
Xandra Gonzaga, Mike Padayao, at Nesrine Saaduddin
Kapansin-pansin ang halimuyak ng putaheng nakasalang sa apoy, pinakukulo ng nagbabagang dedikasyon ng pawisang kusinera. Dahan-dahan niyang ibinubuhos mula sa puso ang sikreto ng ‘di maikakailang sarap — ang pagmamahal na pinagyaman ng sakripisyo at pagsisikap.
Kagaya ng kahit anong putahe, mayroon pang higit sa nakikita ng mga mata at nalalasahan ng dila. Halika’t sundan ang mga bakas ni Rhoda Magbitang sa kaniyang paglalakbay tungo sa pagiging kampeon ng Top Chef Season 23.
Sandakot na pagsisikap
Laking Antipolo, Rizal si Magbitang. Bilang panganay sa anim na magkakapatid, maaga niyang napagtanto na kailangan niyang magpursigi upang may marating sa mundo sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto. Bago pa man makipagsapalaran sa lupaing banyaga sa edad na 17, pinatatag muna niya ang kaniyang kakayahan sa pagluluto sa mismong kusina at palengke na kaniyang kinalakhan.
“We would split chores between us, and I hated everything else, but I would cook (Pinaghahatian namin ang mga gawaing bahay. Lahat ay ayaw kong gawin pero nagluluto ako),” aniya sa isang panayam sa Fine Dining Lovers na ipinapakita ang maagang hilig ng kampeon sa pagluluto.
Naging inspirasyon din ni Rhoda ang kaniyang lola na nagtitinda sa kantina ng isang malaking paaralan sa Antipolo. Silang dalawa ang nagsasama sa palengke kada linggo upang bumili ng kilo-kilong karne at iba pang mga sangkap para sa higit 5,000 mag-aaral. Likas na tahimik at seryoso ang kaniyang lola, kaya’t nasanay si Rhoda mula pagkabata na makinig at magmasid sa bawat kilos ng mga taong nasa paligid upang matuto.
“There’s not a lot of conversation happening in between. I just like watching her do stuff because she’s not very talkative,” dagdag niya.
Naging mahalagang bahagi ang pagbabalik-tanaw ni Rhoda sa kaniyang pagkabata upang maipanalo ang patimpalak na nagpabago sa takbo ng kaniyang buhay. Dahil sa maagang pagsisikap at sa tulong ng kaalamang ipinasa ng kaniyang lola, naisapuso niya ang iba’t ibang timpla ng mga Pilipinong putaheng pumatok kahit sa mga panlasang banyaga.
Isang kurot ng pag-uusisa
Malaki ang naging impluwensiya ng katahimikan at pagmamasid na iyon. Hindi niya ito natutuhan sa paaralan, kundi minana lamang ito sa simpleng pagmamahalan. Isa ito sa mga naging sangkap sa pagkakaroon ni Rhoda ng panimula sa pagluluto — isang hakbang upang unawain ang emosyonal na lalim nito, pakiramdaman ang iba’t ibang anyo ng lasa, at haluin nang buong-buo ang pangarap.
Wala sa bokabularyo niya ang pag-ibig sa pagluluto, dahil aksidente lamang siyang tinawag nito. Pero ang hindi kailanman naging aksidente ay ang pagmamahal niya sa Top Chef. Noong Episode 1 pa lang, naroon na siya, nakasubaybay.
“I’ve watched the show since the first episode. I remember distinctly watching it and just thinking about the evolution of the show, and how it changed people’s lives,” aniya sa isang exclusive interview ng Parade.
Sumagi rin sa kanyang isipan na balang-araw ay magiging sapat din ang lahat ng kanyang kakayahan sa pagluluto at magiging isa sa mga kalahok sa Top Chef.
Sa katunayan, nang lumipad si Rhoda patungong California, ang pagiging isang guro ang naglalagablab sa kaniyang puso. Sa edad na 17 taong gulang, nagtrabaho muna siya bilang preschool teacher. Dito, tinuturuan niya ang mga estudyante na gumawa ng mga simpleng meryenda pagkatapos ng klase, gaya ng turkey roll-ups and cream cheese sandwiches.
