Higit pa sa malamig na tubig-baha

Kung susubukan niyong lakarin ang kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City mula sa entrada ng UP Diliman hanggang Diliman Doctors Hospital habang bumabagyo at payong lang ang tangi niyong dala, mangangatog kayo sa lamig. 

Source? Trust me, bro. Been there, done that. 

Noong nakaraang taon ‘yon, pero marami kami kasi rally. Ikatlong SONA ‘yon ni PBBM tapos nagkasa ng malawakang kilos-protesta ang iba’t ibang sektor at nagsalubungan na lang sa may Commonwealth. Mainit pa noong umaga, pero may kaunting pag-ambon kaya masakit sa ulo at nakahihilo. Nang mag-martsa na kami bandang tanghali, saka bumuhos ang ulan. 

Hindi lang ulan — as in ULAN, dahil sobrang lakas niya na sinabayan pa ng hangin na akala mo bumabagyo. ‘Yong payong nga na dala ko, bumabaliktad na. Kulang na lang pati ako tangayin dahil sa sobrang lakas. 

Tanda ko pa, naka-jacket ako noon na makapal, ‘yong binili pa ni mama sa Cubao tapos ‘yong hood niya, halos matakpan na ang buong mukha ko dahil sa sobrang laki pero nabasa pa rin ako ng ulan. Hindi naman kasi ako nag-hood, may payong akong dala pero ginamit ko sa kamera dahil hindi pa ‘yon fully paid. 

Ang ending, sumakay ako sa jeep pauwi na basang-sisiw. 

Hindi ko ‘yan makalilimutan kasi tanda ko pang pumasok ako sa Jollibee habang tumutulo ako, literal, nang matapos ‘yong rally bandang hapon. ‘Yong shorts ko basang-basa, pati ‘yong jacket, payong, sapatos at medyas ko pipigaan lahat. Pero may gana pa ako niyan bumili ng Jollibini photocards at tumutok sa aircon para magpatuyo. Tuloy, nilagnat ako makalipas ang isang araw. Nagkasalubong nga din kami sa martsa ng journalism professor ko noon na sa UP nagtuturo at part-timer lang sa PUP. Naka-tsinelas nga lang siya, parang galing pa ng bahay, pero hindi siya basa. 

May isa pa, labor day naman iyon. Binomba naman kami ng truck ng bumbero ng tubig kasi ‘yong mga nagra-rally, pilit na binubuwag ‘yong human-barricade ng mga pulis. Nagtatangka kasi silang lumapit sa US Embassy kaya nagkaroon ng girian at umabot sa puntong binomba na sila ng tubig para maitaboy. May anim na inaresto dahil nga sa tulakan. Hindi ako nabasa, hindi rin ako nahuli kasi nasa mobil ako ng pulis nakasampa kasama ang ibang mga beteranong photojournalist ng malalaking media company at mga pahayagan. Pero naipit naman ako at basang-basa rin ng pawis. 

Pero masaya kahit walang bayad at delikado. Naisip ko, ganon pala kapag journalist, madudurog ka muna sa simula. Eme. 

Two words: Ang hirap 

Hindi madaling maging isang journalist dahil isa ito sa mga trabahong easier said than done, kahit sa campus level. Hindi lang utak at anggulo ang puhunan, kundi pati buhay at kalusugan. Kumpara kasi sa mga karaniwang misconception patungkol sa mga alagad ng midya, hindi lang ito puchu-puchu na mag-i-interview ka ng kung sino-sino sa kalye, gagawa ng balita tapos okay na at boogsh, makikita na ang mukha mo sa TV. 

Sabi nga, always look at the bigger picture. Kapag journalist ka, isipin mo na ring nasa hukay ang isa mong paa kasi kung nasaan ang panganib, dapat naroon ka rin para mag-ulat. Cliché man pakinggan, pero sabi nga ng mga kaklase ko sa PUP journ, para sa masa. 

