
Jhovance Alecxis Dajao
Hindi lamang ang mga bilihin ang naaapektuhan ng inflation, kundi pati na rin ang pag-ibig. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, kuryente, at pamasahe, nagbabago rin ang mga desisyong dating nakabatay lamang sa damdamin. Angs pagkakaroon ng anak, pag-aasawa, at pakikipag-date ay unti-unting nagiging desisyong sinusukat na rin sa gastos.
Para sa iba, hindi sapat ang pagiging handa sa emosyonal na aspeto ng isang relasyon o pamilya. Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo, mahalaga na ring tanungin kung handa ba ang kanilang bulsa para sa kaakibat nilang responsibilidad.
Presyo ang Kalaban
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 6.8% ang inflation rate ng bansa noong Mayo 2026. Kahit na ito’y mas mababa kumpara sa 7.2% noong Abril, nananatili pa rin itong mataas at higit ito sa 3.6% target range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa taong 2026.
Ang pabahay, pagkain, at transportasyon ang may pinakamalaking ambag sa inflation dahil ang mga ito ang mga pangunahing pangangailangan ng mga sambahayan at araw-araw na nakakaapekto sa konsumo. Kapag tumaas ang presyo ng pagkain at pamasahe, agad itong nararamdaman sa pang-araw-araw na gastusin, habang ang pabahay ay may mas pangmatagalang epekto dahil sa renta, kuryente, at iba pang bayarin.
Bumagal ang pagtaas ng presyo ng pagkain mula 6.0% noong Abril 2026 tungo sa 5.7% noong Mayo at ng pabahay, kuryente, at iba pang utilities mula 8.2% tungo sa 7.8% noong Mayo 2026, ngunit nananatili pa rin ang mga ito bilang pangunahing nagtutulak ng inflation.
“Also contributed to the downtrend of inflation were the slower annual growth rates in the indices of food and non-alcoholic beverages and housing, water, electricity, gas, and other fuel”, ani ng PSA.
Sa simpleng salita, mas kaunti na ang nabibili ng parehong halaga ng pera kumpara noong nakaraang taon. Habang patuloy na tumataas ang mga pangangailangan, mas nahihirapan ang mga indibidwal at pamilya na maglaan ng pera para sa hinaharap.
Anak o Financial Stability?
Isa sa mga pinakamalaking epekto ng inflation ay ang pag-aatubili ng ilan na magkaroon ng anak.
Ipinapakita ng 2025 Demographic and Health Survey ng PSA na bumaba ang Total Fertility Rate ng Pilipinas sa 1.7 anak kada babae, malayo sa 4.1 noong 1993. Sa madaling salita, mas kaunting Pilipino ang nagkakaroon ng anak kumpara sa mga nakaraang dekada
Maraming dahilan ang pagbaba ng fertility rate, at hindi maikakaila na kasali rin ang epekto ng ekonomiya. Ang pagpapalaki ng bata ay nangangailangan ng pagkain, edukasyon, healthcare, at iba pang gastusin na patuloy na tumataas ang presyo. Sa Pilipinas, umaabot sa humigit-kumulang P74,301.38 kada buwan ang gastusin ng isang pamilyang may apat na miyembro, hindi pa kasama ang renta, ayon sa pagtataya sa cost of living. Para sa maraming indibidwal, ang pagkakaroon ng anak ay hindi lamang emosyonal na desisyon kundi isa ring malaking responsibilidad sa pananalapi.
Maging ang Pag-ibig ay May Presyo
Hindi rin ligtas ang dating sa epekto ng inflation.
Ang simpleng dinner date, movie date, o pagpunta sa mga café ay mas mahal na ngayon kaysa noon. Dulot nito, maraming mga kasintahan ang kailangang mag-budget nang mabuti o kaya naman ay bawasan ang kanilang mga lakad.
Bagama’t hindi naman kailangang magastos ang pagmamahalan, hindi ito maiiwasang ang pera ay may papel din sa pagpapanatili ng relasyon. Para sa iilan, mas mahirap magplano ng mga malalaking okasyon kung napupunta lamang ang malalaking bahagi ng kanilang kita sa mga pangunahing pangangailangan.
Bago ang Kasal, Dapat Stable Muna
Kasunod nito ay ang pagtaas ng bilang ng mga taong pinipiling magpakasal lamang kapag mayroon nang sapat na ipon.
Sa kasalukuyan, marami na ang inuuna ang pagtatapos ng pag-aaral, paghahanap ng matatag na trabaho, at pagbili ng bahay bago pumasok sa kasal. Hindi na sapat ang pagmamahalan lang; kailangan ding paghandaan ang mabigat na realidad ng mga gastusin sa pag-aasawa.
Sa iba’t ibang pag-aaral at ulat, isa sa mga pangunahing dahilan ng pagpapaliban ng kasal ay ang pangangailangang maging financially secure bago bumuo ng sariling pamilya.
Ayon sa United Nations Department of Economic and Social Affairs (UN EDSA), ang mga pagbabagong pang-ekonomiya at patuloy na pagtaas ng cost of living ay may direktang epekto sa desisyon ng mga tao tungkol sa pag-aasawa at pagkakaroon ng anak.
Hindi Katamaran, Kundi Pagiging Praktikal
Madalas mabansagan ang mga tao bilang takot sa commitment o sobrang nakatuon sa sarili. Ngunit sa realidad, marami sa kanilang mga desisyon ay bunga ng pagiging praktikal sa harap ng mahirap na kalagayang pang-ekonomiya.
Kapag patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin at hindi gaanong sumasabay ang kita, natural lamang na pag-isipan nang mabuti ang mga desisyong may pangmatagalang epekto. Ang pagkakaroon ng anak, pagpapakasal, at kahit simpleng pakikipag-date ay hindi na lamang personal na pagpili — naging usaping pang-ekonomiya na rin ito.
Kapag ang Gastusin ang Nagdidikta
Ang inflation ay hindi lamang porsiyento sa mga ulat ng gobyerno. Ito ay makikita sa bawat pagkakataong kinakailangang mamili ang isang tao sa pagitan ng pangangailangan at pangarap.
Patuloy na tumataas ang presyo ng pamumuhay sa bansa, kaya mas maraming Pilipino ang napipilitang ipagpaliban ang mga plano sa pagbuo ng pamilya. Hindi ito usapin ng kawalan ng pagnanais magmahal, magpakasal, o magkaroon ng anak, kundi ng hangaring matiyak na maibibigay ang sapat at maayos na buhay para sa magiging pamilya.