
Nang pumutok ang balita noong Hunyo 22, 2026 tungkol sa pamamaril ng dalawang estudyanteng menor de edad sa loob ng isang paaralan sa lungsod ng Tacloban, binalot ng alarma ang mamamayan sa bansa. Ang nasabing krimen ay nagdala ng hindi napapanahong kamatayan ng tatlong mag-aaral, dahilan kung bakit mas hinihimok ng nakararami na umaksyon ang mga kinauukulan.
Bilang tugon, inanunsyo ang pagbabawal sa paglalaro ng Gorebox, sapagkat napag-alamang isa sa mga suspek ay naglalaro nito kahit pa para lamang ito sa mga users na legal na ang gulang, pati na rin ang posibleng pag-ban ng social media para sa mga edad kinse pababa. Kapag naipatupad na ang mga panukalang ito, wala ng akses ang bawat isa, mapa-bata man o matanda, sa paglalaro ng nabanggit na aplikasyon, samantalang ang paggamit ng social media ay magiging eksklusibo na para sa edad 16 pataas.
Sa kabila ng lahat, ang pag-ban ng nasabing video game at pagbabawal sa paggamit ng social media nga ba ang pinaka-epektibong solusyon para sa problema?
Marahil maaari itong magbigay ng pansamantalang katiwasayan at seguridad para sa karamihan; ngunit ang ginhawang dala nito ay mayroong kakambal na konsikuwensyang nakaligtaang bigyang pansin ng mga mambabatas—ito ang unti-unting pagkakasakal ng mga kabataang punterya ng mga inihaing interbensyon.
Una sa lahat, hindi nasusugpo ng simpleng pag-ban at pagbabawal ang ugat ng karahasang namumutawi sa kabataan sapagkat hindi naman sa mga laro at social media nagsisimula ito. Bago pa man makipagsalamuha ang mga bata sa kani-kanilang eskwelahan, nanggagaling at umuuwi sila sa kani-kanilang mga tahanang humuhubog sa kanilang indibidwal na paglaki at pag-iisip. Hinggil dyan, hindi maipagkakailang responsibilidad ng mga magulang ang kanilang mga anak, lalong-lalo na kung menor de edad pa ang mga ito. Hindi nila dapat hinahayaang maglaro ang mga bata ng mga larong hindi pa naman angkop sa kanilang edad sapagkat mahalagang tungkulin na magabayan nila ang kabuuan ng isang bata lakip na ang impormasyong kinokunsumo nito.
Kahit pa ilang libong video games ang i-ban, hinding-hindi pa rin masusugpo ang problema sapagkat malaki pa rin ang pagkukulang ng mga magulang sa paggabay ng kanilang mga anak
kung ano ang dapat at hindi dapat nilang tangkilikin. Mas mapapalago lamang ng pag-ban ang kanilang kapabayaan sapagkat mas nagiging kampante na silang hindi na maaakses ng kanilang anak ang mga rated 18+ na video games.
Hindi naman pwedeng palagi na lang mag-ban nang mag-ban habang ini-etsapuwera ang pagkukulang ng mga mas nakatatanda upang mapaayos ang moralidad at kabuuan ng isang bata, sapagkat hangga’t mayroong mga magulang na hindi kayang gabayan ang kanilang mga anak, patuloy pa rin ang posibilidad ng krimeng kayang gawin ng isang tao kahit musmos pa ang edad. Hindi man palaging nakaangkla ang realidad sa kasabihang “kung anong puno, siya ring bunga”; may katotohanan naman ang mga katagang “bahagi ang ugat sa kahihinatnan ng bunga.”
Isa pa, magsisilbing panakip-butas lang din ang ipatutupad na pag-ban kung ang pag-alalay sa kaisipan ng mga kabataan ay hikaos pa rin. Nakapanghihinang 1 lamang sa 200,000 Pilipino ang psychiatrist, dahilan kung bakit kapos pa rin ang bansa sa mga mental health interventions na aktibong naisasagawa sa mga paaralan. Imbes na maghanap ng bara-barang na solusyon, sana ay tinitingnan muna ang kasalatan ng suporta upang mas malalim ang impluwensiyang lumaking maayos ang bawat batang Pilipino.
Kung tutuusin, hindi naman talaga dapat sisihin ang makabagong teknolohiya sa mga problemang nasosolusyonan na sana sa tahanan pa lang. Naitalang 9 sa 10 kabataang Pilipino ang gumagamit ng online spaces araw-araw, sinasalamin kung gaano kalaki ang pangangailangan ng mga kabataan sa social media ngayon. Mukhang nasa panahon pa rin kasi ng kopong-kopong ang mga politiko dahil hindi man lang sumagi sa isip nila na online apps ang nagiging sandigan ng mga mag-aaral ngayon para sa group projects, activities, o alternative delivery mode.
Sa ganitong kalakaran, ang mga magulang ang dapat gumagabay sa kanilang mga anak, at hindi isinisisi ang kapabayaan sa mga pagbabagong matagal na nating tinanggap.
Nararapat malaman ng mga senador na ang pagbabawal sa mga naturang aplikasyon ay hindi susugpo sa tunay na problema, bagkus bubuo lamang ng panibagong dagok dahil imposibleng walang mahanap na alternatibong aplikasyon ang mga kabataan sa panahon ngayon. Hindi ban ang kailangan, kundi ang paghihigpit ng mga regulasyon sa cybersecurity ng bansa.
Kaakibat ng pagba-ban ay ang pagtutulak sa kabataan upang humanap ng iba pang paraan upang ma-akses pa rin ang mga ipinagbawal na games or apps kagaya na lamang ng paggamit ng mga Virtual Private Networks (VPN) at marami pang iba na maaaring maging daan upang umabot sila sa mga ilegal na website o hindi kaya’y “dark web.” Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na delikado ito lalong-lalo na para sa isang batang madaling biktimahin; sa halip na maprotektahan sila’y, mas napapalapit pa sila sa kapahamakan.
Bagama’t nagawa na ng Australia ang social media ban sa mga 15 taong gulang pababa sa kanilang bansa, hindi ibig sabihin nito na konkretong aksyon ito para sa Pilipinas. Naging malaking problema sa kanila ang mga fake age declaration na sinamantalang lagpas kalahati ng kabataan sa kanilang bansa. Kung nagawa sa kanila, mas lalong mababaluktot sa atin ang sistema lalo na’t pumapangalawa tayo sa social media usage sa buong mundo—patunay na isang butas na lunas ang iniisip ng gobyerno.
Samakatuwid, panandaliang ginhawa lamang ang dala ng pag-ban ng video games at pagbabawal sa paggamit ng social media. Sa katagalan, unti-unti itong magiging pugad upang mag-dala ng panibangong problema at magpalala sa lamat ng sistemang tumatanggi sa pagbabago.
At sa puntong sa kabataan lamang umaabot ang galamay ng mga regulasyon, marahil oras na ring tanungin kung kaninong kapakanan nga ba ang pinapabuti, kinokonsidera, at pinapadali nito?