
Sa Pilipinas, hindi mo na kailangan ng genius IQ para umasenso—sapat na ang diskarte. Pero hindi ito yung diskarte na pinupuri sa self-help books. Sa mundo ng ilang engineer at public official, ang tunay na diskarte ay proyektong half-baked, budget na full-blown, at lifestyle na runway-ready. Isang flood control project sa papel, isang SUV sa garahe; isang ginupit na resibo, isang bagong condo. Ganyan ang formula ng kanilang marangyang buhay—habang ang taong-bayan, gaya ng mga dike at kalsada, ay laging nalulunod sa baha.
“Kokorapin lang din naman ng public officials ’yan kaya inunahan ko na.”
Ganito ang lecture na tumatak sa akin sa isang engineering class mula kay Engr. Camoro, isang District Engineer ng Cebu 3rd District Engineering Office, na pansamantalang nagturo sa aming engineering subject. Hiyawan. Tawanan. Palakpakan. Para bang comedy bar ang silid, at punchline lang ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Pero ako? Walang ibang naramdaman kundi pagkasuklam. Ano ang nakakatawa sa pagyayabang ng pagnanakaw? Ano ang nakakaproud sa pagbubunyag na ginagatasan mo ang proyektong dapat para sa bayan? Nakakasuka. Nakakasura. Nakakagalit. Kung ito ang tinatawag nilang diskarte, aba, congratulations—valedictorian ka sa Corruption 101.
Corruption 101: Huwag maging greedy kasi dun ka mahuhuli
Ika ni Engr. Camoro, mas maganda raw ang kumuha ng public projects—kasi andoon daw ang pera. Sa private sector, walang espasyo para sa magic.
Ganito ang proseso: bago magsimula ang kahit anong proyekto, gumagawa ang engineer ng listahan ng mga materyales at labor kasama ang presyo ng bawat isa. Isusumite ito, at kapag aprubado, doon lang sila makakagalaw.
Sa private projects, lahat malinaw: ilang sako ng semento, magkano bawat kilo ng bakal, ilang tao ang kailangan, gaano katagal gagawin. Walang espasyo para magbawas o magpalusot.
Pero sa public projects, ibang laro. Hindi hinihingi ang detalye kung saan gagamitin ang bawat materyales. Isang malaking grand total lang ng budget ang pinapasa. Kapag naaprubahan, libre na ang magic show. Pwede mong bawasan ang kalidad ng materyales, pwede mong tipirin ang labor, at ang matitira? Diretso sa bulsa.
At dito siya nagkuwento:
“May project akong hinihintay na maaprubahan. ₱2 milyon din ’yon, tapos ¼ lang ang mapupunta sa materyales.”
At matapos ipagyabang ang sistemang ito, binitiwan pa niya ang linya na para bang pampalubag-loob: “Pero huwag n’yo akong tularan.”
Ka-etchosan ang peg, kunwari may disclaimer na “huwag tularan,” pero hello, masterclass sa diskarte ang ibinigay sa amin. Dito nagbubukas ang mas mabigat na usapin: kung sa silid-aralan itinuturo ang ganitong diskarte, saan lulugar ang mga estudyanteng nakikinig?
Ang nakakalason na aral ay nakabalot sa anyo ng biro, pero ang mensahe malinaw: lahat ginagawa, kaya bakit hindi ka sumabay?
Mas lalong ironic dahil habang ipinapasa ang mga batas gaya ng Republic Act No. 11659 — na nag-amyenda sa Public Service Act para raw palawakin ang transparency, competition, at accountability sa mga serbisyong pampubliko — mismong sa loob ng DPWH at mga proyekto sa imprastraktura ay nagiging open season ang diskarte. Sa papel, may reporma. Sa classroom at construction site, may resibo ng daya.
Ang tunay na nakakatakot dito ay hindi lang ang mismong pagnanakaw, kundi ang pag-normalize nito—na ginagawang biro, parang lecture na dapat mong i-applause. At sa ganitong kalakaran, kahit anong batas pa ang ipasa, mananatiling ghost project lang ang reporma kung buwaya pa rin ang nasa timon.
