
Sa panahong patindi nang patindi ang krisis sa ekonomiya, kalikasan, at edukasyon, tila nakakayamot ang paglitaw muli ng UP Golf Club mula sa University of the Philippines Diliman (UPD) dahil sa panibagong post nito sa official Facebook page ng kanilang Executive Committee para sa taong panunuran 2025-2026.
Gayong naitatag ang organisasyon noong 2023, mahirap sabihin na ito ang dapat pagtuunan ng isang pampublikong unibersidad na ang mismong pondo ay nagmumula sa dugo at pawis ng sambayanan. Sa gitna ng patuloy na kakulangan sa pondo sa mga silid-aralan, laboratoryo, at student welfare programs, tila isang palo ito palayo sa tunay na layunin ng unibersidad—ang maglingkod sa bayan.
Sa pananaw ng ilan, ito ay hakbang upang gawing mas inklusibo ang larong golf na matagal nang itinuturing na eksklusibo at nakatataas para sa mayayaman. Mas bukas ang oportunidad sa pagkatuto sa abot-kayang paraan. Nagpapakita rin ito ng sports diversity at student development dahil gaya ng ibang laro, ang golf ay nagtuturo ng disiplina, konsentrasyon, at respeto sa kapwa manlalaro. Kung tutuusin, ang layunin nitong palawakin ang depinisyon ng “open sports for all” ay isang ideyang dapat pahalagahan kung maisasakatuparan ito nang may malasakit sa bayan at hindi kapalit ng masa. Ngunit, nanatili pa rin ang diskusyon ng taumbayan dahil inclusivity ba talaga ito kung ang access ay patuloy na ginagamit ng iilang tao lamang?
Nananatiling malinaw na ang golf ay larong may malalim na ugat sa elitismo. Ang larong ito ay nangangailangan ng mamahaling gamit, malawak na lupain, at mahal na maintenance na hindi kayang abutin ng karaniwang estudyante. Sa katunayan, ayon sa Philippine Star (2024), ang mga golf course sa Metro Manila ay pinayuhan ng DENR na bawasan ang paggamit ng tubig dahil umaabot sa milyon-milyong litro ang nakokonsumo nila araw-araw. Hindi maaaring magiging inclusive at sustainable ang isang sport na nangangailangan ng ganoong antas na maintenance at likas na yaman.
Bukod sa gastusin, malaki rin ang isyu sa paggamit ng lupa para sa mga golf course. Sa mga nakaraang taon, ilang magsasaka sa Bulacan at Pampanga ang umalma sa land conversion tungo sa mga golf facilities dahil tinatanggalan sila ng karapatang magbungkal ng sariling lupa. Sa bansang ang mga magsasaka ay patuloy na walang sariling lupa, nakakasuklam isipin na sa halip na lupaing taniman, mas pinipiling gawing palaruan ng iilan at gamitin para sa pansariling interes. Kung ganito rin ang direksyon sa loob ng isang pamantasang pampubliko, patuloy lamang tayong bumabaliko sa pinanghahawakang prinsipyo ng UP na para sa bayan, para sa masa.
Dagadag rito, hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang environmental impact ng pagtatayo ng golf course. Ayon sa mga pag-aaral, ang isang 18-hole golf course ay maaaring gumamit ng mahigit 2.3 milyong litro ng tubig bawat araw, bukod pa sa patuloy na paggamit ng pesticides at fertilizers. Sa panahon ng lumalalang krisis sa tubig, tagtuyot, at deforestation, ang pagtataguyod ng sport na may ganitong environmental footprint ay tila pagbalewala sa mga pinangangalagaang adbokasiya ng UP hinggil sa sustainability. Mas nararapat na ang bawat programa ng unibersidad ay tumutulong sa pagresolba ng mga problema at hindi nakatuon sa mas paglala pa nito.
Mayroon ding matinding kultural at moral na disconnect sa imaheng hatid ng ganitong isport. Habang libo-libong estudyante ang patuloy na nagtataguyod ng abot-kayang edukasyon at nakikibaka para sa isang makatao at patas na lipunan, ang pagkakaroon ng golf club sa loob ng UP ay tila sumasagisag sa unti-unting pagkalayo ng institusyon sa ugat ng pakikibaka ng masa.
Sa labas naman ng unibersidad, samu’t saring memes ang patuloy na nangungutya sa ganitong klase ng organisasyon na halatang itinatag para lamang magamit ng mga nasa iisang tiyak na antas sa lipunan—ang mga mayayaman o may kaya. Hindi na ito simpleng usapin ng palakasan dahil ito ay usapin ng prinsipyo at representasyon. Ang “Iskolar ng Bayan” na naglalaro ng golf habang ang karaniwang mamamayan ay patuloy na nagdurusa ay nagiging malinaw na larawan ng pribilehiyo na kumakain sa diwa ng pagiging makabayan.
Hindi ito nangangahulugan na dapat ipagbawal ang golf o ilagay sa masamang liwanag ang mga taong marunong nito. Subalit sa panahon kung kailan ang edukasyon, kabuhayan, at kalikasan ay sabay-sabay na humihingi ng atensyon, kailangang usisain kung ito ba ang tamang oras para itaguyod ang isang isport na nasa loob ng berdeng bakod—malayo sa lansangan ng tunay na pakikibaka?
Sa gitna ng climate crisis, tuition struggles, at kakulangan sa mga pangunahing pasilidad, malinaw na may mas mahahalagang dapat pagtuunan ng oras, lupa, at pondo. Ang golf club ay maaaring magmukhang simbolo ng modernisasyon ngunit sa kasalukuyang konteksto, ito’y nagiging metapora ng distansya ng unti-unting paglayo ng institusyon sa masa na pinangakuan nitong paglingkuran.
Ang patuloy na pagtangkalik at pag-endorso sa ganitong uri ng organisasyon sa loob ng pampublikong unibersidad ay hindi lamang usapin ng isports bagkus ng prayoridad at pananagutan. Sa bawat lakas ng palong binibitawan ng golf club, tila patuloy na nakukulong sa loob ng berdeng bakod ang mga pansariling interes at mas paglala ng social class division.
Ang unibersidad ay dapat maging bukas na espasyo at hindi eksklusibong palaruan ng mga mayayaman—dapat itong maging simbolo ng pagkakaisa at hindi ng pribilehiyo. Kung ang bawat palo ang kumakatawan sa paglayo sa tunay na adhikain para sa masa, ngayon na rin marahil ang panahon upang idireksyon ito pabalik sa kung sino dapat ang paglingkuran—kundi ang bayan.