Ang simpleng karanasang ito ay isa sa mga mahalagang yugto ni Rhoda — ang unang malaking hakbang na magpapabago sa direksiyon ng kanyang karera. Hanggang sa sandaling iyon, bahagi lamang ng pang-araw-araw niyang buhay ang pagluluto. Sa katunayan, pumasok siya sa Le Cordon Bleu College of Culinary Arts Pasadena hindi upang maging chef, kundi upang dalhin ang kaniyang karera bilang guro sa ibang antas at patuloy na makasama ang mga bata sa pamamagitan ng pagluluto.
Dahil sa karanasang iyon, nahubog ang landas ni Rhoda at sinundan niya ang tawag ng pagluluto. Wala siyang kaalam-alam na ang culinary education niya ang mag-uudyok sa kanyang makasaysayang yugto sa kusina ng California. Sa Le Cordon Bleu, noong kalagitnaan ng 2000s, tinuruan siya ng mga maiingay na pangalan sa mundo ng kusina—sina Chef Kyle Connaughton na nagtatag ng SingleThread at Evan Funke na nakilala sa pagtataguyod ng homemade pasta.
Sa mga aral na itinuro sa kanya ng dalawang chef, natutuhan niyang namnamin ito nang tahimik. Nanatiling nakatapak ang mga paa niya sa lupa. Hindi siya nagpakitang-gilas. Nanatili siya sa masusing pagmamasid at masipag na pagtatrabaho. At nang pumasok siya sa propesyonal na mundo ng kusina—handa na siya.
Isang bungkos ng mga karanasan sa iba’t ibang kusina
Marami nang pinasukang kusina si Rhoda, at ang lahat ng ito ay may kanya-kanyang lasa. Iba’t ibang putahe at iba’t ibang paraan ng pagluluto ang kanyang nalanghap. Sa pagpapatuloy niya sa paghahain ng mga hindi matatawarang putahe sa hapag, may isang sangkap siyang hindi kinakalimutan: ang pagmamahal. Katulad ng paghahalo, natutuhan niyang banayad lamang ang dantay ng kamay sa sandok upang ang bawat sangkap ay bumuo ng isang hindi malilimutang alaala.
Nang magtapos si Rhoda sa kolehiyo, binuksan niya ang pintuan at hinasa ang kakayahan sa iba’t ibang kusina sa North America, lalo na sa California at Hawaiʻi. Dito, nanindigan siya sa kanyang pilosopiya at prinsipyong magkuwento sa pamamagitan ng pagkain at matibay na pagpapahalaga sa paggamit ng mga lokal na sangkap. Madalas niyang binibigyang-buhay ang mga panrehiyong sangkap sa paraang payak na may paglalapat ng kumpiyansa at kakaibang pananaw.
Kung ang Le Cordon Bleu College of Culinary Arts Pasadena ang naging silid-aralan niya, ang Mélisse naman ang unang tunay na pagsusulit—isang kusinang kinikilalang kabilang sa pinakamahusay sa Amerika. Dito, unang nasubok ang mga teknik na natutuhan ni Rhoda. Sa kusinang ito, higit pa sa lasa ang kanyang natikman. Natutuhan niya rin dito na pinuhin ang disiplina, igalang ang bawat sangkap, at yakapin ang bawat aral tungo sa susunod na kusinang kanyang papasukin.
Kasunod nito, sa A.O.C. (Appellation d’Origine Contrôlée) naman niya ipinagpatuloy ang karera. Isa itong all-women kitchen, at dito niya unang nalasahan kung anong klaseng chef ang gusto niya maging. Binigyan ng kusinang ito si Rhoda ng pilosopiyang farm-to-table. Dito, nabatid niya na dapat magbigay-halaga sa mga sangkap na direktang nagmumula sa mga lokal na magsasaka at prodyuser.
Sinabi niya sa isang panayam sa Fine Dining Lovers, “The warmest hug.” Ito ang paglalarawan niya sa naging karanasan sa A.O.C.
