
Jan Ethan Caliboso
Binigyang-diin ng Philippine National Police (PNP) ang kahalagahan ng balanseng pagharap sa mga kasong kinasasangkutan ng mga Children in Conflict with the Law (CICL), na dapat umanong nagsusulong ng pananagutan, pag-iwas sa krimen, interbensyon, at proteksyon sa karapatan ng mga bata habang pinananatili ang kaligtasan sa mga paaralan.
Ayon sa PNP, mahalagang mabigyan ng tamang paggabay, rehabilitasyon, at suporta mula sa pamilya at komunidad ang mga kabataang nasasangkot sa paglabag sa batas upang maiwasan ang pag-uulit ng mga ito.
Inihayag ito ng pulisya matapos maitala ng Women and Children Protection Center (WCPC) ang kabuuang 1,275 school-related incidents na kinasasangkutan ng mga CICL sa buong bansa mula 2022 hanggang 2025.
Batay sa datos, pinakamataas ang bilang ng mga insidente noong 2023 na may 395 kaso. Sinundan ito ng 345 kaso noong 2024, 325 noong 2025, at 210 kaso noong 2022.
Sa kabuuang bilang, 279 kaso ang isinampa sa korte habang 323 ang nasa ilalim ng preliminary investigation. Mayroon ding 221 kasong naresolba sa pamamagitan ng amicable settlement at 52 na isinangguni sa mga social welfare authority para sa kaukulang interbensyon.
Samantala, 119 kaso ang naibasura habang 272 insidente ang hindi na itinuloy matapos piliin ng complainant o biktima na huwag nang magsampa o magpatuloy ng reklamo.
Kasunod nito, sinabi ng PNP na ang usapin ng pananagutan ng mga menor de edad ay dapat na kaakibat ng mas matibay na mga programa para sa paggabay at rehabilitasyon.
Sinabi rin ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na igagalang ng pulisya ang anumang magiging desisyon ng Kongreso hinggil sa mga panukalang ibaba ang Minimum Age of Criminal Responsibility (MACR) mula 15 taong gulang patungong 10 taong gulang.
“Ang usapin ng Minimum Age of Criminal Responsibility ay isang polisiya na nakasalalay sa ating mga mambabatas. Ang tungkulin ng Philippine National Police ay tiyaking maayos, patas, at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng anumang hakbang na maipapasa,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, dapat na magkasabay na palakasin ang mga programa sa paggabay, pangangasiwa, at interbensyon para sa mga kabataan.
Muling naging sentro ng diskusyon ang minimum age of criminal responsibility matapos ang kamakailang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na kinasasangkutan ng mga menor de edad, at ilang pananaksak sa ibang lugar ng bansa.
Samantala, sa ilalim ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10630, hindi maaaring papanaguting kriminal ang mga batang may edad 15 taong gulang pababa. Sa halip, sila ay sasailalim sa intervention programs.
Habang, ang mga menor de edad na higit sa 15 ngunit wala pang 18 taong gulang ay maaari lamang managot sa krimen kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment o sapat na pag-unawa sa kanilang ginawa.
Nililinaw rin ng batas na ang pagiging exempted sa criminal liability ay hindi nangangahulugang wala nang pananagutan ang isang menor de edad dahil maaari silang sumailalim sa rehabilitasyon at magkaroon ng civil liability.
Sa kabilang banda, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na suportado niya ang pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act kasunod ng insidente sa Tacloban.
Ayon kay Remulla, dapat suriin kung sapat pa ang kasalukuyang batas upang tugunan ang mga seryosong krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad. Aniya, mahalagang isaalang-alang hindi lamang ang edad kundi pati ang antas ng pag-unawa ng isang bata sa kanyang ginawa.
Gayunman, sinabi ng kalihim na hindi lamang pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility ang dapat pagtuunan ng pansin kundi ang pagpapalakas ng kabuuang sistema ng juvenile justice sa bansa.