Magkano ba talaga ang mabuhay sa Pilipinas?

Kilala ang Pilipinas sa mga Pilipinong abot-langit ang ngiti, mapupugay ang halakhak, at pusong marunong kumapit sa pag-asa kahit nasa gitna ng unos. Isa itong bayang marunong bumangon mula sa bawat kalbaryo at magpatuloy kahit halos maubos na ang lakas.

Ngunit may mga ngiting hindi isinilang sa saya, kundi sa pangangailangang magpatuloy. Mga ngiting nagsisilbing panangga sa pagod, pangamba, at pagkadismaya — mga ngiting natutong magkubli ng katotohanang hindi madalas nakikita. Sapagkat hindi lahat ng nakangiti ay maginhawa ang buhay.

Sa paglipas ng panahon, tila naging bahagi na ng pagka-Pilipino ang walang katapusang pakikipagsapalaran upang maitawid ang bawat araw. Sa usapin ng hanapbuhay, kita, at pagkakataong mabuhay nang may dignidad, ang pag-asa ay madalas isinasabuhay hindi dahil may katiyakan, kundi dahil wala nang ibang mapanghahawakan.

Araw-araw, sumasalubong ang kawalang-katiyakan sa kinabukasan ng milyun-milyong manggagawa. Mula bukang-liwayway hanggang lagpas hatinggabi, patuloy ang pagkakayod; ang mga kalyadong palad ay nagsisilbing tahimik na repleksiyon ng mga sakripisyong halos hindi na mabilang. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagod, nananatiling mailap ang katiyakan.

Hanggang kailan magiging sapat ang ngiti upang pagtakpan ang sistemang unti-unting kinakalimot ang mga taong dapat nitong paglingkuran? Hanggang kailan magpapatuloy ang mga pangakong hindi umaabot sa hapag-kainan ng karaniwang Pilipino? Sapagkat ang isang marangal na buhay ay hindi rapat ipinagkakait. Ang seguridad sa hanapbuhay ay hindi pribilehiyo para sa iilan, kundi karapatang nararapat na matamasa ng bawat mamamayan.

Sugal ang paghahanapbuhay

Hindi lahat ng may trabaho ay nakalalaya sa kahirapan. Marami pa rin ang patuloy na kumikilos ngunit nananatiling kapos; maraming nagbibigay ng buong lakas sa pagkayod ngunit hindi sapat ang kinikita nila. Sa pagitan ng kawalan ng trabaho at pagkakapos sa pera, marami ang patuloy na kumakapit sa anumang pagkakakitaan, hindi upang yumaman, kundi upang manatiling nakalutang sa agos ng pangangailangan sa araw-araw.

May trabaho, ngunit kulang ang kita. May kakayahan, ngunit walang oportunidad. May diploma, ngunit walang kasiguraduhan. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy na lumalawak ang bilang ng mga manggagawang nasa informal sector — mga trabahong walang kasiguruhan sa kontrata, legal na proteksiyon, at benepisyong panlipunan gaya ng social security. Sa pinakahuling datos, nadagdagan ng 177,000 ang bilang ng mga impormal na manggagawa, kaya umabot ito sa halos 20 milyon. Bumubuo sila ng 41% ng kabuuang bilang ng mga may trabaho sa bansa, kabilang ang mga self-employed, mga kasambahay, at mga nagtatrabaho sa sakahan o negosyong pinatatakbo ng pamilya. 

Hindi na bago na kumapit na lang ang Pilipinong manggagawa sa kung ano ang naihahain sa kaniyang harapan. Kahit nakasalalay na ang usaping kalusugan, kaligtasan, at katiyakan sa kinabukasan, ay itutuloy nila.

Sa pagsikip ng landas tungo sa marangal na hanapbuhay, mas maraming Pilipino ang napipilitang sumugal sa mga mapanganib na paraan ng pagkita. Dahil sa desperasyon at kakulangan ng ligtas at matatag na oportunidad, nagiging madali silang mabiktima o kaya naman ay mahikayat ng mga panlilinlang at pandarayang laganap sa social media. Hindi ito nalalayo sa katotohanang naitala ang 10,004 na reklamo kaugnay ng cybercrime noong 2024.

Kapag nagiging mailap ang seguridad sa trabaho, mas nagmumukhang lehitimo ang mga alok na nangangakong mabilis at madaling kita. 

Dahil dito, marahil ay maaari nating usisain ang ugat ng desperasyon. Ano ang nangyari sa mga pagkakataong dapat sana ay naging daan upang hindi na kailangang mamili sa pagitan ng gutom at panganib? 

Normal ang kumayod, hindi ang malugmok

Hindi na bago sa maraming Pilipino ang pagbabanat ng buto. Marami ang napapaisip kung saan sila nagkulang. Nagtapos ng kolehiyo nang may mga pangarap, ngunit nauwi sa trabahong walang kaugnayan sa kanilang pinag-aralan o kasanayan, hindi dahil iyon ang kanilang pinili, kundi dahil iyon na lamang ang natitirang pagkakataon. 

