
Sa kasagsagan ng mainit na kampanya bago ang halalan para sa ika-16 na Pangulo ng Pilipinas noong 2016, lumutang at naging sentro ng usapan ang pangalang Rodrigo Roa Duterte — isa sa anim na kandidatong naghangad ng pinakamataas na posisyon sa bansa.
Marami ang humanga at kinakitaan siya ng kakaibang potensyal, hindi lamang dahil sa kanyang kamay na bakal na istilo ng pamumuno bilang alkalde ng Davao City, kundi pati na rin sa personalidad niyang taglay na umalingawngaw sa masa bilang simbolo ng pagiging totoo.
Liban dito, ang kanyang pangako sa pagsugpo ng droga at kriminalidad sa bansa sa loob lamang ng anim na buwan ang isa rin sa mga dahilan kung bakit mas umingay ang kanyang pangalan.
Marami ang naniwala, ang umasa na siya na ang kasagutan sa pabalik-balik na suliranin ng droga sa bansa. Ngunit hindi inasahan ng karamihan ang naging kapalit ng pangakong ito. Balde-baldeng pagdanak ng dugo at puno ng mga nakahandusay na katawang walang buhay sa mga eskinita ang naging kapalit upang maisakatuparan ang layuning kanyang isinulong.
Ang utos ng kamatayan
Nang opisyal na maupo si Duterte bilang pangulo ng Pilipinas noong ika-30 ng Hulyo taong 2016, agad niyang ikinasa ang mahigpit na kampanya laban sa iligal na droga, isang pahayag na tila nagbigay ng basbas sa kapulisan na pumatay sa mga pinaghihinalaang sangkot dito.
Ngunit sa halip na magdulot ng kapayapaan, naging malinaw na larawan ito ng baluktot na paglutas sa kronikong isyu ng lipunan lalo na para sa mga nasa laylayan. Sa loob pa lamang ng unang taon, libo-libong Pilipino na ang nasawi. Inosente ang iba, at may iilang musmos na buhay ang nadamay. Marami ang naghayag ng kritisismo at sa mata ng marami, hindi ito naging isang makatarungang giyera kontra-droga kundi isang marahas na giyera kontra-mahihirap na kalaunan, tinaguriang Oplan Tokhang.
Timeline bago maaresto si Duterte
Ilang taon matapos dumanak ang dugo, kasalukuyang nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands si Duterte. Ngunit bago nito, masalimuot na proseso at mahabang paghihintay muna ang tiniis ng mga naulila ng mga napaslang.
Narito ang ilan sa mga kaganapan bago napasakamay ng ICC ang dating pangulo:
Isang 77-pahinang reklamo ang inihain laban kay Duterte sa ICC. Mula ito kay Atty. Jude Sabio, abogado ng umaming hitman na si Edgar Matobato na sinasabing miyembro ng Davao Death Squad (DDS). Inakusahan nito si Duterte ng crimes against humanity dahil sa pagkakasangkot niya sa mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra-droga.
Sinimulan ng ICC ang isang “preliminary examination” sa mga krimen laban sa karapatang pantao kaugnay ng Oplan Tokhang. Sakop ng imbestigasyon ang panahon kung kailan nahalal si Duterte bilang alkalde ng Davao City mula 2011 hanggang 2016, at bilang Pangulo mula 2016 hanggang 2019.
Makalipas ang isang buwan mula nang binuksan ng ICC ang imbestigasyon, inanunsyo ni Duterte ang pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute, na naging epektibo noong Marso 2019.
Opisyal na humiling si ICC Prosecutor Fatou Bensouda ng pahintulot upang simulan ang isang mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa libu-libong kaso ng pagpatay mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019. Ayon sa kanya, matapos ang masusing pagsusuri, malinaw na may mga ebidensyang nagsasabing labag sa batas ang mga pagpatay na naganap sa Oplan Tokhang.
Pinahintulutan ng ICC Pre-Trial Chamber ang imbestigasyon kaugnay sa pakiusap ni Prosecutor Bensouda. Ayon sa kanila, mayroong sapat na batayan upang simulan ang mas malalim pang imbestigasyon.
