
Daniela Dizon at Aifer Jacutin
Mabilis kumalat ang mga trend sa media—mula sa mga sayaw, memes, hanggang sa mga content na nakakaaliw. Ngunit may mga “trend” na hindi dapat ginagaya o pinahihintulutan, lalo na kung ginagawang katatawanan ang pagkatao at kultura ng iba. Isa sa mga mapanganib na uso ngayon ay ang pagturing sa “Badjao” bilang biro o stereotype na nakakasakit sa dignidad ng mga indigenous people.
Ang pagturing sa mga ‘Badjao’ bilang materyal na katatawan ay hindi katanggap-tanggap—ito ay isang uri ng diskriminasyon na nag-uugat sa matagal nang maling pagtingin sa kanila. Sa bawat pagkakataong ginagawa silang biro, unti-unting nabubura ang tunay na halaga ng kanilang identidad. Hindi natin namamalayan, ang isang “nakakatawang” content ay nagiging normalisasyon ng pangmamaliit, na lalo pang nagpapalayo sa kanila sa lipunang dapat sana’y kumikilala at gumagalang sa kanilang karapatan.
Mahalagang maunawaan na ang mga “Sama Dilaut”—na mas kilala sa katawagang “Badjao”—ay may sariling kasaysayan, tradisyon, at pamumuhay na nakaugat sa dagat. Ang kanilang kultura ay hindi dapat gawing biro, kundi dapat pahalagahan bilang bahagi ng yaman ng ating pambansang identidad.
Ang mga “Badjao”
Sa mata ng mga nakatira sa siyudad, kapag narinig ang “Badjao”, kadikit nito ang panlilimos, latang tambol, sobreng gusot, budots na sayaw, bandana, at kasuotang hindi “pangkaraniwan”. Nakakahon ang kanilang identidad sa mga lenteng ito. Subalit kung bubuksan natin ang ating mga mata, papakinggan ang tinig nila, at kikilalanin kung sino sila, higit pa sila sa mga ideya kung saan sila kinukulong.
Ang mga “Sama Dilaut”
Ang tinatawag na Badjao ay isang katutubong grupo mula sa Mindanao, partikular sa Sulu at Zamboanga Peninsula. Kilala sila bilang Sea Gypsies dahil malapit ang kanilang pamumuhay sa dagat. Ngunit ang mismong katawagang “Badjao” ay hindi palaging tama o buo sa kanilang identidad. Mas makatarungan na kilalanin sila bilang “Sama Dilaut,” na siyang mas malapit sa kanilang pagkakakilanlan.
Maraming Sama Dilaut ang napilitang umalis mula sa kanilang mga pamayanan dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng tunggalian, overfishing, at kakulangan ng suporta sa kanilang tradisyunal na kabuhayan. Dahil dito, napunta sila sa mga siyudad kung saan mahirap makahanap ng trabaho na tumutugma sa kanilang kasanayan.
Karapatang Pantao
Tulad ng bawat Pilipino, ang mga Sama Dilaut ay may karapatan sa respeto, pagkakapantay-pantay at pag-iral ng kanilang kultura. Ang kanilang tradisyon ay bahagi ng mas malawak na kwento ng ating bansa. Hindi dapat nakabatay sa estado sa buhay o sa imahe na ipinapakita ng lipunan ang pagtrato sa kanila, bagkus sa simpleng katotohanan na sila ay kapwa-tao natin.
Bukod dito, ang kanilang kaalaman sa dagat, pamumuhay na nakaugat sa kalikasan at natatanging sining ay nagpapayaman sa pambansang kultura. Ang pagmamaliit at panlalait sa kanila ay hindi lamang pananakit sa isang komunidad; ito ay pagwawalang-bahala rin sa bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Gayunpaman, nananatiling hamon ang pagpapatupad ng mga batas at programang dapat sana’y nagpoprotekta sa kanila. Mayroon mang Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 (IPRA), madalas ay hindi pa rin lubos na naipatutupad ang mga probisyon nito para sa Sama Dilaut.
Marami sa kanila ang patuloy na nakararanas ng diskriminasyon sa edukasyon, trabaho at kahit sa simpleng pakikisalamuha. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang hindi lamang batas ang magkaroon ng saysay, pati pagkilos ng pamahalaan at mismong mga mamamayan upang tunay na maramdaman ng mga Sama Dilaut ang pagkakapantay-pantay na nararapat sa kanila.
Bantay-Dagat ng Kultura
Ang mga Sama Dilaut ang patunay na ang ating bansa ay hindi lamang binubuo ng iisang kuwento. Sa kanilang kakaibang ugnayan sa dagat, nakikita natin ang lawak at lalim ng ating pambansang pagkatao.
Ang kakaibang ganda ng kanilang kultura ay nagsisilbing paalala na ang Pilipinas ay isang kapuluan na yumayakap sa iba’t ibang paraan ng pamumuhay. Kapag iginalang at pinangalagaan natin ang kanilang identidad, pinapagyaman din natin ang mas malawak na pag-unawa sa ating kolektibong kultura bilang mga Pilipino.
Bakit masama ang pananaw sa mga “Badjao”
Kapansin-pansin na dumarami ang mga Badjao kapag papalapit na ang Pasko. Kadalasan silang makikita sa lansangan ng Kamaynilaan at sa mga karatig na probinsya. Marahil sa panahong ito, marami ang mamimigay ng aguinaldo. Sila ay makikitang nanlililimos sa mga lansangan, mga sakayan, at kung minsan, nagbabahay-bahay. May mga pagkakataon ding nangungulit sila at pilit na nanghihingi, marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi maganda ang pananaw sa kanila.
