Aprikano umarangkada sa Ayala Marathon; Philippine Marathon Majors, inaabangan

Photo Courtesy of Pitik ni BoyBoy/BasBox TV/Facebook

Rumatsada ang African bets na sina Anderson Saitoti at Beshadu Bekele Bedane matapos manguna sa men’s at women’s 42-kilometer categories ng Ayala Philippine Marathon 2026 nitong Pebrero 22 sa Ayala Avenue, Makati City.

Matatandaang inanunsyo noong nakaraang taon ng Singlife Philippines at RUNRIO ang Singlife Philippine Marathon Majors,  isang walong-leg series na naglalayong ibalik ang kahalagahan ng mabuting kalusugan sa pamamagitan ng pagtakbo.

“We really want to encourage a lot of Filipino people to have a healthy lifestyle through running,” ani RUNRIO President at CEO Rio de la Cruz sa pagbubukas ng Philippine Marathon noong 2025, ayon sa ulat ng Philstar.

Bumida sa men’s division ang Kenyan national na si Saitoti matapos nitong tapusin ang 42K sa loob ng 2:19:22 at kubrahin ang ₱100,000 na papremyo.

Pumangalawa si Abdi Asefa Kabede ng Ethiopia na nagtala ng 2:20:22 at nagbulsa ng ₱50,000.

Hindi rin nagpahuli si Edsel Moral na kumatawan sa Pilipinas matapos itala ang 2:25:42.

Sa women’s division, muling nangibabaw ang Africa nang tapusin ni Bedane ng Ethiopia ang 42K sa gun time na 2:44:52. Sumunod si Truphena Chepchirchir ng Kenya na may oras na 2:47:30.

Bagamat nanguna ang mga African runner, pinatunayan nina Eloisa Cusi at Lizane Abella ang tapang at determinasyon ng dugong Filipina matapos nilang tapusin ang karera sa oras na 3:00:52 at 3:16:07, ayon sa pagkakasunod, dahilan upang makapasok sa top 10.

Samantala, inaasahang magiging mas maigting ang kompetisyon sa nalalapit na ikalawang leg ng walong-bahaging serye ang Iloilo Marathon na gaganapin sa Abril 12.

Sisimulan ang Visayas leg sa Iloilo City sa darating na Abril 12, na susundan agad ng malakihang pagtakbo sa Lungsod ng Maynila sa darating na Hunyo 7.

Magpapatuloy ang aksyon sa Cebu sa Hulyo 12, bago magtungo ang serye sa Mindanao para sa karera sa Davao sa Agosto 15.

Nakatakda namang dagsain ang Central Luzon para sa Clark leg sa Setyembre 20, habang gaganapin ang National Finals sa Pasay sa Nobyembre 8.

Pormal na magtatapos ang buong serye sa huling leg na gaganapin sa Cagayan de Oro sa Disyembre 13.

With reports from Philstar

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...