Kagaya rin ng ilang trabaho, underpaid din ang mga mamamahayag at karamihan, kontraktuwal. Sa sahod, hindi ko alam kung magkano, pero base sa chika ng mga naging propesor ko, sapat na para humanap ka pa ng ibang raket. Kumbaga more on calling lang talaga. 

Umuubra pa naman sa kabutihang-palad ‘yang mantra na para sa masa dahil may mga reporter na matiyagang naghahatid ng balita nang buwis-buhay. ‘Yang calling na ‘yan din ang dahilan kung bakit updated ang marami sa atin patungkol sa masamang panahon ngayon at kung bakit lumulusong ang mga mamamahayag sa baha kahit na maginaw. Kailangan kasi nilang magbalita, dahil kung hindi, hindi niyo rin malalaman kung ano-anong mga dam na ang nagpakawala ng tubig, kung anong wind signal na sa lugar niyo, kung umapaw na ba ang tubig sa Marikina River, kung gaano na kalalim ang baha sa Taft Avenue at sa Espanya, kung ano na ang estado ng bawat lugar sa bansa, kung nasaang lupalop at kung ano ang inaatupag ngayon ng pangulo at kung may pasok ba ang mga bata sa eskwela. 

Ito ‘yong isang bagay na mga journalist lang ang nakagagawa at hindi ang kung sino mang vlogger, kahit na sabihing milyones na ang followers at kinikita at may Gold Plaque na mula sa YouTube. Sige nga, put a finger down kung may vlogger kang napanood na nag-report tapos ang background rumaragasang ilog? Nakataas pa rin fingers mo? You can’t put your finger down kasi wala, ano? 

Ito ‘yong gustong bigyang-diin ni kasamang Bernadette Reyes ng GMA Integrated News sa Facebook post niya. Na ang mga journalist, bagaman gustong maging hayahay ang buhay ngayong masama ang panahon, humilata lang sa higaan, manood ng Netflix at kumain ng champorado, mas pinipiling lumabas ng bahay, humarap sa kamera at lumusong sa baha dahil may sambayanang pinaglilingkuran. Na may masang naghihintay ng mga balitang mainit-init pa sa gitna ng malamig at masamang panahon. 

Legit na malamig ang tubig-baha. Kung titingnan ang larawan sa post ni Bernadette Reyes, abot hita na ito halos. Kahit na sabihing nakabota at kapote ka naman, mangangatog ka pa rin sa lamig lalo na kung malakas ang hangin. Bukod dito, at risk din sa sakit kagaya ng sipon, ubo o lagnat pati leptospirosis. 

Eh bakit kasi kailangan pang lumusong sa baha kung pwede namang hindi? 

Hindi lang ito tungkol sa baha, pramis. Pagpapakita rin ang ganitong uri ng coverage sa bulok na sistema at mabagal na disaster response sa bansa. Pati na rin ang kawalan ng presensiya ng pinangalandakan noon ni PBBM na higit 5,500 na mga flood control projects.

Red tagging at pagpatay liban sa baha

Kagaya nga ng sinabi kanina, hindi lang ito tungkol sa baha. Hindi lang naman ‘yon ang disaster na sinusuong ng mga mamamahayag sa araw-araw kundi pati na rin ang mga kaakibat na peligro ng kanilang trabaho. Ayon sa 2024 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (RSF) noong 2024, ika-134 ang Pilipinas sa 180 na mga bansa at teritoryo pagdating sa usapin ng press freedom. Nangangahulugan lamang ito na hanggang ngayon, danas pa rin ang kawalan ng seguridad at tunay na kalayaan para sa mga peryodista na gampanan ang kanilang tungkulin nang hindi kumakaharap sa anumang uri ng panggigipit. 

Sa mga nakalipas na taon, red tagging ang naging paraan upang busalan ang midya. Sa isang pag-aaral na ginawa ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) noong Mayo 2024, lumabas na tinatayang nasa 159 na insidente ng red tagging laban sa mga mamamahayag ang naitala mula 2016 hanggang 2024. Sa bilang na ito, 90 na kaso (56.6%) ng red tagging ang mula sa mga alternative media outlets, o ‘yong mga mamamahayag na marginalized sectors ang pangunahing laman ng coverage, habang 69 (43.4%) naman ang sa mainstream media. Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nabuo sa nakalipas na administrasyong Duterte ang itinuturong notorious pagdating sa red tagging. 

