
Angelo Masagnay
Kayod-kalabaw ang pamana ng lahing Pilipino. Hindi natin binibilang ang pasa at pagod, basta may maihain sa hapag at may maibigay na salapi sa pamilya. Sa bawat patak ng pawis, hindi lang pera ang kinikita natin, kundi dangal at pag-asa para sa kinabukasan.
Ngunit sa sobrang baba ng sweldo sa Pilipinas at sa taas ng bilihin at pamasahe, imposibleng magkatotoo ang pangarap at panaginip ng mga Pilipino na magkaroon ng malaking halaga ng pera. Sa Pilipinas, kahit anong trabaho ang pasukin mo, kahit ilang trabaho ang gawin mo, mababa at mababa ang ibibigay sa iyo na suweldo, dahilan upang mawalan ng ganang mabuhay o magtrabaho ang mga Pilipino dito sa Pilipinas.
Mula sa inilabas na artikulo ng World Bank Group noong Hunyo, bumaba ang poverty rate sa Pilipinas ng 15.5% noong 2023 mula sa 23.5% noong 2015. Ang suhestiyon ng World Bank Group ay magkaroon ng mas maraming at mabubuting trabaho para sa mga Pilipino, kung saan mabibigyan ng oportunidad ang mga lower-skilled workers na makapagtrabaho, at early childhood care para sa mga kababaihan upang makapagtrabaho rin sila. Ayon din sa kanila, isa sa tatlong manggagawang Pilipino lamang ang nakakapagbayad ng social security kaya’t iniwan ang kalakhan ng populasyon na walang proteksyon sa pagtanda o pagkawala ng trabaho.
Ngunit ang mga ganitong suhestiyon ay hindi sapat para sa mga Pilipinong nagnanais makapagtrabaho kahit na wala silang pinag-aralan o hindi nakapagtapos ng pag-aaral, sapagkat ang sistemang mayroon ang bansa natin ay kinain na ng kasakiman ng mga nakaupo sa gobyerno, tulad na lamang ng mga magsasakang araw-araw nagtatanim ng palay sa palayan na hindi nabibigyan ng katarungan dahil sa pagbenta nila ng kanilang sinakang palay sa mababang halaga, mga mangingisdang gumigising nang maaga para lamang makahuli ng isada, ibenta, at kumita ng kaunting salapi para sa kanilang pamilya.
Mahirap maging mahirap lalo na kung nagtatrabaho ka mula umaga hanggang gabi upang matustusan ang pangangailangan ng iyong pamilya at makakatanggap ka lamang ng maliit na sahod mula sa kumpanyang pinapasukan mo, ngunit mahirap maging mahirap kung ang sarili mong kababayan ay nakikitang mong pumipili ng mga buwayang mambabatas dahil lamang nakatanggap sila ng malaking suhol mula sa pulitikong kanilang sinusuportahan.
Halimbawa na lamang nito ang senatorial election noong 2025, kung saan nanguna si Bong Go bilang pagkasenador ngunit wala man lang nagagawa upang maresolbahan at tulungan ang mga Pilipino na makaalis sa laylayan. Si Bato Dela Rosa na pumangatlo sa pagkapresidente, ngunit nagtatago at puro iyak at kuda lamang ang kaniyang naiambag bilang mambabatas ng ating bansa. At noong Presidential election noong 2023, nangako sina Bongbong Marcos Jr. at Sara Duterte na magkakaisa sila at magiging maayos ang ating bansa, ngunit tila kinain din nila ang kanilang mga ipinangako sa atin matapos mabuwag ang ‘UniTeam’ na kanilang itinatag. Ang ipinangako ni Sara Duterte na pagsisilbihan ang ating bansa ay tila yata naging isang bato na lamang at naiwan na sa nakaraan, habang siya ay pumupunta sa iba’t ibang lupalop ng mundo at nagkakalat ng mga negatibong propaganda, tayong mga Pilipino ay patuloy na nagtitiis sa hirap, init, at korapsyong nangyayari sa ating bansa.
