Minumulto kaya sila ng nangayayari sa atin ngayon? Limang Martir ng Pampahayagang Estudyante noong Martial Law

Stela Marie Eve Militante

Sa mga pahina ng ating kasaysayan, mayroong mga pangalan na isinulat hindi lamang ng tinta, kundi pati na rin ng dugo.

Mahigit kalahating siglo na ang nakalipas at ngayon ay anak niya naman ang nasa itaas. Sa nalalapit na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa ilalim ng rehimeng Marcos, huwag dapat natin kalimutan ang ilan sa mga boses na nanindigan.

Ika nga nila, mas makapangyarihan ang pluma kaysa sa espada, ngunit para sa mga kabataang ito na ginamit ang kanilang pluma bilang sandata, ang matatalim nilang mga salita ang siya ring naging mitsa ng kanilang pagkawala.

Liliosa Hilao

Hindi man siya makasigaw at makatakbo sa kalsada dahil sa iniindang hika, ngunit tumakbo ang kanyang panulat laban sa diktadura.

Larawan mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila

Sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), siya ay associate editor na matapang na nagsulat ng mga sanaysay na may mga pamagat na The Vietnamization of the Philippines at Democracy is Dead in the Philippines under Martial Law.

Noong Abril 1973, bigla na lamang sumugod sa kanilang tahanan ang mga lasing na sundalo mula sa Constabulary Anti-Narcotics Unit (CANU). Hinahanap nila ang kanyang kapatid— wala mang dalang arrest warrant na siya mismo ang humiling na ipakita.

Sa halip, siya ang dinampot. Siya ang pinagmalupitan.Pinahirapan, hinalay, at kalaunan, pinaslang.

Ipinilit ng mga awtoridad na siya’y nagpakamatay. Ngunit kahit kinuha rin ang kanyang mga lamang-loob, hindi natatabunan ng kasinungalingan ang katotohanan: may mga marka ng sigarilyo sa kanyang labi, mga pasa sa bawat sulok ng katawan, at mga bakas ng pagturok sa kanyang mga braso.

Hindi niya natanggap ang kanyang diploma bilang cum laude dahil sa edad na 23, siya ang kauna-unahang estudyante at babaeng aktibista na pinaslang sa kulungan.

Maria Lorena Barros

Nadakip at nakulong ngunit nakatakas at hindi umatras.

Larawan mula sa Bantayog ng Mga Bayani

Si Lorie ay isang makata, manunulat, at ina. Pero higit sa lahat, isa siyang mandirigma. Kanyang itinatag ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), isang kilusan para sa mga kababaihan at sa masa.

Taong 1976 sa Quezon nang siya ay magapi sa isang engkwentro. Dalawampu’t walong taon siya nang iniwan niya ang kanyang anak dahil sa pagmamahal sa mas malawak na pamilya: ang bayan.

Antonio Tagamolila

Tahimik si Tony. Pero sa kanyang mga sinulat, dumadagundong ang katotohanan.

Larawan mula sa Bantayog ng Mga Bayani

Mula pagiging Literary Editor ng UP Highlights nang siya ay nasa hayskul hanggang sa maging punong patnugot ng Philippine Collegian, at presidente ng College Editors’ Guild of the Philippines, ipinakita niya na may malakas siyang sigaw laban sa katiwalian at bulok na sistema ng pamahalaan.

Noong 1966 ay sumali siya sa Kabataang Makabayan at naging bahagi ng Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK). Nang magsimula ang diktadurya, pinili niyang iwan ang kanyang pamilya para pumunta sa Panay, natuto siyang makibaka hindi lamang sa papel kundi sa totoong laban.

Isang taon ang lumipas at siya ay napaslang. Totoo nga na kung minsan, sino pa ang pinakatahimik ay siya ring pinakamatapang.

Abraham “Ditto” Sarmiento

“Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?”

Larawan mula sa Bantayog ng Mga Bayani

Ito ang mga katagang pinanghawakan ni Ditto Sarmiento. Kaya’t sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang Philippine Collegian ay hindi kailanman umiwas sa tungkuling magmulat at magpahayag ng katotohanan. Sa halip na tumiklop sa banta ng censorship mula sa rehimeng militar, lalo pa niyang nilakasan ang tinig ng kanilang pahayagan.

Isang matapang na editoryal laban kay Juan Ponce Enrile, noon ay Minister of National Defense, ang naging dahilan ng kanyang pagkadakip at pagkakakulong. Ngunit kahit sa likod ng rehas, hindi siya natinag.

Marami ang nagsasabing siya ang pinakamatapang na punong patnugot ng Kule. Isinugal niya ang lahat— ang kanyang pangalan, kalayaan, at sa huli, ang kanyang buhay— para maipaglaban ang katotohanang pilit itinatago sa dilim.

Mula sa pagsusulat hanggang sa pagkilos sa lansangan, hindi sapat ang salitang “katapangan” para ilarawan si Ditto.

Pagkalipas ng pitong buwan sa kulungan, bumigay ang kanyang puso. Doon nagtapos ang kanyang buhay, pero hindi ang kanyang laban.

Ma. Letecia Ladlad

Si Tish, kung kanilang tawagin, ay ang unang babaeng editor ng Aggie Green and Gold sa UPLB kung saan ang kanyang tinig ay ginamit para ipinta ang mukha ng bayan.

Larawan mula sa Bantayog ng Mga Bayani

Ngunit hindi lamang siya nagsulat. Siya ay nakisalo rin sa buhay ng mga naaapi at nang dumating ang digmaan, namalagi siya kasama ang mga nasa laylayan lalo na ang mga magsasaka para sila ay tulungan.

Noong 1975, naglaho siya. Huling nakita sa Paco, sa harap ng simbahan, kasama ang mga kasama.

Hanggang ngayon, wala ni abo, wala ni isang buto. Ito ay isang katahimikan na mas malakas pa kaysa anumang salita.

Tayo naman ang sumulat ng kasaysayan

Kung ang limang mga Pilipinong ito ay piniling tumindig kahit kapalit ay buhay, anong dahilan natin para manahimik?

Larawan mula kay Dean Palapar/Explained PH

At ngayong ika-21 ng Setyembre, huwag nating hayaang muling ilibing sa katahimikan ang ating kasaysayan. Sapagkat ang tunay na kalayaan ay hindi lamang ipinaglaban noon dahil hanggang ngayon, ito ay nanganganib kasi ang katotohanan ay pilit na ibinabaon sa kadiliman ng mga katiwalian, kasakiman, at mga kasinungalingan.

Silang lima ay mga paalala na ang panulat, kapag ginamit para sa bayan, ay mas matalim kaysa bala. Dapat nating isapuso na hindi sila naging bayani para ipako sa mga papel lamang. Naging bayani sila para sa bayan at dapat nating ipagpatuloy ang kanilang labang nasimulan, dahil kung hindi natin ito gagawin, hindi sila ang minumulto— tayo.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...