Kung paano makaKABUTE ang Mycelium Packaging sa kalikasan at kinabukasan

Cervy Ramos

Mula sa mga plastic bag na bumabara sa estero hanggang sa mga sachet na inaanod sa karagatan, matagal nang bahagi ng suliraning pangkapaligiran ng Pilipinas ang plastik na basura. Sa kabila ng mga pagbabawal sa single-use plastics at mga kampanya para sa recycling, patuloy pa rin itong dumarami na siyang nakaaapekto sa mga landfill, ilog, at dagat.

Mula sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), tinatayang mahigit 2.7 milyong tonelada ng plastik na basura ang nalilikha ng Pilipinas bawat taon. Sa dami ng basurang ito, kabilang ang bansa sa mga pangunahing pinagmumulan ng marine plastic pollution sa buong mundo. 

Ang mga plastik na hindi maayos na nakokolekta ay napupunta sa mga daluyan ng tubig at kalauna’y sa karagatan, kung saan nagdudulot ang mga ito ng panganib sa yamang-dagat at maging sa kalusugan ng tao.

Dahil dito, patuloy na naghahanap ang mga siyentista ng mga materyal na maaaring pumalit sa plastik nang hindi nagsasakripisyo ng kalidad at gamit. Isa sa mga teknolohiyang nakakuha ng pansin sa mga nakaraang taon ay ang mycelium packaging, isang uri ng biodegradable packaging na nagmumula sa ugat ng pinong hibla ng isang kabuteng naihahanay sa pamilya ng mga fungi. 

Bagama’t kabute ang karaniwang nakikita sa ibabaw ng lupa, hindi ito ang bahaging ginagamit sa paggawa ng packaging. Ang mahalagang bahagi ay ang mycelium o ang mala-sinulid na network ng fungi na nagsisilbing ugat nito.

Sa kalikasan, responsable ang mycelium sa pagpapabulok ng organikong materyal at pagre-recycle ng mga sustansiya sa lupa. Ngunit bukod sa papel nitong ekolohikal, natuklasan ng mga mananaliksik na maaari din itong magsilbing natural na pandikit na nagdurugtong sa iba’t ibang hibla ng halaman. 

Sa pamamagitan ng prosesong ito, nagiging posible ang paglikha ng matitibay ngunit biodegradable na materyales na maaaring gamitin sa packaging.

Nagsisimula ang paggawa ng mycelium packaging sa mga agricultural byproducts tulad ng dayami, ipa, corn husks, sup, at iba pang hibla ng halaman. Ang mga materyales na ito ay inilalagay sa isang kontroladong kapaligiran at pinapatubuan ng naturang kabute.

Habang lumalaki ang fungi, kumakalat ang mga hibla nito at unti-unting pinagdurugtong ang mga agricultural waste. Sa loob lamang ng ilang araw, nabubuo ang isang solidong istruktura na maaaring hulmahin ayon sa nais na disenyo.

Kapag sapat na ang paglaki nito, pinatutuyo ang materyal upang ihinto ang biological activity ng fungi. Ito ay nagreresulta sa isang magaan ngunit matibay na pambalot na may kakayahang protektahan ang iba’t ibang produkto laban sa pagkabasag o pagkasira. 

Sa ilang pag-aaral, napatunayan ding may kakayahan ang mycelium packaging na sumipsip ng impact o puwersa mula sa pagbagsak, dahilan upang maikumpara ito sa styrofoam pagdating sa protective packaging.

Partikular na mahalaga ang teknolohiyang ito sa Pilipinas dahil sa dalawang suliraning sabay nitong maaaring tugunan: ang problema sa plastik na basura at ang hindi ganap na paggamit sa agricultural waste.

Bilang isang bansang agrikultural, marami ang nalilikhang dayami, ipa, bao, at iba pang byproducts mula sa pagsasaka. Sa maraming pagkakataon, ang mga ito ay itinatapon lamang o sinusunog matapos ang anihan.

Kung gagamitin bilang pangunahing sangkap ng mycelium packaging, maaaring magkaroon ng bagong halaga ang mga materyales na ito. Sa halip na maging basura, maaari silang maging bahagi ng isang industriyang nakabatay sa mga likas-kayang materyales.

Mahalaga rin ito dahil karamihan sa mga kagamitang kinakailangan sa paggawa ng mycelium packaging ay madaling matagpuan sa bansa. Hindi tulad ng ilang teknolohiyang nangangailangan ng mamahaling inaangkat na hilaw na materyales, nakabatay ang mycelium packaging sa mga yamang tinataglay nito.

Sa ganitong paraan, hindi lamang nito mababawasan ang plastik na basura kundi maaari din itong lumikha ng bagong oportunidad para sa mga lokal na magsasaka at maliliit na industriya.

Bagama’t kapansin-pansin ang potensiyal ng mycelium packaging, mayroon pa rin itong mga limitasyon. Mas mahal pa rin ang produksyon nito kumpara sa ilang uri ng tradisyonal na plastik. Kailangan din ng mas maraming pananaliksik upang mapahusay ang tibay nito laban sa tubig at iba pang kondisyon sa kapaligiran.

Mayroon ding hamon sa malawakang produksyon. Habang mabilis gawin ang plastik sa mga pabrika, nangangailangan pa rin ng panahon ang paglaki ng mycelium upang mabuo ang packaging material.

Gayunpaman, patuloy ang pag-aaral at pagpapaunlad ng teknolohiyang ito sa iba’t ibang bansa. Habang tumitindi ang panawagan para sa mas napapanatiling alternatibo sa plastik, nakikita ng maraming eksperto ang mycelium bilang isa sa mga materyal na may malaking potensiyal sa hinaharap.

Hindi man nito agad masosolusyunan ang krisis sa plastik na basura, ipinapakita ng mycelium packaging na may mga alternatibong maaaring magmula mismo sa kalikasan.

Sa isang bansang patuloy na nakikipaglaban sa polusyon sa karagatan at pagdami ng plastik na basura, mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga teknolohiyang hindi lamang nakababawas ng basura kundi gumagamit din ng mga materyales na mayroon na sa paligid.

Maaaring sa ngayon ay hindi pa handa ang mycelium packaging na tuluyang palitan ang plastik, ngunit ipinakikita nito na posible ang isang hinaharap kung saan ang mga tirang dayami, ipa, at iba pang agricultural waste ay hindi na basta itinatapon. Sa halip, maaari silang maging susi sa paglikha ng mas malinis at mas napapanatiling sistema ng packaging.

Kung magpapatuloy ang pag-unlad ng teknolohiyang ito, maaaring ang susunod na hakbang laban sa plastik na basura ay hindi manggagaling sa mga pabrika ng petrolyo, kundi sa tahimik na pag-usbong ng isang kabute.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...