
Aaminin ko, nakakapagod mag-aral.
Sa loob ng ilang taon, paulit-ulit kong hiniling na sana matapos na ang lahat—ang mga malulupit na propesor, mala-bundok na requirements, nakakapuyat na examinations, at ang tila walang katapusang responsibilidad ng pagiging estudyante. Ilang beses kong naisip na baka mauna pa akong bumigay kaysa makatapos. Kaya noong araw ng pagtatapos, iisa lang ang nasa isip ko: sa wakas, malaya na ako.
Graduate na ako.
Matagal ko iyong pinangarap. Hindi dahil mahal na mahal ko ang kurso ko sa bawat pagkakataon, kundi dahil gusto ko nang makaalis sa pagod. Hindi na rin kasi katulad noong elementarya, junior high school, at senior high school kung saan puno ako ng sigla at kompetisyon. Pagtungtong ko sa kolehiyo, unti-unting napalitan ng pagod ang dating pananabik kong matuto. Madalas, pumapasok na lamang ako upang makinig sa lektura, tapusin ang mga gawain, at umuwi.
Bagama’t sinisikap ko namang pagbutihin ang pag-aaral dahil sa scholarship at sa mga inaasahan ng pamilya at ng mga taong nagtitiwala sa akin, hindi ko pa rin lubos na nararamdaman ang buhay-estudyante. May mga pagkilalang natatanggap, mga patimpalak na sinalihan at napagtagumpayan, at mga oportunidad na dumarating, ngunit sa likod ng mga ito ay unti-unti namang nauubos ang lakas ng aking isip at katawan. Halos araw-araw akong nakikipagbuno sa deadlines, examinations, organizational work, at samu’t saring responsibilidad. Kaya sa halip na kasiyahan matapos ang bawat tagumpay, pagod at lutang na pakiramdam ang lagi kong inuuwi.
Dahil dito, pinangarap kong matapos agad ang lahat. Gusto ko nang magsuot ng toga, umakyat sa entablado, at tuluyang makaalis sa paaralan. Sa isip ko noon, kapag nakapagtapos na ako, saka pa lamang magsisimula ang mas maayos na buhay.
At nangyari nga.
Noong Marso ngayong taon, nakapagtapos ako.
Sa unang mga araw, masaya ako. Pakiramdam ko ay natapos ko na rin ang pinakamahirap na bahagi ng buhay ko. Handa na sana akong harapin ang mundo ng trabaho, magturo, kumita ng sarili kong pera, at magsimulang bumuo ng kinabukasan.
Ngunit habang lumilipas ang mga araw, may kakaibang pakiramdam na unti-unting sumisiksik sa akin.
Graduate na pala talaga ako.
Hindi ko ito agad naunawaan. Tuwing pumupunta ako sa paaralan, may kung anong humihila pabalik sa akin. Bigla kong naaalala ang mga silid-aralan, mga PowerPoint presentations, multiple choice na uri ng pagsusulit, at maging ang mga bagay na dati kong kinaiinisan. Nakikita ko ang mga estudyanteng nagkukuwentuhan sa pasilyo, nagtatawanan sa ilalim ng mga puno, o nagmamadaling pumasok sa klase, at doon ko nararamdaman ang isang bagay na hindi ko inaasahan.
Miss ko na ang pagiging estudyante.
Hindi lang dahil sa baon, mga kaibigan, o kung anu-anong alaala, kundi dahil may bahagi ng sarili ko na hindi mapigilang magmuni-muni sa lahat ng mga bagay na nagawa ko at hindi nagawa. Sa tuwing nakakakita ako ng mga estudyanteng napapaligiran ng halakhakan, kwentuhan, kulitan, at iba pang simpleng tagpo ng kanilang araw-araw, naaalala ko ang sarili kong buhay sa kolehiyo—isang panahong parehong masarap at mapait balikan. Maging ang mga silid-aralan, opisina, mga puno, at mga upuang dati kong dinaraanan ay nagiging paalala ng mga kwento at pagsasamang nabuo, nasira, at muling naayos kasama ang mga taong humubog sa aking pagkatao.
Dati rati, naiinis akong pumasok sa klase, gumawa ng mga proyekto, mag-ensayo para sa performance tasks, at magbasa at umintindi ng mga aralin. Madalas, hinihiling ko pang sana matapos agad ang semestre upang makawala sa napakaraming gawain at responsibilidad. Ngunit ngayon, parang gusto ko nang maging panghabangbuhay ang pag-aaral.
Marahil, hindi dahil mas madali ang buhay-estudyante. Sa halip, dahil ngayon ko lang nakita ang mga bagay na hindi ko napapansin noon. Habang papalapit ako sa mundo ng trabaho, mas nauunawaan ko ang bigat ng mga responsibilidad na naghihintay. Akala ko, kapag wala ng mga requirements at exams ay giginhawa na ang buhay. Ngunit, unti-unti kong napagtanto na may mga pagsubok pala na hindi sinusukatan ng grado.
Iba pala talaga ang sitwasyon pagkatapos mag-aral.
Nakakatakot ang hinaharap. Tama siguro sinasabi ng iba na puno ang pagsubok at pasanin ang mundo ng propesyonal na mga responsibilidad, at pakikipagsapalaran para mabuhay. Mukha pa lamang ng mga kilala kong nagtatrabaho, makikita nang marami silang iniisip higit pa sa kanilang tungkulin. Dahil dito, napapaisip ako kung bakit mas gugustuhin ko pa ngayong bumalik sa pag-aaral kaysa harapin ang mundong matagal ko nang gustong pasukin. Nakakatuwa noong una na nakapagtapos na ako, ngunit habang lumilipas ang mga araw at buwan, unti-unti kong nararamdaman ang lungkot na kaakibat ng pagtatapos.
Doon ko nabatid na minsan lang pala ang pagiging estudyante. Ang mga bagay na dati kong kinaiinisan ay siya ngayong pinakakinasasabikan kong balikan.
Ngayon, iba na ang landas na tinatahak ko. Dito ko lubos naunawaan na graduate na pala talaga ako.