Mag-aaral, manggagawa dismayado sa 1K “Libreng Sakay” sa Cebu

Explained PHNews11 months ago

Photo Courtesy of PhilStar/Rappler

Kriztelle Sitoy

Nadarama ng mga estudyante at trabahador ang pangamba at inis matapos mailunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang Libreng Sakay sa rutang Urgello–Parkmall (01K).

Imbis mapagaan ang pamasahe, reklamo ang inabot dahil hindi humihinto, tumatambay sa terminal, o “nagtatago” ang ilang bus tuwing oras ng dagsa ng pasahero.

Inumpisahan noong Hulyo 23, ang programa ay nagtalaga ng 100 na Modern Public Utility Jeepney (MPUJ) para maghatid ng tinatayang 20,000 pasahero araw-araw nang walang bayad at may kalakip itong ₱350,000 kada araw na subsidiya mula sa pondong ₱150 milyon upang suportahan ang kita ng mga operator.

Ngunit ayon kay Konsehal Winston Pepito, hepe ng Committee on Transportation ng Cebu City, parami nang parami ang mga reklamo.

“Sa halip na libre, naging doble — doble hassle, doble pamasahe,” aniya noong Agosto 15, matapos mabalitaan ang mga pasaherong napipilitang maghabal-habal o sumakay muli sa regular na 01K jeep dahil palaging isinasantabi ng ilan ang pila.

Reklamo ng pasahero

Sa pila malapit sa Southwestern University PHINMA, ibinahagi ng second-year student na si Aimee Galan ang kanyang pagkadismaya:

“Maka-disappoint, free na unta siya nga sakay nya mukalit ra silag palusot na mangaon sila and itunong pa gyud sa oras nan libreng sakay… Nya makit-an namo sila nagtambay sa kilid.”
(Nakakadismaya, libre na nga sana, bigla pa silang may palusot na kakain daw at sinasabay pa talaga sa oras ng libreng sakay, tapos makikita namin silang nakatambay sa gilid.)

“Okay ra rabag kausa ra to nahitabo, permi jud sha… Nya sa kana nga day, okay ra kung usa ka bus ang mubalibad namo… Na kay gasunod sila mu-dili sa amua… Mao nang nakabantay mi na naa jud sayop.”
(Ayos lang sana kung minsan lang nangyari, pero palagi. Kung isang bus lang ang tatanggi, puwede pa, pero kung sunod-sunod, malinaw na may mali.)

Para naman sa pasaherong si Kris Ann Cartagena, unti-unti nang nauubos ang kaniyang pasensya.

“Makasabot man mi… Pero usahay, makalagot na jud kay mapugos nalang mi musakay sa 01K na jeep kay unavailable an bus kay tungod sa mga alibi nan mga driver.”
(Naiintindihan namin minsan, pero nakaka-inis kapag palagi. Napipilitan kaming sumakay sa regular 01K jeep dahil hindi available ang bus, puro dahilan ang mga driver.)

Dagdag niya pa niya na dapat bigyang-pansin ito ng pamahalaan.

“It is a call for the government talaga to monitor. Wala ta kabalo kung sakto ba ang nadawat na trato ng ato mga drivers, pero in this situation, the frustration of commuters are needed to be considered.”
(Panawagan ito sa gobyerno na bantayan ang programa. Hindi rin natin alam kung tama ang trato sa mga driver, pero dapat isaalang-alang ang hinanakit ng mga pasahero.)

Butas sa Implementasyon

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)-7 Director Eduardo Montealto Jr., ang mga unit ay naka-track sa GPS upang masubaybayan kung natapos na ba ang nakatakdang biyahe.

Bukod pa rito, hinikayat din niya ang mga pasahero na magsumite ng pormal na reklamo upang mapanagot ang mga lalabag.

Samantala, ilang tsuper ang nagsasabing kulang ang motibasyon dahil nakapirmi ang bayad mula sa subsidiya kumpara sa kita bago pa ang programa, lalo na sa oras ng dagsa ng pasahero.

Para sa mga nakaranas ng serbisyong ito, malinaw ang agwat sa polisiya at implementasyon, may pondong inilaan at layunin sa papel, pero mahina ang pagbabantay sa kalsada.

Kung hindi mapapaigting ang programang ito maaaring babagsak ang tiwala ng publiko at masasayang ang pondo ng gobyerno.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...