
Kriztelle Sitoy
Na para bang in-advance ang Halloween… Hindi sa kalye kundi sa mismong pamahalaan ang serye.
Sa halip na mga bata ang tatanggap ng kendi, silang nasa upuan pa ang taga-bigay-tanggap suhol. Hindi pa sila kinilabutan sa angil ng taumbayan, eh paano kung ibang nilalang na ang kumalampag sa pintuan nang masindak ang tapang nila.
Imagine, kung mga maligno na ang gagalaw para gisingin ang konsensya ng mga salaulang politiko at kontratista?
Panigurado, magwawala ang kapre, pinutol ba naman ang mga puno para pagtayuan ng mga substandard na gusali na milyones ang nasa resibo, ngunit pang-tuition fee lang pala sa buong college ko ang tunay na ginasta.
₱545 bilyon project daw ang inilaan sa flood control projects mula 2022, pero parang mas maraming nilaan na budget sa trip to Jerusalem ni misis at allowance pang-hoard sa luxurious bag ng mga disney princess.
Imbis na baha ang pigilan, mas inuna pa ang daluyan ng pera patungo sa sariling bulsa. Kaya kung milyon-milyon ang nilustay nila, milyon-milyong ordinaryong Pilipino rin ang apektado sa planong sila ang pangunahing benepisyaryo.
Mag-aalburuto talaga sa galit ang mga duwende, mga punso nila’y inanod na sa baha. Oo hindi na lalaki ang bente mo sa sumpa nila, ngunit sa lepto ka naman mangangamba.
Imbes na sandalan ng bayan, bulsa ng mga politiko ang pumapaldo—25% Hanggang 30% kickbacks raw kada proyekto, tama ba yun? Isa pa, saan na ba ikakasal ang tikbalang kung nagsiabot nga ang araw at ulan pero wala namang daluyan?
Tinatayang 70% ng drainage sa Metro Manila ang barado ng mga basura at sementong sintigas ng sikmura ng mga opisyal. Kaya noong Agosto 30, 2025, nag-ala resort na walang floaters ang Quezon City at Marikina.
Sa totoo lang, isang malaking komedya ang flood controls—sana alam nilang baha ang pipigilan, hindi ang hinaing ng mga naapektuhan.
At kung kahit ang manananggal ay nag-aatubiling iwan ang kalahating katawan sapagkat yaman nito’y nasa bulsa’t pinagtitiktikan ng kawatan, hindi ba’t mas nakakatindig-balahibo kaysa anong halimaw ang sistemang namamayagpag ngayon sa pamahalaan?
Ang hustisyang ganap ay natural na tinatakbuhan ng korap, ngunit pinurol ang pangil nito ng mga lingkod-bayang mapagpanggap. Kung kaya, pagpasensyahan kung ang kasalakuyang hustisya’y ay bungal at walang mukhang maihaharap.
Bangis niyo, tampalasang mga nilalang—dinaig niyo pa ang Bal-bal at Busaw! Naghihingalo na nga ang bayan, sinagad niyo pa ang pinaghirapan ng mamamayan.
Ay nga pala, sa usapang nakaw, mauubos ang bilib ng isang Trasgo sa galing niyong mambulsa ng mga pinagpawisan ng iba at may sikmura pa talaga kayong paliguan ng luho ang mga anak niyong sigbin na nasa gintong lungga.
Ngunit higit pa sa pantasya, balik tayo sa reyalidad. Grabi kayo, wala na bang talab ang batas, na kahit sariling kapwa ay nilapagan ng resibong kupas? Pinag-resign na nga ni Marcos ang ilang DPWH officials at nag-utos ng fraud audit ang COA, mas maragasa pa ang baha kaysa sa usad ng imbestigasyon sa anomalya.
Oo, maraming rebelasyon ang naganap, malinaw pa sa klaro kung ano ang mali. Ngunit gaano ba kalalim, kanino, at saan nagsimula itong mali?
Kaya naman kung susumahin, kapag mananatili tayo sa sistemang ito, tayong mga Pilipino ang tunay na multo dahil sa kuwentong trahedya natin sa kamay ng mga ganid na politiko. Palaboy-laboy at palaging naghahahanap ng hustisyang totoo.
Kung boses natin ay kayang tabunan ng matayog nilang pader na sa pawis at buwis din naman natin itinindig, sa haligi’t ladrilyo ng ating salapi pinagpala—huwag kayong magwalang-bahala.
Baka sa isang bulong lang ng mangkukulam, magsilabasan ang mga itim na kaluluwa at kayo’y igugupo sa kinatatakutan niyong bangungot na kayo rin lang naman ang naghasik—ang gante ng hustisyang nang-uusig at katarungang nanglilisik.
At sa oras na kakampi na ng bayan ang kinasusuklaman niyong maligno at demonyo, maaaring makuha niyo ang loob ng mga albularyo, ngunit pati sila magtataka: anong sakit ang nakuha niyo mula sa kasakiman at pagkasiba?
Tandaan niyo, hindi lang ito kuwentong kababalaghan, ngunit isang tunay na bangungot ng bayan. Huwag niyo naman kaming palimusin sa karapatan at kapanagutang dapat nakalatag na sa aming hapag.
Kaya kapag patuloy niyong pinaglalaruan ang bayang binitawan niyo ng pangakong walang laman, at habang pinapalamon niyo ang kinabukasan namin sa kasakiman, matinag kayo dahil hindi natutulog ang bayang kumakalam ang sikmura.
Sige, makampante kayo dahil wala naman talagang malignong kakatok sa mga pintuan niyo—kundi kami mismong mga mamamayang ginigipit niyo, kami ang buhay na multong babawi sa katarungang pinagkait niyo.