
Sinelyuhan ng Creamline Cool Smashers ang kanilang buwena-manong panalo sa preliminary round ng Premier Volleyball League All-Filipino Cup Conference matapos patumbahin ang Choco Mucho Flying Titans, 27–25, 17–25, 25–21, 25–15, Pebrero 10, sa Mall of Asia Arena.
Pumukol ang outside hitter na si Bernadeth Pons ng triple-double finish tangan ang 19 puntos, 13 digs, at 18 excellent receptions upang ipalasap sa Cool Smashers ang tamis ng ika-19 panalo mula sa 20 laban kontra sa sister-team na Flying Titans.
“Coming into this game, everyone’s mindset was to enjoy themselves, follow the coach’s (Sherwin Meneses) system, and apply what we practiced,” saad ni Pons na namituin sa bakbakan.
“Everyone gave their all and showed incredible hustle and effort,” dagdag pa niya.
Nakahirit ang Flying Titans ng 3-0 rally sa dulo ng unang set, tampok ang dalawang kills ni Eya Laure at isang atake ni Jaila Atienza, upang makuha ang set point, 25-24.
Gayunman, agad itong nabawi ng Creamline sa pamamagitan ng tatlong sunod na puntos para iselyo ang 27-25 panalo sa set.
Bumwelta ang Flying Titans sa ikalawang set matapos magrehistro ng 7–0 panimula sa pangunguna ni Laure upang maagaw ang momentum at tuluyang itabla ang laban, 25–17.
Nanumbalik ang pwersa ng Creamline sa ikatlong set nang maglatag ng 4–0 rally sa gitna ng yugto upang makuha ang abante, 20–17, na hindi na napantayan ng Flying Titans.
Sa ikaapat na set, muling hinawakan ng Cool Smashers ang manibela matapos magtayo ng 9–4 kalamangan. Napuwersa ring lumabas ng laro si Laure dahil sa groin injury na nakuha mula sa pag-dive para sa bola.
Lumobo sa siyam ang bentahe ng Creamline, 18–9, sa likod ng magkakasunod na kills nina Pons at Jema Galanza bago tuluyang isara ni Tots Carlos ang laban.
Nalimitahan si Laure sa 19 puntos mula lahat sa kills, kalakip ang 13 excellent receptions at 10 digs, habang may 15 puntos naman si Sisi Rondina para sa Flying Titans.
Tangan ang 1–1 kartada, haharapin ng Cool Smashers ang ZUS Coffee Thunderbelles sa Martes, Pebrero 17 sa Fil-Oil Center, San Juan.
With reports from PVL