
“Napakaraming guro dito sa amin ngunit bakit tila walang natira? Napakaraming nars dito sa amin ngunit bakit tila walang natira?”
Labing-anim na taon na ang nakalilipas nang isulat ni Gloc-9 ang mga linyang ito sa kaniyang awiting “Walang Natira” noong 2010. Pero ngayong 2026, masakit isipin na ganito pa rin ang Pilipinas. Buhay na buhay at duguan pa rin ang katotohanan sa likod ng kanta.
Taon-taon naman, libo-libong bagong propesyonal ang ipinapasa ng Professional Regulation Commission (PRC) matapos nilang lamuyutin ang malulupit na board exams. Pero bakit nga ba tila walang natira? Dahil bago pa man sila makapagsilbi sa sarili nating bayan, ipinagkait na agad ng pamahalaan ang sapat na oportunidad at makataong trato na dapat sasalubong sa kanila. Gobyerno ang nagtutulak sa kanila palabas at hindi dahil ayaw nilang magsilbi sa bayan.
Sahod na Pulubi
Kailan pa ba nakabusog ang salitang “bayani”?
Bilang isang estudyante, nakakatakot isipin ang kinabukasan ko sa mismong bansang kinalalakihan ko. Isang malaking sampal sa mukha matapos igapang ng mga magulang natin ang daan-daang libong piso para lang makatapos tayo, at sasalubongin lang tayo ng gobyero ng kakarampot na sahod.
Ayon mismo sa Executive Order No. 64, ang panimulang kita ng isang Teacher I ngayong 2026 ay ₱31,705 lang kada buwan. Hindi pa ito buong maibibigay sa mga guro sapagkat ito’y may kaltas pa ng buwis at kontribusyon. Hindi ko sinasabing maliit lang ang halagang ito para sa lahat. Subalit sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at bayarin, sapat ba ‘to para sa isang manggagawang may sariling pamilya at mga responsabilidad?
Nangangailangan tayo ng magsisilbi sa bayan, pero ang mga ordinaryong kawani ay tao rin. Sila ay nagugutom at may pamilyang binubuhay. Kaya kapag mas pinili nilang mangibang-bansa, huwag natin silang sisihin o sumbatan. Sila ay may karapatan para maghanap ng mas magandang oportunidad para sa kanilang sarili at pamilya. Hindi kawalan ng utang-loob ang tawag doon. Sa hihinaharap, kung ako naman ang papipiliin, sadyang mas pipiliin ko ring mabuhay nang maayos habang ginagamit ang propesyong pinaghirapan ko.
Numero Unong “Endo”
Bukod sa maliit na sahod, problema rin ang seguridad sa trabaho ang ilan nating mangagawa.
Isa rito ang tinatawag na “Job Order” o kontraktwal na trabaho. Sa ganitong uri ng trabaho, pansamantala ka lang. Walang benepisyo at pwedeng matanggal anumang oras kumpara sa mga taong regular. Ang nakatatawa rito, galit na galit ang gobyerno sa mga pribadong tindahan o kompanya na nagpapatupad ng “Endo.” Pero ang gobyerno mismo ang numero unong gumagawa nito sa sarili nitong mga empleyado.
Ayon sa datos ng Civil Service Commission (CSC) noong 2025, mahigit 919, 000 na Pilipino ang kontraktwal sa gobyerno. Sa bawat tatlong empleyado ng pamahalaan, ang isa ay walang permanenteng trabaho. Sa mabibigat na trabahong pinapasan ng bawat manggagawa, wala silang matatanggap na 13th-month pay, sick leave, at tulong kapag nagkasakit.
Ang mas nakakagigili pa rito, mayroon namang mahigit 157, 000 na permanenteng trabaho ang bakante at nakatiwangwang sa mga opisina. May pwesto naman pala para sa kanila, pero ayaw silang gawing regular. Bakit? Sapagkat uso ang “palakasan” o pagkakaroon ng kapit sa mga politiko. Ang mga permanenteng trabahong ito ay madalas na ibinibigay sa mga may kakilala sa itaas. Paano natin mapipilit ang mga bagong propesyonal na magsilbi sa bansa kung ang sariling pamahalaan natin ay itunuturing silang parang mga bagay na pwedeng itapon kapag wala nang pakinabang?
Itinuro ng Itaas
Mismong ang pangulo ng bansa ang tila nagsasabi sa mga Pilipino na iwanan ang Pilipinas. Noong Hunyo 2026, hinarap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pangulo ng Germany sa Malacañang. Sa halip na mag-alala sa pagkaubos ng ating mga eksperto, ipinagmalaki pa niya na maganda at masarap mabuhay sa Germany.
Hindi naman masama ang ipagmalaki ang mga magandang oportunidad sa ibang bansa. Perp bilang isang Pilipino, parang sinabi na rin ng pamahalaan na mas mabuti pang magtrabaho sa ibang bansa kaysa ayusin ang sarili nating sistema. Kaya hindi na kakatwa na sa sarbey ng OCTA Research nitong simula ng 2026, 57% o higit sa kalahati ng mga Pilipino ang gustong-gusto nang umalis ng bansa.
Napakasakit isipin na sa halip na itaas ang sahod ng ating mga propesyonal, ang gobyerno pa ang nagtuturo sa kanila ng pinto palabas.
Labing-anim na taon na ang nakalipas mula nang isulat ni Gloc-9 ang kantang “Walang Natira.” Nakapanghihina na hanggang ngayon, ito pa rin ang katotohanan. Kung ang tanging tugon ng pamahalaan sa pagkaubos ng ating mga manggagawa ay ang ituro na lang ang pinto palabas ng bansa, darating ang araw na tuluyan nang babagsak ang Pilipinas.
Kung gusto natin manatili ang ating mga mangagawa, bigyan natin sila ng dahilan para manatili. Ang pagmamahal sa bayan ay mahalaga, pero hindi dapat nito hinihinging kapalit ang kinabukasan ng bawat Pilipino. Hangga’t hindi binabago ng gobyerno ang karapatan na dapat matamasa ng ating mga mangagagawa, ang pangarap ng kabataang Pilipino ay hindi na ang magsilbi sa bayan, kundi ang tuluyan itong iwanan.
Aanhin natin ang mga pinuno kung wala na silang mamumunuan? Darating ang panahon na ang Pilipinas ay magiging isang bansa na lang ng mga iniwan.