Corruption 101: Diskarte tips ng Discaya
Sa pamilya Discaya, hindi libro ang pamana—kundi isang playbook kung paano gawing personal na negosyo ang kaban ng bayan.
“Anong naging gateway para gumanda ang buhay niyo?” tanong sa isang panayam kay Sarah Discaya.
“Nag-DPWH kami,” sagot niya, walang paki kung gaano ito kahalata. Hindi sipag, hindi talino, at lalong hindi integridad ang naging susi—kundi proyektong pampubliko na ginawang pribadong alkansya.
At totoo nga, hindi teorya kundi ebidensya ang nagsasalita.
Sa Iloilo, mismong si Mayor Raisa Treñas ang naglabas ng hinaing sa kanyang Facebook post. May inilaan daw na multi-million peso budget para sa flood control project, pero hanggang ngayon, drawing board pa rin. Wala ni anong dike o konkretong imprastraktura. Ang malinaw lang: lumusot ang pondo, pero iniwan pa ring basa sa baha ang mga taga-Iloilo.
Sa Pasig, halos kapareho ang eksena. Ayon kay Mayor Vico Sotto, may flood control project na tinukoy ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Pero nang puntahan, wala ni anong pisikal na katibayan — ni hollow block, ni bakal, ni semento. Nasa papel lang ang proyekto, pero sa realidad, baha ang nananatili at milyones ang hindi na alam kung saan napunta.
At sa San Pedro, Laguna, mismong Bilyonaryo News Channel ang nag-verify. Pinuntahan nila ang coordinates ng river wall project na nakalista mismo sa website ng Malacañang. Ayon sa record, tapos na raw noong 2023 at nagkakahalaga ng ₱91.6 milyon. Pero ang tumambad? Isang manokan. Walang river wall, walang materyales, walang palatandaan na may ₱91.6 milyon ngang ginastos.
Tatlong halimbawa pa lang ito—maliit na piraso mula sa mas makapal na playbook ng mga Discaya. Sa kanilang mundo, flood control project ang nasa papel, pero lifestyle upgrade ang nakikita sa realidad.
Corruption 101: Budget hacks para di ka mahuli
Sa mundo ng mga buwaya, hindi sapat na marunong kang mag-magic sa budget. Dapat marunong ka ring magtabi para sa piyansa at suhol. Para kang may sariling SSS o Pag-IBIG, pero hindi para sa retirement kundi para sa araw ng huli.
At sino raw ang latest honor student sa kursong ito? Walang iba kundi si “Abe,” district engineer ng Balayan, Batangas. Nahuli mismo, cash on hand, bitbit ang ₱3.1 milyon—hindi para sa proyekto, hindi para sa semento, kundi para patahimikin si Cong. Leandro Leviste na nagbabalak mag-imbestiga.
Imagine mo, ₱3.1M ang budget pang-silence mode. Kung ganito kalaki ang tinabi para sa suhol, gaano pa kaya kalaki ang kinita sa mismong anomalya? Kung para lang itong emergency fund ng buwaya, ibig sabihin, bilyon na ang nilamon sa likod ng papel, blueprint, at pekeng liquidation.
Ganito ka-prangka ang aral: sa gobyernong nilamon ng diskarte, hindi mo na kailangan ng ghost project para magnakaw. Minsan, sapat na ang sobre.
Sa bawat ghost project, sa bawat nawawalang pondo, at sa bawat dike na nananatiling drawing board lang, iisa ang malinaw: hindi baha ang tunay na kalaban ng taumbayan kundi ang mga buwayang
walang kabusugan. Kaya habang ang ordinaryong Pilipino ay paulit-ulit na sinasalanta, may isang nilalang na hindi kailanman nababahala kapag tumaas ang tubig.
Masaya ang buwaya sa baha.