Kaya siguro mahal magmahal, dahil hindi dapat mura ang pagmamahal

Masasabi kong musmos pa lamang ako nang una kong maranasan ang pinakamahal na uri ng pagmamahal. Hindi dahil naiintindihan ko na noon ang halaga ng pera—wala pa nga akong kamalay-malay sa salitang “mahal.” Ang alam ko lamang ay kapag ako’y umiyak, may bubuhat; kapag ako’y nagutom, may magpapakain; kapag ako’y natulog, may magbabantay. 

Hindi ko alam noon na ang bawat pagpupuyat, bawat pagod, at bawat sakripisyong iyon ang isa sa mga naging patunay ng halaga ng pagmamahal.

Marahil kaya iisa lamang ang salitang ginagamit natin para sa “love” at “expensive.” Sapagkat ang tunay na pagmamahal ay hindi sinusukat sa presyo, ngunit palagi itong may halaga. May ipinapalit. May isinusuko. May isinasakripisyo.

Ang pagmamahal ay mahal dahil may halaga, hindi dahil kailangan itong ikapahamak.

Hindi siya katulad ng madalas na ipinapalabas sa mga pelikula, na sapat nang may isang nagmamahal habang walang pakialam ang isa. Hindi rin siya nasusukat sa materyal na luho o sa pera, na para bang titibok ang bawat pintig ng puso ko basta’t sampalin mo ako ng milyon-milyong salapi, bahay, lupa, kotse, at mga alahas. Hindi rin siya ang ginawang pagkitil ni Romeo sa sariling buhay alang-alang kay Juliet. At lalong hindi siya ang pagmamakaawa ni Ginny kay Marco makalipas ang apat na taon dahil umaasa pa rin siyang sapat pa ring dahilan ang isang lumang liham upang muling mahalin.

Mas lalong hindi pagmamahal ang piliing manatili sa taong gabi-gabi kang binubugbog at pinagbubuhatan ng kamay. Hindi ito ang unti-unting pag-ubos sa buong kaluluwa upang patuloy na mahalin ang isang taong paulit-ulit kang binibigo at sinasaktan. Hindi rin pagmamahal ang pagbabago ng iyong sarili—mula sa iyong anyo, kilos, personalidad, hanggang sa paraan ng iyong pananalita—para lamang maging katanggap-tanggap sa mata ng taong pinili mong mahalin. At hindi rin ito ang manatiling nakakulong sa loob ng aparador o sa anino dahil ayaw kang ipakilala ng taong mahal mo sa buong mundo.

Hindi ganito ang mukha ng pagmamahal. Hindi ito dapat hinihingi, ipinagmamakaawa, o ipinagpapalit kapalit ng sariling dignidad. Hindi ito dapat ipinagsisiksikan sa pusong matagal nang nagsara ng pinto nito.

Sapagkat kung may isang bagay na natutunan ko tungkol sa pagmamahal, hindi kailanman nito hihilingin na maging mas maliit ka para lamang magkasya sa buhay ng iba. 

Ang pagmamahal ay nasa iba’t ibang wangis. Marahil ay nasa kantang isinulat para sa’yo nang walang pag-aalinlangan, hindi lang upang mapahanga ka, kundi upang ipaalam kung gaano ka kahalaga. Marahil ay nasa isang daang tulang maingat na inihabi ng isang taong matagal nang humahanga sa’yo. Minsan, nasa simpleng pag-alala sa paborito mong pagkain, sa eksaktong timpla ng iyong kape, o sa paraan ng iyong pagtawa. Maaari rin itong matagpuan sa pagluluto araw-araw para sa kaniya kahit hindi niya ito hilingin, o sa tahimik na pag-aantay sa iyong pag-uwi upang matiyak na ligtas ka.

May mga pagkakataon din na ang pinakamahal na paraan ng pagmamahal ay ang piliing pakawalan ang isang taong lubos mong minahal. Hindi dahil kulang ang pagmamahal, kundi dahil sapat na ito upang hindi maging tanikalang magkukulong sa pangarap niya. Sapagkat may mga pagmamahal na hindi sinusukat sa haba ng pananatili, kundi sa tapang ng pagpapalaya.

Marahil kaya iisa lamang ang salitang ginagamit natin para sa “love” at “expensive.” Hindi dahil ang pagmamahal ay dapat pagbayaran, kundi dahil hindi ito kailanman libre. Palagi itong may halaga. May oras na ibinibigay, may tiwalang ipinauubaya, may pangarap na isinasantabi, at may mga pagkakataong kapakanan ng sarili ang kusang isinusuko.

Ngunit ang tunay na pagmamahal ay hindi kailanman sisingil ng iyong dignidad, katotohanan, mga pangarap, pati ang iyong pagkatao. 

Marahil kaya “mahal” ang tawag natin dito, dahil ang pagmamahal ay hindi kailanman dapat maging mura.

8 Votes: 7 Upvotes, 1 Downvotes (6 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...