
Tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre, tila nagiging iisang eksena ang buong bansa—kumukutikutitap ang mga parol sa kalsada, pumapailanlang ang mga awiting pamasko, at dagsa ang mga mamimili sa bawat sulok ng lungsod.
Ngunit sa likod ng liwanag at ingay na ito, may isang katotohanang madalas natatabunan: hindi lahat ay may pribilehiyong magdiwang.
Habang ang ilan ay abala sa paghahanda ng handa at regalo, marami ang patuloy na nagtatrabaho, nagsasakripisyo, at nagtitiis—sapagkat para sa kanila, ang holiday ay hindi pahinga kundi obligasyon.
Sa ganitong konteksto, unti-unting nabubunyag na ang sinasabing “pinakamasayang panahon ng taon” ay hindi pantay na nararanasan ng lahat.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), mayroong pay at holiday work guidelines para sa mga manggagawa na kinakailangan magtrabaho tuwing Pasko at Bagong Taon, kabilang ang mga empleyado sa retail, hospitality, at food services na kailangang mag-ulat at tumanggap ng holiday pay kapalit ng kanilang serbisyo.
Ipinapakita lamang nito na habang ang karamihan ay nagpapahinga, may ilan na ang pahinga ay luhaan o naiwan sa likod ng counter, naghahanda ng pagkain, o naglilinis ng establisyemento para sa kasiyahan ng iba.
Nakakalungkot isipin na maraming empleyado ang naglilingkod sa hapag ng iba, subalit baka sila mismo ay walang sariling maihain sa kanilang tahanan.
Marahil kailangan pa nilang magdoble kayod para may maipambayad sa renta, pamasahe, o kahit simpleng regalo sa pamilya.
Kamakailan, isang simpleng karatula sa pintuan ng Papemelroti Glorietta ang tumama sa damdamin ng marami: sarado kami ngayong Pasko para makasama ang aming pamilya—kahit na sa kabila ng banta ng multa at pagkawala ng kita, pinili ng pamunuan na ipahinga ang kanilang mga empleyado
Sa panahong ang iba’y abala sa pamimili, may mga manggagawang piniling umuwi—hindi para magpahinga lang, kundi para muling maging anak, magulang, at kapamilya.
At sa isang lipunang sanay magbukas ng tindahan kahit Pasko, ang pagsasara ng Papemelroti ay nagsilbing tahimik ngunit makapangyarihang pahayag: na ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi nasa benta, kundi nasa pagbibigay-halaga sa mga taong bumubuo sa likod nito.
Ang holiday, para sa ilan, ay hindi selebrasyon kundi obligasyon; isang pribilehiyo na dapat pagtrabahuan.
Sa kabilang dako ng mga selebrasyon, may ilan namang Pilipino—lalo na ang kabataan—na tila walang pakialam sa pagdiriwang. Mas pipiliin nilang manatili sa kama kaysa makihalubilo sa pamilya o komunidad.
Samantala, may mga pamilya naman na kailangang pilitin ang anak o miyembro na lumabas at makisama, para lamang makasabay sa tradisyon.
Nagmistulang dalawang mukha ang pagdiriwang ng holiday season ng mga Pilipino. May kinakailangang maghirap para makapagdiwang, samantala ang ilan ay hindi man lang binibigyan halaga ang pagkakataon habang kasama pa nila ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kung imumulat ang mga mata upang mabuksan ang mas malalim na tanong na ang pagdiriwang ng holiday ay hindi laging garantiya ng kasiyahan. Nakadepende ito sa kakayahang makapagpahinga, sa oras na may mapagkukunan, at sa kalayaan na lumahok sa tradisyon.
Marahil habang may iba na nagtatamasa nito, may ilan na ipinagpapalit ang kasiyahan sa patuloy na pagsusumikap.
Ang pagiging bukas palad sa ganitong konteksto, kung saan ang mga simpleng handa, naglilinis na kalsada, o nagtatrabaho sa malamig na kusina ay tunay na simbolo ng kabalintunaan ng tradisyon.
Ngunit may malaking tanong na bumabagabag sa akin. Paano nga ba natin binibigyang halaga ang holiday kung may iba na patuloy na nagtatrabaho para sa karapatan nating makapagdiwang?
Ito ay isang katanungan na hindi lamang basta panlipunan, bagkus ito ay moral. May obligasyon ba tayong kilalanin ang sakripisyo ng iba habang tayo ay nagpapahinga? Hindi kaya patuloy nating ipagpapaliban ang kabutihan para sa kasayahan?
Sa huli, ang holiday sa Pilipinas ay hindi palaging jolly.
Dahil ito ay mistulang paalala ng hindi pantay na lipunan, kung saan ang pagdiriwang ay nakasalalay sa kalagayan at kapalaran ng bawat isa.
Ito ay kabaliktaran ng salamin ng tunay na diwa ng pasko o ng bagong taon. Ang pagkakaisa, kabutihan, at malasakit—ay makikita sa mga tahimik na haligi ng komunidad.
Sa bawat manggagawang nagtitiis, sa mga pamilyang pinipilit magsama-sama, at sa mga pusong handang ibahagi ang munting pribilehiyo ng kasiyahan.
Sa bawat parol na kumikislap, nawa’y maalala natin ang mga taong hindi nagdiriwang kundi nagtitiis—at tanungin ang sarili kung hanggang kailan sila mananatiling hindi nakikita.