Namamatay rin ang mga mamamahayag, hindi dahil sa baha o anumang sakuna, kundi dahil sa bala. Isa na rito si Percy Lapid na kilalang kritiko ng administrasyong Marcos Jr. at Duterte. Binaril siya habang papasok sa kanyang subdivision na tinutuluyan sa Las Pinas. Isa pang pagpatay laban sa isang broadcaster ang yumanig sa bansa. Nitong 2023, binaril sa loob mismo ng kanyang tahanan ang broadcast journalist na si Juan Jumalon. Ang pagpaslang, nangyari habang umeere si Jumalon sa kanyang programa. At ngayong taon lamang, binaril din ang broadcaster na si Erwin Segovia pauwi matapos umere ang kanyang programa para sa Radio WOW FM nitong Lunes, Hulyo 23 sa Bislig, Surigao Del Sur. Hanggang ngayon, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng salarin. 

Patunay lamang ang mga pagpaslang na ito na huwad ang press freedom na mayroon sa Pilipinas. Na hindi naman talaga totoong malaya at ligtas maging mamamahayag sa isang bansang pagkitil ang pangunahing sandata upang patahimikin ang mga bumoboses sa lipunan. 

Fake news na naman?

Sa dami ng mga “headline” ngayon, ang hirap tukuyin kung alin ang totoo at alin ang para lang sa views. 

Isang scroll sa Facebook, YouTube, X (dating Twitter) at sa iba pang social media platforms, bubulaga ang samu’t saring clickbait: Exclusive, shocking, watch ‘til the end na sasabayan pa ng mga thumbnail na makabagbag-damdamin. Milyon ang views, daan-daan ang comments, pero may kulang at ito ang tanong na: Totoo ba talaga ‘to? 

Sabi nga ng prof namin sa isang subject noong first year ako, maling sabihin na fake news ang isang pekeng impormasyon dahil unang-una, sabi niya, “there’s no such thing as fake news because news are well curated information.” Mas mabuti aniya gamitin ang terminolohiyang false information o disinformation.

Kaya lang, iilan na lamang sa mga Pilipino ang kinikilatis ang mga impormasyong kanilang binabasa. Ayon nga sa survey ng Social Weather Stations nitong Pebrero lamang, anim sa bawat sampung Pilipino ang naniniwala na seryosong problema ang fake news — lalo na sa social media. At kahit may mga nagtitiwala pa rin sa mga journalist, 62% ang mga nagsasabing may pangamba sila sa traditional media na kadalasan, mga tao na mas nagtitiwala pa sa mga taong dapat na pagdudahan. 

Sa kabilang banda, mayroong 65% ng mga Pilipino ang nagsasabing hirap silang tukuyin kung alin ang legit sa hindi. At mas nakababahala na halos kalahati ng mga Pilipino (48.3%) ang mas gustong manood sa mga vloggers kaysa dahil ito mas simple anila silang unawain at mayroong milyon-milyong views.    

Mas pinapakinggan pa nila ang mga taong may background music, imbes na mga taong may background sa journalism. 

Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga taong hindi sumusuko — mga boses na nagtatrabaho nang seryoso hindi para sa fame o viral hits, kundi para lang iparating ang totoo sa publiko. Sila ang mga tunay na alagad ng balita na dapat pakinggan.

Sa likod ng katotohanan

Habang abala ang karamihan sa basta-bastang pag-like, share at comment, may mga boses na nananatiling totoo. 

Reporter na nakatayo sa gitna ng ulan na halos liparin na rin, hindi alintana ang basang medyas at mabigat na pantalon. Cameraman namang mas iniingatan pa ang mamahaling gamit kaysa sarili, para lang masigurong malinaw ang kuha sa TV. Mga tumutulak pa on-site kahit salubungin pa sila ng kung anong delubyo.

