
Paul Peeven Flores
Madalas na ang mga doktor, nars, at iba pang manggagawang medikal ang itinuturing na pangunahing tagapagligtas ng buhay. Ngunit sa pangangalaga ng kalusugan, may isa pang paraan upang madugtungan ang buhay ng tao—ang pagbibigay ng dugo.
Araw-araw, libo-libong pasyente ang dumaraan sa operasyon at nangangailangan ng agarang medikal na tugon. Karamihan sa mga pasyente na ito ay dumaraan sa blood transfusion upang mapalitan ang nagkukulang na dugo, mapanatili ang sapat na suplay ng oxygen, at masuportahan ang mahahalagang tungkulin ng mga bahagi ng katawan.
Kaakibat ng sitwasyong ito, patuloy lamang na tumataas ang demand o pangangailangan ng dugo sa bansa. At sa mga oras na nagkukulang ang suplay, buhay ang nalalagay sa panganib.
Bilang tugon, patuloy na pinabubuti ng Philippine Red Cross (PRC) National Blood Services (NBS) ang kanilang mga serbisyo na nakatuon sa pagbibigay ng ligtas at sapat na suplay ng dugo sa buong bansa.
Sa katunayan, noong Pebrero 5 hanggang 7, isinagawa ng PRC ang Blood Summit 2026 na kung saan nailahad ang National Action Plan for Blood Services 2026-2030 na layong magbigay ng ligtas, abot-kaya, at sapat na suplay ng dugo para sa bansa.
Gayunpaman, ang pagkakaroon ng sapat na suplay sa pambansang antas ay hindi nangangahulugan na naaabot ito ng lahat ng nangangailangan. Isang pag-aaral noong 2024 ang nagpapakita ng hindi pagkakapantay-pantay na akses sa mga serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas.
Bagama’t hindi dugo ang partikular na paksa ng pag-aaral, ipinapakita nito na hindi pare-pareho ang kakayahan ng mga komunidad sa pagbibigay ng serbisyo. Limitado lamang ang kapasidad ng ilang lalawigan at malalayong komunidad kung kaya’t nagkakaroon ng pagkakaiba sa kakayahan na mangalap, magproseso, at magpanatili ng sapat na suplay ng dugo.
Kapos na dugo, kapos na pagkakataon
Noong Mayo 2025, nagpahayag ng “code red” ang Bicol Medical Center dahil sa kritikal na mababang suplay ng dugo. Umabot sa 40 hanggang 70 units ng dugo ang kanilang kinailangan araw-araw. Kahalintulad nito, nag-ulat naman ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ng 32% na kakulangan sa suplay ng dugo.
Sa kabilang banda, ilang probinsya, tulad ng Abra at Kalinga, ang nagpakita ng mabuting lokal na pagsasaayos sa suplay ng dugo. Sa Abra, nagawang makalikom ng PRC-Abra Chapter ng 1,752 units ng dugo noong 2024. Habang sa Kalinga naman ay nakakuha ng 940 units sa loob lamang ng unang kwarter ng 2025. Patunay ang Abra at Kalinga na posible ang sapat na suplay kung mapagtitibay lamang ang mga inisyatiba para dito.
Makikita sa mga datos ang malinaw na pagkakaiba ng Bicol at BARMM sa Abra at Kalinga. Ngunit dahil iba’t iba rin ang kilos ng bawat lokal na pamahalaan sa mga lalawigan na ito, ilan lamang sa mga maaaring maiugnay na dahilan ang kaalaman ng publiko, lawak ng kampanya sa blood donation, at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at organisasyong pangkalusugan.
Ngunit para kay Dr. Alicor Panao, isang Inquirer data scientist, ang problema na ito ay hindi lamang nagmula sa kakulangan ng ospital o propresyunal, kundi bunga ng “governance issue,” kung saan hindi hustong nagagamit ang mga mapagkukunan upang makapagbigay ng mabisang serbisyo.
Bagama’t hindi ipinaliwanag ni Panao ang kaniyang mungkahi, ipinahihiwatig nito na mahalaga hindi lamang ang mga pangangalap ng dugo kundi ang mahusay na koordinasyon, distribusyon, at paggamit ng mga umiiral na mapagkukunan upang matiyak na umaabot ang suplay sa mga lugar na nangangailangan.
Lalo ito nagiging mahalaga sa mga panahong bumababa ang bilang ng mga donor. Ayon sa PRC, nakararanas ang bansa ng pansamantalang pagbagal sa pangangalap ng dugo sa tuwing dumarating ang holiday at bakasyon mula Disyembre hanggang Enero o ang tinatawag na “lean months.”
