Regalo ng Pagmamahal

Written by doriririii 

Ang lamig ay hindi nagmula sa hangin, kundi sa puwang sa loob ng ating bahay. Doon, sa ilalim ng isang nagliliwanag na punong pinalamutian ng mga pangarap na salamin, dalawang maliliit na kaluluwa ang naghihintay.

Hindi sila nakatingin sa mga balot na nakahilera. Ang mga kahon ay parang mga Estranghero—malalaki, makulay, ngunit walang tinig at walang init na dala. Ang bawat kahon ay simbolo ng pagod at pagsasakripisyo, ngunit hindi ng presensiya.

Ang nakatatanda, tahimik, ay nakamasid sa pintuan. Para sa kanya, ang pinto ay hindi lamang isang labasan at pasukan, ito ay Ang Sining ng Posibilidad—ang pagitan ng kalungkutan at kaganapan. 

Ang hinihintay niya ay hindi isang bagay na mahahawakan, kundi ang paghinga ng mga tagapagtaguyod. Nais niyang makita ang kanilang mga anino na sumasayaw muli sa kanilang dingding, hindi bilang anino ng pag-alis, kundi ng pagbabalik.

Ang nakababata, may munting kamay na humahawak sa laylayan ng kanyang suot, ay humihiling.

“Ang gusto kong regalo na matanggap ngayong pasko sana oras ng aking mga magulang. Sana, ngayong gabi, ang Orasan ay tumigil muna sa pagbilang ng kanilang trabaho, at magsimulang magbilang ng kanilang yakap.”

Sa bawat patak ng orasan, ang bawat minutong lumilipas ay parang buhangin na umaagos, at bawat butil ay isang tanong sa pag-ibig.

“Nay, Tay pwedi ko bang hingin ang oras ninyo? kahit kaunti lang?”

Dumating ang oras na tila imposible nang mangyari. Ang mga bituin sa labas ay nag-iisa na lamang, at ang mundo ay tila nakatulog na. Ngunit biglang may tunog ng susi.

Isang simpleng tunog, ngunit ito ay kasing-lakas ng isang kampana ng Simbahan ng kanilang puso. Ang pinto ay bumukas, at ang lamig ay pinalitan ng biglaang init dahil sa presensya.

Pumasok ang mga nagbigay-buhay. Walang dinalang anuman, dahil ang pinakamahalagang regalo ay hindi na kailangan pang balutan. Ang regalo ay ang kanilang mga Sarili—pagod, oo, ngunit may espasyo sa kanilang mga bisig.

“Ikaw ang mahalaga. Ikaw ang una. Ang lahat ng pagod ay may katuturan, dahil ikaw ang aming dulo at simula.”

Ngunit ang presensiya ng magulang, ang pag-ibig na walang kondisyon, ito ang regalong walang kapalit, ang tanging kayamanan na talagang gusto nilang pag-aarihin at pakaingatan.

Ang liwanag sa loob ng silid ay hindi na nagmumula sa kuryente, kundi sa muling-pagsasanib ng apat na puso—isang liwanag na hindi kailanman mamamatay, ang tunay na diwa ng Pasko at diwa ng Pamilya.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...