Sa panibagong yugto, hindi niya rin pinalampas ang The Bazaar by José Andrés. Kilala ito sa avant-garde na konsepto sa pagluluto na naghahain ng makulay na timpla ng mga Spanish-inspired tapas, molecular gastronomy, at malikhaing pagtatanghal sa bawat putahe. Gayunpaman, hindi lahat ng kanyang kusinang pinasukan ay magaan ang kanyang naging karanasan. Kung ang A.O.C ang yumakap sa kanya, ang The Bazaar by José Andrés at lalo na ang République ang humamon sa kanyang tibay, disiplina, at kakayahang magpatuloy sa kabila ng pagdududa.
Kung ang mga naunang kusina ang nagsilbing mga rekado ng kanyang karera, ang Chateau Marmont naman noong 2018 ang unang sandok ng pamumuno. Dito, hindi lang basta siya nagluluto, kundi siya na ang namamahala sa menu development, operasyon ng kusina, at tumayong lider sa buong culinary team. Inaasahan na niya na magiging mabigat ang trabaho niya rito, kaya hindi siya nagpatinag.
Pagsapit ng taong 2020, hinakbang niya ang kanyang mga paa sa Petit Ermitage. Habang nakukuha niya na ang timpla ng kanyang karera, may isang bagay ang sumubok sa kanya: ang pandemya. Apektado nito ang mga kusina, at kabilang ang kanyang pinagtatrabahuhan sa mga nagsarado. Lubhang naapektuhan ang industriyang kinabibilangan niya, at pansamantala namang nahinto ang mga pangarap na matagal niyang binuo.
Bago pa man siya dumating sa Hawaiʻi, pinamunuan niya rin ang kusina ng The Inn at Mattei’s Tavern sa Los Olivos, California. Ilang buwan lamang matapos magbukas ito, kung saan sa taong 2023 ay kinilala ito ng Michelin Guide — ang prestihiyosong gabay sa mga restawran at hotel, isa sa mga itinuturing na pinakamataas na pamantayan sa mundo ng culinary arts.
Matapos ang mga taong ginugol ni Rhoda sa mga pinakamahuhusay na kusina sa North America, patuloy niyang binuo ang kanyang sarili at hindi nagtagal, naging kauna-unahang babaeng executive chef siya sa CanoeHouse sa Mauna Lani. Pinangungunahan niya rin ang Hawaiian Regional Cuisine. Ang kusinang ito ang naging salamin niya sa naging impluwensiya ng kanyang lola at ng kanyang paglaki sa Pilipinas.
Sa lahat ng kusinang pinaglutuan ni Rhoda, hindi lamang sa dami nito nasusukat ang kaniyang katatagan. Bagkus, kahit na siya ang naghahain ng iba’t ibang putahe, binalik naman ito ng mga kusina sa kanya. May mapait, may matamis, at may mga sangkap na nagbigay-aral sa kanyang karera.
Isang sandok ng tapang
Dala-dala man ni Rhoda ang lahat ng kaniyang natutuhan sa ilang taong pakikipagsapalaran sa California, hindi pa rin naging madaling akyatin ang pinakahuling round ng Top Chef Season 23.
Muntik na siyang hindi umabot sa finale. Matapos mapatalsik sa Episode 5, ipinadala siya sa Last Chance Kitchen kung saan nahiwalay siya sa main cast. Hindi niya ikinailang tila namanhid siya sa hindi inaasahang pangyayaring iyon.
Pagpasok niya sa panibagong kusina, naghihintay na sa kaniya ang dalawa pang mga kusinero at kusinerang natanggal din sa mga nagdaang elimination round. Sa pamamagitan ng tapang at determinasyon, nagawa niyang makabalik sa main competition matapos manalo nang apat na magkakasunod na beses.
Isang kutsara ng pagdududa, isang mangkok ng pagkilala
Ayon pa kay Rhoda, nag-alinlangan muna siyang ihain ang mga putaheng Pinoy sa kabuuan ng Top Chef Season 23. Hindi niya maalis sa isipan ang takot na mandiri at manibago ang ibang tao sa mga pagkaing malapit sa kaniyang puso.
