KAPULUAN NG HIWAGA: Ang mga Nilalang sa Mitolohiyang Pilipino

Sa bansang binubuo ng 7,641 na kapuluan, nililipad ng hangin, winawasiwas ng mga puno, at tinatangay ng mga alon ang mga alamat ng mga nilalang na namumuhay sa kultura ng mga Pilipino.

Sa likod ng makabagong mundo, mararamdaman ang hininga ng naghihingalong alaala ng mga nagpasalin-saling mito. Kilalanin ang mga nilalang na minsang naging bukang-bibig sa nakalipas na siglo.

Ang Pinsan ng Manananggal: Abat o Awok (Waray)

Sa ibayong Silangan ng Visayan, matatagpuan ang pinagmulan ng mga Abat o Awok. Ito ang tinatawag na “pinsan” ng mga manananggal dahil tulad nila, pinaniniwalaang ang mga abat o awok ay may kakayahang hatiin o ihiwalay ang ibabang bahagi ng kanilang katawan at kailangan din nilang mabuo ang katawan bago pa sumikat ang araw dahil kung hindi, mamamatay sila. Subalit ang kaibahan, sa manananggal tinutubuan sila ng pakpak sa likod samantalang ang mga abat o awok, mismong mga braso nila ang nagiging pakpak na maihahalintulad naman sa pakpak na mayroon ang isang paniki.

Aswang Final Boss: Agalon Hayopan (Bikol)

Ang salitang “Agalon” ay nangangahulugang master, boss, at maging kaibigan, habang ang salitang “Hayopan” naman ay nanggaling sa salitang ugat na hayop. Sa probinsya ng Bikol, pinaniniwalaang ang Agolan Hayopan ay mga nilalang na nananalagi sa kagubatan o sa tabi ng ilog na nagbabalat-kayo bilang mga normal na tao. Subalit sa likod ng mga pangkaraniwang mukha, nagkukubli ang espesyal nitong abilidad: utusan ang anumang hayop na gawin ang kanyang iuutos. Sa tuwing kakailanganin nilang patirin ang gutom, tutungo sila sa tabi ng ilog at matiyagang maghihintay, hindi ng isda, kundi ng taong dadaan. Kapag nakakita na ito ng bibiktimahin, tatawagin nito ang mga hayop gaya ng buwaya, upang atakihin ang napiling tao. Pagkatapos tambangan, kakagatin ng buwaya ang binti ng tao atsaka hihilahin patungo sa ilog, habang ang mga Agolan Hayopan ay nananatiling nakamasid sa tabi ng ilog. Kapag nawalan na ng hininga ang tao, uutusang muli niya ang buwaya para dalhin ang bangkay ng biktima sa tabi ng ilog at doon unti-unti nitong lalamunin ang bangkay. May mga pagkakataong dinadala niya pa ang bangkay sa kanilang tahanan upang pagsaluhan ng kaniyang pamilya at niluluto nila ito tulad ng pagluluto ng ordinaryong tao sa karne.

Aligid sa Sementeryo: Busaw (Mindanao)

Kung ang tao ay nangangaso sa gubat, ang mga Busaw ay pinaniniwalaang nangangaso ng mga sariwang bangkay sa sementeryo. Isang maalamat na nilalang sa Mindanao, ang mga Busaw ay nagbabalat-kayo, humahalo sa mga oridaryong tao, at nagkukunwaring katulad natin sila. Subalit ayon sa paniniwala, pagdating ng takip-silim sa ilalim ng kabilugan ng buwan, maaaninag ang tunay nitong anyo. Isang nilalang na walang kabusugan sa laman ng tao, na may patulis na ngipin, kuko a parang kawit, at isang mahaba, mala-serpiyenteng dila. Sila rin ay madalas umaligid sa mga sementeryo kung saan ramdam ang enerhiya ng kamatayan. Kapag nakahanap sila ng mga sariwang bangkay–iyong mga bagong libing,kukunin nila iyon at ilalayo sa libingan. Pagkatapos, doon magsisimula ang paglamon nito sa laman ng tao.

Bantay ng Bangar: Kibaan (Ilocano)

Ang mga Kibaan ay mga nilalang na may maputing-balat, paang nakabaliktad, at gintong mga ngipin. Singlaki sila ng dalawang taong gulang na bata at may buhok na kulay puti na ang haba ay abot sa kanilang mga paa. Sila ang mga nilalang na pinaniniwalaang matatagpuan sa mga puno ng Bangar at maging sa mga punong dinadapuan ng mga alitaptap sa gabi. Pinapanatili nilang malinis ang lupa sa ilalim ng puno at paglubog na araw, lalabas ang maanghang na amoy mula sa kanilang kusina. Sila ay maliliit na grupo at kumakanta sila sa mga baging sa kakahuyan habang tumutugtog ng maliliit na gitara. Pinaniniwalaan din na ang mga kaibigan nitong mortal ay binibigyan nito ng mahiwagang bagay tulad ng kadena, paso, pitaka, sumbrero, at marami pang iba.

Bulate sa Ilalim ng Lupa: Lulid (Ilonggo)

Sa ilalim ng kabilugan ng buwan, may mapapakinggan na tunog ng tulad sa biik. Ang mga lulid o lolid ay isang nilalang na pinaniniwalaang alaga ng mga engkanto at ayon sa lumang paniniwala ng mga Ilonggo, ang wangis nito ay pinagsama-samang biik, bulate, at sanggol. Mayroon itong mahabang nguso at maputlang kulay. Ang sukat naman nito ay sinlaki ng bagong panganak na biik. Namumuhay ito ng tulad ng mga bulate sa ilalim ng lupa at ang sinumang gumambala sa tahanan nito ay dadapuan ng malubhang karamdaman.

