
Orlando Liwag
Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na mas ligtas ang bansa ngayon sa kabila ng mga naiuulat na insidente ng krimen nitong mga nakaraang araw, matapos makapagtala ng 20.6% na pagbaba sa mga focus crimes sa bansa.
Batay sa ulat ng PNP, bumaba sa 7,883 ang mga insidente ng mga krimen—kabilang ang murder, rape, carnapping, homicide, robbery, theft, at physical injury—mula Abril 6 hanggang Hulyo 4, 2026, kumpara sa 9,506 na kaso noong naunang tatlong buwan.
Ang malaking pagbabang ito ay naitala kasunod umano ng paglunsad ng Safer Cities Initiative ng pamahalaan.
Ayon sa ahensya, ang susi sa pagbaba ng mga malalaking krimen ay ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa.
Kasabay ng pagbabang ito, mahigit 2.28 milyong indibidwal ang inaresto o sinita dahil sa paglabag sa mga ordinansa, na tumaas sa mahigit 505,500 kumpara sa naunang tatlong buwan.
“Maganda ang ipinapakita ng datos, pero hindi rito nagtatapos ang ating trabaho,” pahayag ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
“Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung mas ligtas at mas kampante ang ating mga kababayan sa kanilang mga komunidad,” dagdag niya.
Binigyang-diin ng hepe ng pulisya na ang pag-iwas sa krimen ay kasinghalaga ng pagpapatupad ng batas at malaki ang papel ng mamamayan upang mapanatiling ligtas ang lipunan.
“Kapag may disiplina, may presensya ng pulis, at may aktibong komunidad, mas maliit ang pagkakataon para makagawa ng krimen,” pahayag ni PGen Nartatez.
Tiniyak din niya na ang bawat operasyon ng pulisya ay mananatiling makatarungan at may paggalang sa karapatang pantao.
Ang Safer Cities Initiative ay inilunsad noong Abril 6, 2026 sa ilalim ng Department of Interior and Local Government.