Ngunit kahit may pagaalinlangan, pinili pa rin ni Rhoda na magpatuloy at lumaban.
Inatasan ang tatlong natitirang kalahok sa final round na mag-isip at maghain ng isang four-course meal, kung saan ang bawat putahe ay magsisilbing pagpupugay o ‘toast’ para sa isang tao, lugar, o karanasan na nag-iwan ng malalim na marka sa kanilang karera sa pagluluto.
Imbes na kumuha ng putaheng nasa menu ng mga mamahaling restawran na minsan na siyang naging bahagi, pinili ni Rhoda na i-level up ang mga simpleng pagkain na kinalakihan niya sa Pilipinas. Ito ang naging opisyal na menu na inihain niya sa mga hurado:
1st Course:
Roasted sweet potato with miso butter and uni (ginawang inspirasyon ang Pinoy street food na kamote cue).
2nd Course:
Abalone lugaw (bilang pagpupugay sa mga pagkaing niluluto ng kaniyang ina tuwing siya ay nagkakasakit noong musmos pa lamang).
3rd Course:
Tortang talong (isang inihaw na omelet na talong na binigyan niya ng ‘twist’ sa pamamagitan ng lap cheong XO sauce at liempo ng baboy).
4th Course:
Caldereta (dahan-dahang pinalambot na maikling tadyang ng baka na niluto sa atay at mga gulay, na kapalit ng panghimagas bilang isang direktang pagpupugay upang parangalan ang kanyang ama).
Di kalaunan, napalitan ng kasiyahan ang lahat ng pangambang kaniyang nadarama nang sa wakas ay hinirang siya bilang kampeon ng Top Chef: Carolinas (Season 23). Inuwi niya ang grand prize na $250,000 na katumbas ng higit 15 milyong piso, isang exclusive showcase sa Food & Wine magazine, at iba’t ibang prestihiyo sa industriyang kulinarya.
Hinain nang may puso
Basta lutong Pinoy, may pusong Pinoy.
Higit pa sa tropeo, hindi nasusukat ang tagumpay sa iisang resipi. May mga putaheng nangangailangan ng mas maraming oras sa apoy; may mga sangkap na tila hindi akma sa simula ngunit kalauna’y nagbibigay ng pinakamatinding lasa. Ang resiping nagdala kay Rhoda sa tuktok ay maaaring hindi umubra para sa iilan, sapagkat magkakaiba ang lakas ng apoy ng ating mga buhay. Maaari itong dagdagan ng alat, tamis, o pait upang mabuo ang hinahanap na lasa—gaya ng kani-kaniyang landas ng bawat tao.
Para kay Rhoda, ang kaniyang natatanging timpla ay nanatiling nakaugat sa kaniyang pinagmulan. Ang bawat timplang kaniyang pinagyaman ay mas nahubog sa pagpasok niya sa industriya. At bagaman tinanghal na siyang kampeon ng Top Chef Season 23, hindi rito nagtatapos ang kaniyang kuwento. Sa bawat bagong kusinang papasukin at putaheng lilikhain, tiyak na may panibagong sangkap na maidaragdag sa resipi ng kaniyang buhay.
Katulad ng halimuyak ng putaheng unang sumalubong sa atin, patuloy pa ring kumukulo ang kaniyang kuwento—na sa paglipas ng panahon ay lalo pang yayaman ang lasa ng kaniyang tagumpay.
Sandakot na pagsisikap, isang kurot ng pag-uusisa, isang bungkos ng mga karanasan sa iba’t ibang kusina, isang sandok ng tapang, isang kutsara ng pagdududa, at isang mangkok ng pagkilala.
Ito ang mga sangkap na hawak ni Rhoda Magbitang upang manatiling inspirado sa kaniyang karera sa pagluluto. Dumating man itong hindi sigurado, pero kalauna’y naging tapat at totoo. Dahan-dahan nitong hinubog ang kaniyang pagkakakilanlan.
Sa wakas, handa na ang putaheng matagal na niyang inaasam-asam at buong bahay niyang niluto.