Funtastic Pinoy Family Members Tuwing Kapaskuhan

Sa tuwing sasapit ang Kapaskuhan, kabi-kabilang pagtitipon ng pamilya ang nagiging tradisyon ng mga Pilipino. Mula handaan hanggang videoke na buhay sa madaling araw—Pasko lang ang tanging panahon na halos kumpleto ang pamilyang Pilipino.

At syempre, tuwing may selebrasyon, kumpleto rin ang iba’t ibang klase ng kamag-anak na may kanya-kanyang personalidad.

1. Rich Tito/Tita

Mga kamag-anak na kapag dumating grabe ang aura, mararamdaman mo na may pa-blessings sila after ng Noche Buena. May dalang bag ng mga regalo at angpao na may malulutong na pera. Nakakapagtaka lang minsan kasi naka-airport outfit kahit barangay hall lang ang venue, pero sila ’yung kamag-anak na kahit simpleng salu-salo lang ng pamilya, nagmumukhang high-end gathering.

“Oh, kunin n’yo na ‘yan, bonus ko lang ‘yan.”
Pero huwag magulat kasi minsan ang regalo mo… mug pa rin.

2. Researcher

Ito ang kamag-anak na updated sa lahat: grades mo, love life, work, pati monthly salary mo, alam na ata nila. Pero mas nakabibilib kasi alam din nila ang lahat tungkol sa iyo kahit hindi mo naikukwento.

Oh, ‘di ba nag-break na kayo? Eh sabi sa Facebook wedding niyo next year?
Wala kang ligtas. Lahat nalalaman nila.

3. The Reminderist

Akala mo walking daily planner ng pamilya. Lahat pinaaalalahanan at hindi sila napapagod mag-remind kahit paulit-ulit ang sinasabi. Minsan gumagawa rin ng plano para sa mismong family program. Pero kahit nakaka-pressure ang mga paalala, ramdam mo pa rin ang malasakit sa kanilang bawat salita.

“Mag-pray muna!”
“Maghugas ng kamay!”
“Dahan-dahan lang sa lechon sa mga highblood d’yan”
“Mag-ipon ka na, tanda mo na!”

4. Reels maker

Hindi pa nagsisimula ang kainan pero naka-setup na agad ang ring light; hindi pa luto lahat ng handa pero may transition video na; at bago pa man magsimula ang exchange gift, mayroon nang “Christmas with my crazy fam” sa draft. 

Siya ang dahilan kung bakit ang simpleng handaan ay biglang nagmumukhang full production, pero sa totoo lang, masaya rin panoorin ang lahat ng ito kapag tapos na ang selebrasyon ng buong angkan.

5. Nag-aabang ng pamana

Mula pa lang sa pagdating niya, ramdam mo na agad ang kakaibang lambing at pakitang-alaga. Parang may misyon siyang gustong gawin bago pa magsimula ang anumang usapan. Ito ang kamag-anak na laging sweet kay lolo at lola… pero kita mong may dahilan. 

“Lolo, kumain ka na po?” 

“Lola, gusto n’yo po ba ng tubig?” 

“Lolo, meron ka bang gustong ipaayos sa lupa?” 

At kapag may narinig kang, “Ay, sa akin daw ’yan sabi dati,” alam mo na—susunod na ang Christmas drama.

6. Gift Gmgiver

Sila ang may dalang malaking eco bag na puno ng gifts, naka-label, naka-ribbon, naka-color code pa. Organisado kaysa sa record ng barangay. Minsan simple lang ang laman, minsan sobra-sobra, pero ang effort nila lagi ang bida, dahil sila ang nagbibigay ng totoong Christmas spirit na nararamdaman ng buong pamilya.

7.  The side commenter

Kamag-anak na lovable naman, pero laging may brutally honest na comments:
“Ay, thank you sa shirt… pero sana pinera mo na lang.”
“Nakita ko na ‘to sa divisoria ah?”

Hindi sila maarte—prangka lang talaga. Pero at least alam mong honest sila magbigay ng feedback.

8. Chef 

Sila ang dahilan kung bakit may pagkain sa Noche Buena. Sila rin ang unang gumigising para mag-prepare at huling natutulog para maghugas ng mga pinagkainan. The best magluto ng spaghetti, hamonado, embutido, at minsan, experimental dish na hindi mo sure kung dessert ba o ulam. 

May pa–“tikman mo nga kung masarap,” kahit alam mong ikaw ang magiging unang biktima. Pero kahit ano pa ’yan, ubos lagi ang luto nila at kung hindi naman nasa freezer ‘yan sure pang-meryenda buong linggo. 

9. Mga jowa na bago sa pamilya

Kinakabahan agad pagpasok pa lang sa pintuan, parang may entrance exam na hindi alam ang coverage, kaya todo-practice ng small talk habang nagpapakalma. Malaking desisyon din sa kanila kung kukuha ba ng second serving sa Noche Buena. 

10. Mga makukulit na pinsan at pamangkin

Sila ang dahilan kung bakit maingay ang buong bahay—takbuhan dito, sigawan doon, at maya’t maya may nag-aaway dahil mas mataas daw ang pamasko ng isa. Kapag baby naman, pinagpapasahan pa sila ng mga tito at tita na parang trophy, at infairness, sila pa ang nakakakuha ng pinakamataas na pamasko sa buong pamilya.

11. Strict Tito/Tita na nagtatanong kung may jowa ka na ba

Hindi talaga mawawala sa Pasko ang mga tito at tita na may dalang tanong kaysa regalo. Bago ka pa makaupo, may nakahandang Q&A portion na para sa’yo. Hindi kumpleto ang Pasko mo kung walang interrogation.

“Kailan ka gagraduate?”

“Kailan ka magkakatrabaho?”

“Kailan ka mag-aasawa?”

“Kailan mo ipakikilala?”

Expert sila sa pressure — certified family stressor every holiday.

12. OFW 

Itinuturing na celebrity ng Pasko, lahat nakaabang, lahat excited, at lahat may request. Kapag dumating ang balikbayan box, parang may opening scene sa teleserye—may drama, may hiyawan, may “Para kanino ‘to?” na tanungan. Pero higit pa sa pasalubong ang kanilang presensya, dahil ang totoong regalo sa Pasko ay ang makasama sila at makumpleto ang pamilya.

Nakatutuwa, nakaka-stress, pero aminin, sila ang bumubuo ng totoong Pinoy Christmas experience. Kaya ngayong taon, sulitin na lang natin ang chaotic charm ng pamilya.

Dahil sa Pasko, hindi lang pagkain at regalo ang special—kundi ang mga taong kumukumpleto sa kwento ng bawat pagtitipon.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...