
Zyra Marie Patosa
Sa ikatlong araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte nitong Hulyo 8, sumalang sa cross examination ang unang testigo ng prosecution na si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung kaugnay ng mga paratang na grave threats laban sa Bise.
Ito ay matapos ang mainit na pagtalakay noong Hulyo 7 kung saan ipinresenta ng House prosecution panel ang mga authenticated video ng mga pahayag ni Duterte na naglalaman ng banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos, First Lady Liza, at Rep. Martin Romualdez
Pokus kanina ang hearing sa pagsusuri sa kredibilidad ng mga digital forensic evidence na inilapag ng NBI, at kung ang mga ito ba ay sapat na basehan upang ituring na impeachable offense.
Mga kakulangan sa imbestigasyon ng NBI
Binigyang-diin ng panig ng depensa ang mga umano’y malalaking pagkukulang sa ginawang imbestigasyon ng NBI, na nagresulta sa pagpapabalik ng Department of Justice (DOJ) sa kanilang unang ulat noong nakaraang taon.
Sa pagpapatuloy ng cross-examination, lumutang na walang affidavit mula sa mismong nag-record ng online press conference ng Bise Presidente o mula sa mga mamamahayag na naroon sa nasabing briefing.
Bukod dito, kinwestyon ng depensa ang kawalan ng malinaw na chain of custody sa mga digital file, lalo na ang paggamit ng DVD sa halip na orihinal na raw file, at ang kawalan ng sinumpaang salaysay mula sa taong gumawa ng video transcripts.
Inamin din ni Calilung na hindi siya personal na dumalo sa press conference at napanood lamang niya ito online kinalaunan, pero paliwanag niya, nagsagawa ang kanilang ahensya ng motu proprio investigation, o sarili nitong inisyatibo, kaugnay ng mga kinasasangkutang banta ni Duterte.
Punto naman ng depensa, wala pa ring anumang korte ang naglalabas ng hatol na nagpapatunay na guilty ang Bise sa pagbabanta o anumang grave threats.
Dagdag pa rito, nabunyag na hindi inimbestigahan ng NBI ang mga banta sa buhay ni Atty. Zuleika Lopez, ang Chief of Staff ni Duterte, na noon ay nasa kustodiya ng Kamara dahil sa contempt.
Pagsusuri sa video at AI claims
Bukod pa roon, kinuwestyon ni Senator-judge Raffy Tulfo si Calilung kung paano nito natiyak na hindi AI-generated ang video ng press briefing ni Duterte noong November 23, 2024.
Iginiit ni Calilung na sapat ang kanyang karanasan at pagsasanay sa cybercrime investigation at binigyang-diin niya na ang nasabing video clip ay may habang dalawang oras at hindi lamang ilang segundo, na ayon sa kanya ay indikasyon na hindi ito produkto ng AI.
Depensa: Hindi sapat ang ebidensya at political harassment
Sa panig ng depensa, ipinagdiinan ni Atty. Mark Vinluan na ang mga inihayag na video at testimonya ay hindi maituturing na sapat na pruweba ng pagkakontrata ng isang assassin o hitman.
“Trying to prove these threats narrative using a hotspot of materials is a waste of this honorable courts’ time and the Filipino people’s money,” saad ni Vinluan.
Ayon pa sa kanya, ang mga pahayag ni Duterte ay hindi isang pormal na plano kundi pagbawi lamang o pagdepensa sa sarili laban sa mga umano’y sunod-sunod na pangha-harass at unauthorized intelligence surveillance operations ginagawa ng pamahalaan laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
“When VP Sara utter those words, she was not responding as Sara Duterte the Vice President but Sara Duterte the wife, mother, daughter, and sister who only sought to protect her own and her family members’ life. VP Sara became the target of unauthorized intelligence in surveillance operations by government operatives that expose her family to high level risks in security threats, thereby causing intense trauma, and uncontrollable fear,” aniya.
Panawagan para sa bilis at kaayusan ng pagdinig
Dahil sa haba at bagal ng pagtalakay sa mga teknikalidad, nagpahayag ng panawagan si Senator-judge Bam Aquino sa magkabilang panig na gawing mas “straight to the point” ang susunod na mga pagdinig.
“Alam ko pong may kanya kanya tayong estilo, may kanya kanya tayong strategy, so ito naman po ‘di ho namin po idikta sa inyo. Can we have a proceedings that will go straight to the point para makapag-desisyon din po tayo ng maayos?” pakiusap ni Aquino.
Sa kabilang banda, inihalintulad ni Presiding Officer Francis Escudero ang takbo ng impeachment trial sa isang diesel na mabagal sa simula dahil sa mga pag-aayos ng teknikalidad at pagsusukat ng magkabilang panig sa kanilang mga argumento. Gayunpaman, inaasahan niyang mas bibilis ang daloy ng susunod na mga pagdinig.
Bago tuluyang mag-adjourn, nagpasya ang korte na maglaan ng panahon bago ang susunod na pagdinig upang pag-usapan ang mga teknikal na isyu sa pag-subpoena ng mahahalagang dokumento tulad ng tax at bank records ni VP Duterte.
Samantala, sa susunod na linggo nakatakdang humarap sa Impeachment court sina NBI Regional Director Jeremy C. Lotoc sa Lunes, OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez sa Martes, at Legislative Security Bureau Executive Director Capt. Belinda Bello naman sa Miyerkules.