Isdang may Dalawang Buntot: Mambubuno (Zambales)

Bago pa man makilala ng mga Pilipino ang “sirena”, may mahiwagang nilalang na ang nagpasalin-salin sa bigbig ng mga Zambal (isang grupo ng katutubo sa Zambales). Sa mga tubig-tabang tulad ng ilog at batis, pinaniniwalaang nananalagi ang mga Mambubuno. Sila ay natatangi mula sa ibang nilalang sa tubig dahil mayroon silang dalawang buntot. Ang mga lalaking Mabubuno ay may buntot na nababalutan ng maitim, magaspang, at madulas na kaliskis na nagbibigay sa kanila ng akakatakot na presensya. Sa kabilang banda, ang buntot ng mga babaeng Mambubuno ay mayroong mas matingkad na kulay, maliwanag, at kumikinang na mga kaliskis na parang kristal na nasinagan ng araw. Mula ulo hanggang bewang, sila ay kawangis ng tao na kasing edad ng kabataan. Sa kabila ng kanilang kaaki-akit at matalinhagang hitsura, hindi nila naitatago ang amoy ng lansa, na siyang nagsisilbing babala sa sinumang maaakit sa kanila. Ang sinumang lumapit sa teritoryo nito ay handa silang makipagbuno gamit ang pambihira nilang lakas.May kakayahan din silang makapang-akit gamit ang kanilang tinig ng kanta at panaghoy. Bukod pa rito, mayroon silang kakayahan na manipulahin ang oras– ang isang araw na ginugugol sa ilalim ng tubig nito ay katumbas ng isang taon sa lupa.

Halimaw ng Luzon: Mantruculan (Tagalog)

Isang nilalang na kasing laki ng normal na tao ang kinatatakutan sa Luzon. Ang Mantruculan ay isang nilalang na may kahindik-hindik na mukha, matalas na kuko, at mahabang buhok. Ayon sa mga alamat, hinahabol ng nilalang na ito ang mga buntis upang kainin ang fetus sa loob ng sinapupunan ng biktima nito. May mga kwento rin na binubuntis nito ang mga birhen atsaka iiwan at babalikan makalipas ang ilang buwan, upang kainin ang sarili nitong itlog.

Multong Di Matahimik: Pasatsat (Pangasinan)

Noon pa man, may mga nilalang ng hindi matahimik lalo na iyong mga namatay sa isang trahedya. Isang nilalang sa Pangasinan ang tinatawag na Pasatsat, ayon sa lumang paniniwala sila ang mga pumanaw sa isang kalunos-lunos na pangyayari at kung makikita sila, ito ay walang mukha o paa, isang nilalang na nakabalot lamang sa pamalisan o banig. Karamihan sa mga nagmumultong ito ay pumanaw noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan marami ang namatay ngunit dahil mahal ang kabaong, sila ay binalot na lamang. Pinaniniwalaang madalas silang magpakita sa mga taong mag-isang naglalakad sa kagubatan man at maging sa mga kalsada o malapit sa mga lumang lugar kung saan naganap ang digmaan. Hindi ito agresibo o marahas na nilalang, ngunit kung sakaling makatagpo ka nito, dapat mo itong saksakin ayon sa mga kwento. Walang dadanak na dugo kapag ginawa mo ito subalit lalabas ang mahabo at nabubulok na amoy ang malalanghap. Ito ang pinaniniwalaang huling hininga ng kanilang espiritu— nagsisilbing pagpapalaya dahil sa wakas naabot na ang kapahingahan.

Ang Sarimao (Bikol)

Sa mitolohiya ng Bicol, ang nilalang na Sarimao ay inilalarawan bilang isang hayop na kahawig ng pinaghalong leon at baboy-ramo na may mga sungay. Isa itong mabangis at mapangwasak na halimaw subalit ang katumbas nila sa tao ay yaong dumanas ng kawalang ng katarungan at piniling illagay ang batas sa kanilang kamay. Ito ay dahil tinutugis ng mga sarimao ang mga gumagawa ng masama.

Katakot-takot na Tigbanua (Bagobo)

Sa alamat ng mga Bagobo, mayroong nilalang na itinuturing na pinakamasama sa lahat ng buso (dark spirits). Ito ang Tigbanua, isang matangakad na nilalang na may payat na pangangatawan, may isang mata na kulay pula o dilaw, at mahabang leeg na maaaring umikot para makita ang kanyang nasa likuran. Matutulis ang ngipin nito at ang ilong ay pango. Mayroon din silang dambuhalang mga paa at ang kanilang balat ay natatakpan ng dumi. Isa silang hindi pangkaraniwang nilalang na ayon sa paniniwala ay mas nais nilang manatili sa mga gubat, kuweba, o mabatong lugar. Ayon pa sa mga kwento, ang mga Tigbanua ay grupo-grupo kung nangangaso ng mga biktima, kung saan ginagamit nila ang mahahabang mga kuko para paslangin ito. Subalit sa kabila ng nakatatakot nitong kalikasan, sinasabing kinatatakutan nito ang mga aso.

Marami pang ibang nilalang ang matatagpuan sa mayamang mitolohiya ng Pilipinas. Ang mga nilalang na ito, halimaw man o multo, ay bahagi ng identidad nating mga Pilipino. Ang ilan ay magkakaugnay habang ang iba naman ay magkakaiba. Subalit sa huli, iisa lang ang pinupunto ng mga mitolohiyang ito: ang ating bansa ay mayroong malalim na kultura at sumasalamin ito sa ating pagkakakilanlan. Kaya naman sa kabila ng mabilis na pagbabago ng mundo, huwag nating kalimutan ang mga aral na patuloy na binubulong ng mga mito.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...