Hindi sila naka-ring light, kasi mas maliwanag ang ilaw na ginagamit nila. Wala ring trending na hashtag, nagte-trending lang kapag pumiyok, nasamid, o may maling nasabi habang nasa ere. Pero sila ang unang dumarating sa gitna ng lindol, baha, mga isyu na kahit pa laban ito sa mga makapangyarihang pilit ikinukubli ang katotohanan. Totoong trabaho, totoong sakripisyo.  

Kamakailan lang, pumutok ang eksklusibong ulat ni Emil Sumangil. Hindi ito basta Showbiz chika o haka-haka lamang, kundi isang ulat na hindi matutumbasan ng anumang likes. Isiniwalat kasi rito ng isang whistleblower ang matinding alegasyon laban sa businessman na si Charlie “Atong” Ang kaugnay sa mga nawawalang sabungero. 

Ayon kay Julie “Dondon” Patidongan, dating security chief sa sabong arenas ni Ang, iniutos umano ang pagdukot at pagpatay sa higit 100 sabungero mula 2021 hanggang 2022. Kasama sa mga detalye ang mga pulis na tumanggap ng P2.6 milyon bilang “bayad” para isakatuparan ito. May dokumento. May ebidensya. Hindi chismis kundi matinding investigative journalism. Hindi ito para sumikat, kundi para maprotektahan ang karapatan ng bayan sa katotohanan at maging daan tungo sa hustisya.

Hindi naman maipagkakailang delikado ang kanyang ginawa, kaya naman humihingi ang asawa niyang si Michelle ng panalangin para sa kaligtasan ng kanyang asawa. 

Isa si Emil Sumangil sa patunay na ang totoong journo ay kayang isugal ang buhay para makapagbalita — kahit mahirap, delikado at madalas walang pasasalamat. 

Sa gitna ng rumaragasang balita ng mga usapang puro hype at social media na puno ng ingay, pinatutunayan ng mga mamamahayag na ang tunay na lakas ng balita ay hindi nasusukat sa dami ng views o likes kundi sa tapang ng mga taong naglilingkod para ipaglaban ang totoo. 

Katulad ni ABS-CBN news reporter Izzy Lee, na naging viral ang linya niyang “hanggang binti na ang tuhod.” Pinagtawanan ng ilan at kinutya ng iba pero sa likod nito ay ang katotohanan na hindi matatabunan ng kahit anong views o likes. Na isa siya sa mga tinatawid ang baha para lang makatawid din ang balita sa mga tao, kahit walang tulog, walang kain at walang pahinga.

Higit pa sa tubig-baha

Malamig talaga ang tubig-baha. 

Pero mas malamig ang katahimikang naghahari kapag wala nang handang magsalita. Kapag puro na lang vloggers, puro na lang likes at views, puro na lang “content” pero wala ng laman. 

Hindi biro ang tumindig sa gitna ng bagyo at makipaghabulan kay kamatayan — literal man o hindi. Habang ang iba’y nanonood lang, may mga nagsasakripisyo hindi lang ng pahinga, oras, kundi ng buhay. Hindi dahil gusto nila ng eksena, pero dahil may masang dapat pagsilbihan. May katotohanang dapat ipaglaban at may kasinungalingang dapat labanan. 

Kaya sa tuwing makikita mo ang reporter na nakatayo sa gitna ng malakas na ulan, basang-basa, tumutulo at nanginginig ang tinig, habang lumulusong sa putik, hindi sila basta-bastang nagsasalita lang. Sila’y naninindigan sa katotohanan. 

Hindi para sa likes. Hindi para sa clout. Lalo nang hindi para sa Gold Plaque ng YouTube, kundi para sa masang matagal nang nilubog sa kasinungalingan, mga platapormang hindi naisasakatuparan at ng hustisyang para lang sa makapangyarihan. 

At sa bawat hakbang sa gitna ng baha, bawat flash ng camera sa dilim, bawat tanong na kinatatakutan ng nasa tuktok — bitbit nila ang isang pangakong pinaghihirapan nilang hindi kailanman lulubog:

Ang katotohanan. 

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...