
Sa karaniwang mamamayan, sapat na ang isang malaking pagkakamali upang mawalan ng oportunidad. Sa ilang pulitiko, tila hindi sapat ang magkakasunod na kontrobersiya upang mawalan ng puwesto. Habang dumarami ang usapin, lalong lumalabo ang tanong kung saan ba talaga nagtatapos ang pagtitiwala ng publiko at nagsisimula ang pananagutan.
Kung may loyalty card ang pulitika sa Pilipinas, marahil isa si Senador Jinggoy Estrada sa mga pinakamatagal nang miyembro nito. Sa bawat kontrobersiya, kaso, at pagbabalik sa pambansang entablado, tila nadaragdagan lamang ang puntos ng isang sistemang matagal nang pinapatakbo hindi ng pananagutan kundi ng pagkakakilala.
Nito lang Mayo 29, 2026, nagtungo si Estrada sa Sandiganbayan upang magpiyansa matapos maglabas ng warrant of arrest ang Second Division ng anti-graft court kaugnay ng isang kasong graft na may kaugnayan umano sa mga flood control project sa kaniyang panunungkulan bilang senador. Itinakda ang piyansa sa ₱90,000. Kasabay nito, nakabinbin din ang isang hiwalay na kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y daan-daang milyong pisong kickback mula sa mga proyektong imprastraktura. Sa papel, isa itong seryosong usaping legal. Ngunit sa mas malawak na konteksto ng pulitika sa Pilipinas, isa rin itong paalala kung gaano katatag ang ilang pangalan sa kabila ng paulit-ulit na alegasyon.
Hindi rin ito ang unang pagkakataong nadikit ang pangalan ni Estrada sa mga usaping may kaugnayan sa paggamit ng pondo ng bayan. Noong 2014, kabilang siya sa mga personalidad na kinasuhan kaugnay ng pork barrel scam na naglantad sa umano’y malawakang pang-aabuso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF). Naging bahagi siya ng mga pagdinig, paglilitis, at mga headline na minsang nagpasiklab ng panawagan para sa mas mahigpit na pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.
Kung uusisaing maigi, dito nagiging kakaiba ang pulitika ng Pilipinas. Sa maraming demokratikong nasyon, sapat na ang isang malaking iskandalo upang maging mabigat na pasanin sa isang kandidatura. Dito, tila nagiging bahagi lamang ito ng résumé. Nakulong, nakalaya, nakabalik. Naimbestigahan, nakatakbo, at naluklok. Para bang may hiwalay na bersyon ng pananagutan para sa mga kilalang apelyido. Isang bersyong mas mahaba ang pasensiya at mas maikli ang alaala.
Hindi ito usapin ng pagkakasala o kawalang-sala. Nasa hukuman ang pagdedesisyon doon at nararapat lamang na igalang ang due process. Ngunit ang eleksiyon ay hindi proseso ng korte. Hindi kailangang hintayin ng botante ang sintensya at hatol upang suriin ang kredibilidad ng isang kandidato. Ang pagboto ay hindi lamang pagtimbang sa legalidad kundi pati sa karakter, reputasyon, at kakayahang pangasiwaan ang pondo ng bayan nang walang mabigat na anino ng pagdududa.
Nilay-nilayin nating mabuti: ilan ba talaga ang sapat? Ilang kaso, imbestigasyon, pagdinig, o alegasyon ang kailangang maipon bago ito maging seryosong konsiderasyon sa halalan? Kung ang paulit-ulit na pagkakadawit sa mga usapin ng katiwalian ay hindi sapat upang magdulot ng pag-aalinlangan, ano pa at sino ang maaaring makagawa nito?
Mas nakababahala pa rito ang pagiging pamilyar ng lahat. Hindi na ito uri ng balitang nagdudulot ng pambansang pagkabigla. Isa na lamang itong dagdag na kabanata sa isang kuwentong matagal nang inuulit ng ating pulitika. Parehong mga pangalan. Parehong mga depensa. Parehong mga tagasuporta. At madalas, pareho ring resulta kapag sumapit na ang halalan.
Hindi rin maikakailang may bahagi ng responsibilidad ang kultura ng ating pagboto. Mas mabilis nating maalala ang apelyido kaysa ang kanilang pinagmulan. Mas madali nating makilala ang personalidad kaysa suriin ang kasaysayan. Sa isang sistemang malalim ang ugat ng pampulitikang dinastiya, hindi nakapagtatakang ang pamilyar na pangalan ay nananatiling mahalagang puhunan kahit paulit-ulit nang nasasangkot sa mga kontrobersiya.
Kung tutuusin, hindi lamang ito kuwento ni Jinggoy Estrada. Kuwento rin ito ng isang sistemang paulit-ulit na nagbibigay ng panibagong pagkakataon sa mga nasa kapangyarihan habang napakaliit ng espasyong ibinibigay nito sa pagkakamali ng ordinaryong mamamayan. Ang isang empleyado ay maaaring mawalan ng trabaho dahil sa isang paglabag. Ang isang estudyante ay maaaring mawalan ng oportunidad dahil sa isang pagkukulang. Ngunit sa ilang pulitiko, tila napakahaba ng credit line ng publiko.
At marahil iyon ang tunay na biro sa likod ng lahat. Hindi ang warrant, hindi ang piyansa, at hindi kahit ang panibagong kaso, kundi ang katotohanang sa kabila ng mga ito ay nananatiling bukas pa rin ang posibilidad ng panibagong termino. Magtira ka naman, Jinggoy. Hindi ng kaso o kontrobersiya, kundi ng kaunting dahilan para maniwala ang publiko na may hangganan pa rin ang kanilang pagpapatawad at may halaga pa rin ang pananagutan sa pulitika.
Sapagkat kung ang paulit-ulit na pagkakadawit sa mga kaso ay hindi sapat upang mabawasan ang tiwala ng publiko, marahil hindi na ang mga opisyal ang dapat nating suriin. Marahil ang mas dapat siyasatin ay ang kultura ng pagboto na paulit-ulit na nagbibigay ng bagong mandato sa mga paulit-ulit ding nasasakdal.