
Pinangunahan ni Chris McCullough ang TNT sa likod ng kanyang 53-point career-high na kapares ng 22 rebounds upang pataubin ang Barangay Ginebra, 98–90, at itulak ang 2026 PBA Commissioner’s Cup Finals sa winner-take-all Game 7 sa Smart Araneta Coliseum noong Hunyo 14.
Matapos maagaw ng Ginebra ang overtime thriller sa Game 5, tumugon si McCullough sa pinakamahalagang pagkakataon upang buhayin ang tsansa ng Tropang 5G na makamit ang back-to-back championships.
Pagiging agresibo at kumpyansa ang naging susi ng 2015 NBA first-round pick nang kumana ito ng napakalaking four-point play sa nalalabing 1:52 minuto ng laban upang tuluyang selyuhan ang kapalaran ng TNT.
“Just to come out and be aggressive, I’ll take my shots and not shy away from those shots even though I’ve been missing a lot. I’ve been doing this for 12 years, so it’s something I know how to do,” ani ni McCullough.
Maagang rumatsada ang Tropang 5G sa opensa sa pangunguna nina Jordan Heading at McCullough upang kunin ang manipis na 17–16 bentahe sa pagtatapos ng unang yugto.
Pinaigting naman nina RR Pogoy at Heading ang opensiba ng TNT sa ikalawang yugto upang markahan ang kanilang unang double-digit lead, ngunit mabilis ding nakahabol ang BGSM upang makalapit sa 45-43 pagsapit ng halftime.
Sinubukan ni Justin Brownlee na agawin ang momentum sa ikatlong yugto matapos magtala ng magkakasunod na baskets na nag-angat sa kanilang koponan, ngunit mabilis ding sumagot sina Pogoy at McCullough upang ibalik ang kontrol sa TNT.
Nauwi sa wala ang monster 52-point outing ni Brownlee, na nagtala ng magkasunod na 50-point performances matapos ding magbuhos ng 54 puntos sa Game 5.
“We just want to go out there and win, we want to play our best foot forward and try to play the best that I could for the team,” saad ni Brownlee.
Magtutuos muli ang TNT at Ginebra sa winner-take-all Game 7 sa Hunyo 17 sa parehong venue sa Smart Araneta Coliseum, kung saan nakataya ang korona ng 2026 PBA Commissioner’s Cup.