Sa panahon ng lean months, mas kaunti ang blood donation drives, tumataas ang kaso ng sipon at iba pang pana-panahon na karamdaman dahil tag-lamig at tag-ulan na dahilan kung bakit hindi kwalipikadong mag-donate ang iba, at mas nakatuon din ang atensyon ng karamihan sa sarili at pampamilyang gawain.
Ito ang ilang dahilan kung bakit sa mga lugar na nagkukulang sa dugo, nagiging mahirap ang agarang pagtugon sa mga operasyon at regular na paggamot na kinakailangan ang pagsasalin ng dugo.
Paniniwalang taliwas sa katotohanan
Bagama’t mahalaga ang mahusay na pamamahala at distribusyon ng suplay ng dugo, hindi ito magiging sapat kung kakaunti lamang ang mga boluntaryong donor. Sa kabila ng patuloy na pangangailangan para sa dugo, nananatiling hamon ang paghikayat sa mas maraming mamamayan na mag-donate.
Isa sa mga nakikitang dahilan nito ay ang paglaganap ng mga maling paniniwala tungkol sa blood donation. Marami pa rin ang nag-aalinlangan sa pagdo-donate, na naglilimita sa bilang ng mga potensyal na donor at maaaring magpalala sa kakulangan ng suplay ng dugo.
Kabilang sa mga maling akala na ito ang paniniwala na matagal ang pagdo-donate, maaaring makakuha ng karamdaman o sakit, at maaaring manghina ang tao matapos ang pagkuha ng dugo. Ngunit sa katunayan, ang buong proseso ng pangangalap ng dugo ay nagtatagal lamang ng halos isang oras ayon sa PRC. Ngunit salik din ang bilang ng mga boluntaryo, at kung anong organisasyon ang namamahala sa inisyatiba.
Bukod pa rito, mahigpit na ipinatutupad ang “single-use only” na patakaran sa mga donation drive lalo sa ang mga inilulunsad ng PRC. Lahat ng kagamitan, katulad ng karayom, syringe, at iba pa ay agarang itinatapon matapos gamitin. Hindi rin manghihina ang katawan dahil may kakayahan ito na palitan ang mga mahahalagang likido sa katawan katulad na lamang ng dugo.
Sa pamamagitan ng wastong impormasyon at kaalaman ng publiko, maaaring mabawasan ang pag-aalinlangan at mahikayat ang mas maraming mamamayan na makilahok sa mga blood donation. Ang pagtutuwid sa maling paniniwala ay mahalagang hakbang upang mapanatili ang sapat at ligtas na suplay ng dugo para sa mga nangangailangan.
Bawat patak, bawat buhay
Kada taon, tuwing ika-14 ng Hunyo, ginugunita ang World Blood Donor Day bilang pagkilala sa mga boluntaryong donor at bilang paalala sa kahalagahan ng pagpapanatili ng sapat at ligtas na suplay ng dugo.
Sa Pilipinas, PRC ang pangunahing nakikilahok sa pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng mga blood donation drive at kampanyang pang-edukasyon na naglalayong makahikayat ng mas maraming donor.
Gayunpaman, hindi lamang PRC ang may mahalagang papel sa gawaing ito. Sa iba’t ibang panig ng bansa, nakikilahok din ang mga paaralan, pamantasan, tanggapan, organisasyon, at mga lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng mga blood donation drive. Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, mas naaabot ng mga indibidwal ang pagkakataon na maibahagi ang kanilang dugo at makatulong na makapagligtas ng buhay.
Sa kasalukuyan, maaaring magbigay ng dugo sa mga PRC Blood Centers, mga ospital at blood service facilities na akreditado ng Department of Health, at maging sa mga blood donation drive na kalimitang isinasagawa sa mga paaralan at komunidad.
Ngunit bukod sa pakikibahagi ng bawat isa, hindi makakamit ang nais na resulta kung walang wastong polisiya at programa, at kung hindi sisiyasatin ang hindi pantay na akses sa mga lalawigan.
Kahit sapat man ang suplay ng dugo, wala itong pakinabang kung hindi nito naaabot ang lahat na dapat nakatatanggap. At wala ring saysay ang pinagtibay na sistema kung bilang lamang ang boluntaryong nahihikayat.
Sa kasalukuyang kinalalagyan, hindi lamang akses sa pangangalaga ng kalusugan ang napagkakait, kundi ang pag-asa rin na ilang buhay pa ang maisalba.