil hindi lamang isipan ang kailangang lamanan kundi pati na ang sikmurang kumakalam. Gayunpaman, mayroon ding mga nais lamang sumubok at ilapat ang mga kaalamang nalinang mula sa ilang taon ng pag-aaral.
Pagtigil upang huminga
Ang pagtatapos ay hindi nangangahulugan na kailangan kaagad ng panibagong simula. Sa maraming taon ng pagpapagal sa paaralan, may mga napagod at naubos. Dumaan ang mahabang taon ng pag-aaral at ang natira: bersyon ng sarili na hindi siguro sa landas na nais tahakin. Kaya may mga paang piniling tumigil at huminga, isang sandali para bigyan ng panahon ang sarili na mapag-isipan ang mga desisyon.
Pagtuon sa kasanayan
May mga daang magbibigay ng oportunidad para mahasa ang kasanayan. Sa paglalakbay dito, natatamo ng ibang mga nagsipagtapos ang mga bagong hilig, kaalaman at bokasyon na tulad ng pagluluto, pagmemekaniko, pananahi, at marami pang iba.
Paglisan sa bansa
Hindi lang sa Pilipinas natatagpuan ang mga daang maaaring lakbayin. Ang iba, piniling lumipad sa ibang bansa upang hanapin ang oportunidad na hindi nila nahanap dito. May mga paang napagod sa sistema at may mga kamay na bumitaw sa pag-asa. Malawak ang mundo, kaya ninais nilang lisanin ang kinalakihang bansa.
Marahil saksi ang hagdanan sa mga yapak ng mga nagmamadaling paa. Dinig ng mga pader ang pinagpuyatang presentasyon. Dama sa bentilador ang init ng pinagsamahan. Amoy ang halimuyak ng kantinang pumawi sa gutom. Lasa ang tamis at pait ng pag-aaral. Lahat ng ito ay maiiwan sa alaala ng mga magsisipagtapos — karanasang iniwan matapos ang mahabang panahon ng pag-aaral.
Sa pagtatapos ng yugtong ito, magsisimula ang panibago. Subalit saan man dalhin ang mga paa, tunguhin man ay mag-iba, maligaw man o mawala, ang landas na tatatahakin ay ang landas na pipiliin. Anuman ang piliin, ang tamang direksyon ay malalakbay pa rin.