May 7.4 milyong manggagawa na nakabilang sa underemployment o may trabaho ngunit hindi nakahanay sa kanilang kahusayan o edukasyon. Humihina ang katatagan ng estado ng paggawa sa bansa na siyang pinapasan ng mga mamamayang patuloy na pinipili itawid ang araw-araw. Habang lumalala ang underemployment, lalo ring lumulubog ang maraming manggagawa sa mababang sahod, kawalang seguridad sa trabaho, at desperasyong maaaring magtulak sa kanila sa landas ng krimen.

Ang marangal na paghahanapbuhay ay dapat magbukas ng pinto tungo sa pag-unlad at hindi magtulak sa isang tao sa bingit ng pagkakautang, pagkabigo, at kawalan ng pag-asa.

Kasabay ng pag-alis ang pag-asa

Sa kabila ng ginhawang pinagkakait, nananatiling pinanghuhugutan ng pag-asa ang pangakong sa pagtuntong sa ibang bansa ay magsisimula ang pag-ahon ng buhay. Maraming Pilipino ang tila mas pipiliing kumita nang malaki para lang masustentuhan ang pamilya sa pamamagitan ng pag-alis bilang Overseas Filipino Worker (OFW), kaysa magtiis sa trabaho nila sa bansa na hindi na sapat upang sila’y mabuhay.

Pinakananganganib sa pang-aabuso ang mga Pilipinong domestic worker at entertainer, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW). Laganap ang mga kaso ng pagkumpiska ng cellphone at pasaporte, pagnanakaw sa sahod, at araw-araw na pisikal na abuso mula sa mga dayuhang amo. Humigit-kumulang 3,000 Overseas Filipino Workers (OFW) ang nahaharap sa mga kasong legal sa ibang bansa. Malubha rin ang human trafficking, na biktima ng tinaguriang ‘third-country recruitment’ na nagtutulak sa kanila mula sa legal na trabaho tungo sa ilegal na gawain.

Kahit pagsabayin pa ng isang desperadong Pilipino ang iba’t ibang hanapbuhay, sa umaga’y tagahugas ng pinggan, sa hapon ay umaako ng sandamakmak na labada, at sa gabi’y nagiging waiter sa club habang naglilinis ng dumi ng iba, tila kulang pa rin ang mga ito upang tumugon sa pangangailangan.

Maliban dito, kinikilala rin ang lumalalang suliranin ng brain drain, ang patuloy na pag-alis ng mga Pilipinong propesyonal upang maghanap ng mas maayos na oportunidad sa ibang bansa, na umabot ngayong taon sa 144,275 ang net emigration sa Pilipinas, kung saan kabilang sa pinakamalaking bilang ng mga umaalis ay ang mga propesyonal sa larangan ng pangangalagang pangkalusugan, engineering, at information technology (IT).

Sa bawat manggagawang umaalis, hindi lamang lakas-paggawa ang nawawala kundi pati ang kaalaman, husay, at mga inobasyong maaaring magtulak sa pag-unlad ng bansa. Sa halip na mapalakas ang lokal na ekonomiya at mga institusyon, patuloy na umaasa ang Pilipinas sa remittances ng mga manggagawang nasa ibang bansa. 

Unti-unti nitong kinikitil ang inaasahang pagdami ng bihasang manggagawa sa iba’t ibang larangan, mga susi sana sa pag-asenso ng bansa. Ang kakayahan, kapasidad, at pagkamalikhain ng Pilipino sa teknolohiya, medisina, inobasyon, at batas ay mas nahuhubog at napapakinabangan sa ibang bansa, kung saan mas tiyak ang pangako ng maayos na buhay at oportunidad na angkop sa pag-usbong. Ngunit sa oras na kinakailangan ng bansa ang kanilang kadalubhasan, siya namang nagkukulang dito. 

Samantala, kahit ang pagluwas sa ibang bansa ay isa pa ring pakikibaka, hindi lamang para sa kabuhayan, kundi para sa karapatan.

Matatag nga ang Pilipino, matalino’t malikhain upang makahanap ng daan sa gitna ng suliranin. Subalit hanggang kailan aasa sa tibay ng loob kung ang mismong sistema ay patuloy na kumakapit sa karapatan? Hanggang kailan magiging kampante na uunlad pa ang bansang hindi pinapahalagahan ang sariling sambayanan?

Hindi makatarungan ang sistemang hindi patas sa oportunidad, lalo na sa bayang umaasa. Ang tunay na lakas ng Pilipino ay hindi lamang ang mistulang pagtitiyaga at katatagan ng loob, kundi ang paninindigan na ang dignidad at karapatan ay hindi dapat isakripisyo para lamang maitawid ang ngayon.

Kung tunay na lakas ang paninindigan, dapat itong maging ugat ng pagbabago. Higit na dapat kilalanin ang bawat Pilipinong manggagawa sa kakayahang lumaban para sa patas na oportunidad, makataong kondisyon sa paggawa, at sistemang nagbibigay-halaga sa sariling sambayanan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...