
Malinis na kalibrasyon ang naging sandigan ng Beermen upang burahin ang maagang ratsada ng Dyip at sungkitin ang dominanteng 126–110 panalo tungo sa huling playoff berth sa Top 8.
Muling pinangunahan ni SMB import, Bennie Boatwright ang koponan matapos kumamada ng 33 puntos tampok ang limang triples, kalakip ang 10 rebounds at pitong assists upang masungkit ang back-to-back wins.
Nagposte rin ng dominanteng double-double si June Mar Fajardo na nagtala ng 30 puntos at 14 rebounds.
Dahil sa panalo, umangat sa 6–5 kartada ang Beermen at nakatabla ang Magnolia, Phoenix, at defending champion TNT Tropang Giga sa gitna ng dikdikang playoff race para sa final seeding.
Bagama’t nakuha ang panalo, aminado si head coach Leo Austria na kailangang higpitan ng San Miguel ang pagtawid ng bola matapos magtala ng 17 turnovers na nagbigay ng tyansa para sa Terrafirma.
“Masama ang naging simula namin pero dahil sa urgency namin, nakabawi kami.
Nakakatakot iyon. Hindi pwede ’yan pagdating ng playoffs. Hindi kami pwedeng magsimula ang ganoon.”
Tinapos ng San Miguel ang first half tangan ang 58–46 abante bago tuluyang ilayo ang laban sa second half sa pamamagitan ng kanilang mainit na shooting sa tres.
Nasayang naman ang 28 puntos ni import Ali Mubashar para sa Dyip, habang nagtala si top rookie pick Geo Chiu ng double-double na 12 puntos at 16 rebounds.
Tuluyan nang napatalsik sa playoff race ang Terrafirma kasama ng Converge, Macau, Titan Ultra, at Blackwater.
Black Knights, ginulantang ang Fuel Masters
Samantala, ginimbal ng No. 13 seed na Macau Black Knights ang No. 6 seed na Phoenix Super LPG Fuel Masters matapos ang 105-98 upset win upang yanigin ang tsansa ng Fuel Masters na maka-pwesto at makakuha twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Nagpakawala ng scoring explosion si Jennings Leung matapos umiskor ng 32 puntos, habang nagbigay naman ng malaking presensya sa ilalim si import Tony Mitchell sa kanyang 13 puntos at 22 rebounds upang magtapos sa panalo ang kampanya ng Black Knights.
“Maganda pa rin na matatapos namin ang torneo na may panalo. Para sa organisasyon, mahalagang nagtapos sa positibong paraan,” ani Leung.
Maagang nag-init ang Macau at agad na umalagwa matapos magtayo ng 34–14 na abante, dahilan upang makontrol ang unang bahagi ng duwelo laban sa Phoenix
Hindi naman umatras ang Fuel Masters at unti-unting bumawi hanggang maagaw ang 89–83 abante may pitong minuto na lamang sa laban.
Ngunit muling nag-take over si Leung at pinangunahan ang isang 9–0 run ng Macau upang mabawi ang momentum, 101–93, na tuluyang nagselyo sa upset win.
Hindi na muling nakalapit ang Phoenix sa huling yugto habang maayos na isinara ng Black Knights ang kanilang kampanya tangan ang 3–9 kartada.
Hindi rin naging sapat para sa Fuel Masters ang 27 puntos ni Kenneth Tuffin, habang nagtala si Johnathan Williams III ng 20 puntos, 21 rebounds, at walong assists.
With reports from PBA