Noong Hunyo 30, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng balita sa pagtaas ng sweldo ng bawat minimum wage earner; P85 ang itinaas ng sweldo ng mga manggagawang Pilipino sa National Capital Region (NCR). Mula sa Php 695, magiging Php 780 na ang matatanggap na sweldo ng mga manggagawang Pilipino simula Hulyo 19.
Gayunpaman, isa itong magandang balita sa ibang manggagawa sapagkat makakatanggap na sila ng malaking sweldo mula sa kanilang pinapasukang trabaho. Ngunit para sa ibang manggagawa, isa lamang itong band-aid solution o isang pansamantalang solusyon mula sa sugat ng ating ekonomiya.
Ayon sa balita ng Inquirer, noong 2025, nasa 13.2% ang poverty rate sa ilalim pa rin ng administrasyong Marcos Jr. at maaari rin itong umakyat sa 14.4% hanggang 16.3% ngayong 2026 depende sa lala ng krisis na mayroon tayo. Ibig sabihin, maaaring tumulak mula 1.34 hanggang 3.4 milyong pamilyang Pilipino ang mahuhulog sa butas ng kahirapan kung patuloy na lalala ang krisis na nararanasan natin ngayon.
Sa taas ng bilihin at pamasahe na mayroon tayo ngayon, malabong mapagkakasya ng isang ordinaryong Pilipino ang kakarampot na dagdag mula sa kanilang sweldo. Sa harap ng patuloy na pagtaas ng implasyon, tila ba ang bawat pisong idinaragdag sa sahod ay kinakain din ng presyo ng pamumuhay, na nag-iiwan sa mga Pilipino sa isang walang katapusang siklo ng pagkayod na hindi naman sapat para makaahon sa kahirapan. Tila minamaliit na lamang tayo ng gobyerno, sapagkat itinuturing nila tayong alipin sa napakaliit na halagang idinagdag sa sweldo ng mga Pilipino habang sila ay nagpapakasasa sa buwis na kanila lamang inanakaw mula sa bulsa nating mga Pilipino.
Tila ayaw tayong iahon ng gobyerno sa kahirapan, sapagkat sinuspinde ng Pasig Court ang dagdag-sahod sa mga manggagawang Pilipino sa Metro Manila. Tila pinaasa na lamang ulit ang mga Pilipino na tataas ang kanilang sahod sa trabaho.
Ang pag-asa ay unti-unting nauubos, at kung walang konkretong pagbabagong magaganap ngayon, ang pangarap ng bawat Pilipino na guminhawa ay mananatili na lamang na isang malayong panaginip. Hindi ang pagtaas ng sweldo o pagbibigay ng maraming oportunidad ang sagot upang umahon ang mga nasa laylayan mula sa hirap; ang pagpili ng tamang kandidato ang tamang gawin upang makalaya at magkaroon ng pagbabago sa ating bansa, sapagkat hindi matatapalan ng kahit na anong bagong solusyon ang mga ang mga problemang patuloy pa ring nangyayari sa bansa.
Hangga’t nananatiling bulag ang mga maraming Pilipino sa pagpili ng kandidato, hinding-hindi uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas, hindi tataas ang sweldo ng bawat manggagawang Pilipino, at lalong hindi makakawala ang bansa natin sa tanikalang nakapulupot sa bansa. At hangga’t itinuturing tayong alipin mula sa ating sariling bayan, mananatili tayong bilanggo ng kahirapan at gutom mula sa kamay ng mapang-alipustang gobyerno.
Hangga’t hinahayaan nating bilhin ang ating dignidad kapalit ng barya-baryang suhol, mananatili tayong nakadungaw sa bintana ng pangarap habang ang mga nasa kapangyarihan ay nagpapakasasa sa ating pawis.