
Nagningning ang husay ni Eldrew Yulo matapos masungkit ang gintong medalya sa floor exercise finals ng Antalya leg ng FIG Gymnastics World Cup noong Marso 14.
Nagtala si Yulo ng 14.100 puntos upang manguna sa kompetisyon at lampasan ang walong kalaban mula sa iba’t ibang bansa.
Nakamit ni Eamon Montgomery ng Ireland ang pilak matapos magtala ng 13.833 puntos, habang nagkasya si Rayderley Zapata sa tansong medalya sa iskor na 13.333.
Pinakita ni Yulo ang impresibong routine sa floor exercise upang maselyuhan ang panalo at masungkit ang kanyang unang gintong medalya sa senior level ng Gymnastics World Cup.
Patuloy na naghahanda ang batang gymnast para sa iba pang internasyonal na kompetisyon ngayong taon, kabilang ang nalalapit na Asian Games 2026.
Inaasahan na magsisilbing inspirasyon ang kanyang tagumpay sa patuloy na pag-angat ng gymnastics sa Pilipinas.