Malaki rin ang impluwensiya ng social media sa pananaw ng tao. Kaya kung ano ang trending, sinasabayan. Bago pa man mauso ang “Badjao outfit trend”, marami ng bidyo ang kumakalat tungkol sa kanila.. Mayroong mga tungkol sa pagiging “goodjao” ng mga badjao. Sikat din iyong mga meme noon tungkol sa “Ya, pembarya”. Kumalat din ang isang bidyo tungkol sa naka-brace na badjao. Isa pa, iyong bidyo na nagpapakita ng nangungurot na badjao. Bukod dito, may mga bidyo rin kung saan sinasaad ng mga badjao ang kanilang kinikita kada araw, kung saan mas mataas pa ito sa minimum wage earner.
Sa lahat ng ating karanasan sa kanila sa totoong buhay man at maging sa social media, iisa ang dapat nating itanong: Bakit sila humantong sa ganito?
Pagtakas mula sa karahasan
Pinili ng mga badjao na lumayo mula sa lugar kung saan sila nagmula dahil sa banta na mayroon doon. Ipagpapalit ba nila ang tahimik nilang pamumuhay at masaganang kultura, kung ang kapalit nito ay pandidiri at pangungutya sa Maynila? May dahilan kung bakit tinitiis at pilit silang lumalaban sa buhay sa kabila ng trato sa kanila rito.
Sila ay naninirahan sa mga tahanang nakatayo sa ibabaw ng katubigan kaya naman ang pangunahing hanapbuhay nila ay pangingisda. Mula pa man noon, paunti na ng paunti ang nakukuha nilang isda sa dagat at kung mayroon man, may mga masasamang tao na kumukuha ng kanilang huli. Sa katimugang bahagi kasi ng Plipinas kung saan matatagpuan ang Karagatan ng Celebes at Sulu, maraming rebelde na naghahasik ng gulo. Sa isang panayam, sinabi ng isang badjao rito sa Maynila na wala na silang bahay at bangka. Ang kaguluhan sa kanilang lugar ang nagtulak sa kanila upang lumawas sa mga siyudad upang humanap ng pera.
Kalagayan sa siyudad
Sa kinagisnan nilang pamumuhay, umiikot ang lahat sa karagatan, mula sa kanilang tahanan hanggang sa kanilang hanapbuhay. Sa ganitong kalagayan, paano sila mabubuhay sa kalupaan? Sa isang pag-aaral, lumalabas na karamihan sa kanila ay walang pinag-aralan at ang iba, hindi marunong magbasa at magsulat. Sa sitwasyong ito, ang naiisip nilang gawin para kumita ay ang panlilimos.
Sa parehong pag-aaral, nalaman din na ang ibang badjao ay biktima ng pagsasamantala o exploitation. Sa katunayan, nitong 2021 lang, naiulat ng alkalde ng Zamboanga ang biglang pagdami ng umalis na badjao sa kanilang lugar, hindi raw ito karaniwan at maaaring may sindikato mula sa likod nito.
Ang kanilang mga kinakaharap ay nagdudulot ng unti-unting paglalaho sa pagkakakilanlan nila bilang Sama Dilaut. Kung kaya’t dapat magtulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Commission on Indigenous People (NCIP) upang maiangat ang katayuan nila sa buhay at matulungan silang makasurvive sa makabagong mundo.
Kritikal na pagtingin
Hindi lahat ng trending dapat sabayan. Ang mga nakaaapak ng pagkatao, bumubura sa pagkakakilanlan, at nakakasakit ng damdamin, is not giving.
Dapat tutukan ng mga social media platforms ang mga content na ina-upload ng mga tao lalo na kung ang isyu ay tungkol sa cultural appropriation.
Sa modernong mundo, nakatututok din dapat ang NCIP para protektahan ang karapatan ng ating mga katutubo.
Ang mga nakaupo sa mga posisyon ng gobyerno ay dapat magpasa ng mga batas na makatutulong sa mga badjao. Hindi panandaliang tulong kundi tulong na pangmatagalan: kung saan hindi na nila kakailanganin pang manlimos maitawid lang ang araw-araw na buhay.
Tayo bilang Pilipino, tungkulin nating kilalanin ang ating pinagmulan. Ang kapwa Pilipino ay dapat binibigyang respeto, lalo na kung humaharap sila sa hamon ng buhay. Marahil kaya sila sa kapwa mamamayan humihingi ng kaunting tulong ay dahil hindi sila nabibigyan ng sapat na atensyon mula sa gobyerno.
Sa huli, hindi sukatan ng kasikatan ang halaga ng isang trend, kundi ang epekto nito sa kapwa. Ang pagpapatawa na nakaugat sa pang-aalipusta ay hindi kailanman magiging katuwaan. Ang Sama Dilaut, na matagal nang biktima ng stereotyping at diskriminasyon—ay may karapatang hindi dapat tapakan.
Tayo ay may kalayaan na gamitin ang social media, kaya piliin nating gamitin ito para mamulat, hindi manlait; para mag-angat, hindi manira. Nasa atin ang responsibilidad na gawing mas makatao at mas makatarungan ang lipunang kinabibilangan natin.