Pansamantalang huminto ang imbestigasyon nang ipatigil ito ng ICC. Isinantabi muna ang pag-usad ng mga kaso matapos maghain ang gobyerno ng deferral request – isang pormal na kahilingan upang ipagpaliban muna ang pagpapatuloy ng imbestigasyon habang may isinasagawang sariling pagsusuri ang estado.
Matapos ang maingat na pagsusuri sa mga isinumiteng dokumento, tuluyang pinayagan ng Pre-Trial Chamber I ng ICC ang muling pagpapatuloy ng imbestigasyon. Sa huli, nakita nilang walang sapat na lokal na hakbang ang gobyerno ng Pilipinas upang makamit ng mga biktima ang hustisya sa pamamagitan ng tapat at malalim na imbestigasyon.
Humarap si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee hinggil sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga. Sa ilalim ng panunumpa, kalaunang inamin ni Duterte na nagkaroon siya ng sariling “death squad” noong mga panahong siya pa ang alkalde ng Davao City.
Inamin niya rin sa pandinig ang kanyang utos sa mga kapulisan na “hikayatin” ang mga hinihinalang kriminal na lumaban upang magkaroon ng dahilan ang mga awtoridad na gamitin ang dahas. Nagbanggit din siya ng mga pangalang nagsilbing mga commander ng death squad tulad ni Senador Bato Dela Rosa.
Sa harap ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan, iginiit ni dating Duterte na dapat bilisan ng ICC ang imbestigasyon kaugnay sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga at ang umano’y operasyon ng DDS.
“So, I am asking the ICC, through you, na magpunta na sila dito, bukas. Umpisahan na nila ang investigation. . If I am found guilty I will go to prison and rot there for all time,” matapang niyang saad..
Lihim na nagpalabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa dating Pangulong Duterte. Bagama’t hindi agad isinapubliko ang impormasyon, ang hakbang na ito ay marka ng isang malaking yugto sa kaso.
Nakatakdang harapin ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta sa Hongkong upang pasalamatan at ikampanya ang Partido Demokratiko Pilipino bago ang midterm election. Ngunit sa gitna ng naturang pagtitipon, inihayag ni Duterte na may natanggap siyang ulat ukol sa isang warrant of arrest mula sa ICC at sinabi niyang handa siyang makulong.
Sa pagkakataong ito naisapubliko na ang arrest warrant para sa dating Pangulo matapos ang mahabang proseso at imbestigasyon. Isinagawa ang pag-aresto sa Manila International Airport matapos dumating mula Hong Kong. Ayon sa gobyerno, natanggap nila ang kahilingan ng ICC sa pamamagitan ng Interpol, na siyang nagpatupad ng pag-aresto. Sa parehong araw rin lumipad si Duterte patungong The Hague, Netherlands.
Sa kanyang unang pagharap sa ICC, lumitaw si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng video link mula sa The Hague. Suot ang asul na amerikana at kurbata at may bahid ng panghihina, kinumpirma ng 79 anyos ang kanyang pangalan at petsa ng kapanganakan.
Sa kasalukuyan
Sa wakas ay inilabas na rin ng International Criminal Court (ICC) ang buod at mga detalye ng mga kasong isinampa laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pampublikong bersyon ng “Document Containing the Charges” na makikita sa website ng Korte nitong Martes, Setyembre 22, ipinakita ang mga sipi ng kaso laban kay Duterte. Makikita rito ang kanyang kaso na may kaugnayan noong siya’y alkalde pa ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo.
Ano na ang susunod?
Ang pagdinig, na orihinal sanang nakatakda para sa Setyembre 23, 2025 ay ipinagpaliban. Ito ay matapos humiling ang defense team ni Duterte ng indefinite adjournment, sinasabing hindi siya karapat-dapat na humarap sa paglilitis dahil sa “cognitive impairment in multiple domains.”
Kasalukuyang tinatalakay ng korte ang mga isyung ito bago magtakda ng bagong petsa upang ituloy ang paglilitis laban sa kanya kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na naganap mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.