
Musmos pa lamang ako, alam na agad ng walang muwang kong isipan kung paano sinusuka at isinusumpa ng mundong aking ginagalawan ang pagiging “iba.”
Sa tuwing naiiwang nakabukas ang TV tuwing hatinggabi, habang tulog na sina inay at itay sa kanilang kwarto, napapanood ko kung paano namnamin ng lalaking bida ang labi ng babae niyang katambal — na para bang inaangkin niya ang buong pagkatao nito. Noong una, naninibago pa ako dahil hindi pa mawari ng bata kong utak kung ano ba talaga ang nangyayari at bakit nila iyon ginagawa. Ngunit nang kinalaunan, naintindihan ko rin. Ang paghalik pala ay isa sa mga paraan ng pagpataw ng pagmamahal sa taong iyong iniibig.
Nakakatuwa naman. Nahiwagaan ako dahil isa lamang iyon sa mga paraan ng pagkalinga sa taong mahal mo. Ngunit minsan, hindi ko maiwasang mapaisip: Bakit puro babae at lalaki lang ang laging magkapareha? Bakit kailanman ay wala akong nakitang lalaking humahalik sa kapwa lalaki? O babaeng umiibig sa kapwa babae?
At saka, bakit laging pinagtatawanan nina itay at kuya ang aming kapitbahay na lalaking naka-spaghetti strap, maiikling shorts, at makapal na makeup? May mali ba sa pagiging ganoon? May nakakatawa ba roon? Pagtatawanan din kaya nila ako kung sabihin kong ang bunso nilang anak na lalaki ay mahilig maglaro ng Barbie dolls at sumubok ng magagandang bestida sa bahay ng kaibigan kong kapitbahay rin namin?
Ano kaya ang magiging reaksyon ni itay kung sabihin kong ayaw ko sa mga damit na binibili niya na puro print ng Superman, Marvel, at Ben 10? Hindi dahil ayaw ko sa mga superhero — kundi dahil masyado silang panlalaki. Masyadong plain. Mas gusto ko kasi iyong makikintab. Iyong mga tinatawag nilang “sparkly.” Iyong kulay pink na pink o kaya’y may halong purple, rainbow, at dilaw. Mas maganda kasi sila sa mata. Mas maaliwalas tingnan.
Nahihiwagaan din ako kung bakit masama ang tingin nila tito sa pinsan kong babae na kung manamit ay tila lalaki — semi-kalbo ang buhok niya, may mumunting tattoo sa braso, at mas gustong magsuot ng maluluwag na T-shirt, kupas na jeans, at maaangas na rubber shoes. Kapag napag-uusapan siya sa hapag-kainan, palaging may halong pagbulong, pag-irap, at pagkadismaya ang kanilang mga boses. Lagi kong naririnig ang mga katagang “Sayang siya, ang ganda-ganda pa naman niya noong bata!” o ‘di kaya, “‘Yang gandang ‘yan, dapat mapalaganap ang lahi!”
Para bang may mali sa paraan ng kaniyang pananamit. Para bang may mali sa paraan ng kaniyang pagiging masaya, sa paraan ng kaniyang pagpapakilala sa mundo kung sino ba siya.
Kaya noong minsang mahuli ako ni inay na naka-makeup dahil gusto ko ring subukang maging maganda tulad ng mga models na nakikita ko sa cellphone, piningot niya ako nang mabilis, tahimik na hinatak papasok sa kwarto, at pabulong na sinabihan. Hindi raw dapat ako nagsusuot ng pambabaeng kolorete sa mukha at ng pambabaeng damit. Tiyak daw na magagalit sa akin si itay kapag nalaman niya ito. Hindi lang pagalit ang aabutin ko; baka walang katapusang suntok at palo pa hanggang sa maghalupasay ako.
Natakot naman ako sa banta ni inay na iyon. Ayaw ko namang magka-pasa ang iniingat-ingatan kong kutis at ang minamahal kong katawan. Ayaw ko namang mamatay ang aking pagiging bakla sa kamay ni itay. Isa itong kayamanang pinapahalagahan ko. Isa itong parte ng aking sarili na hindi ko hahayaang kutya-kutyain lang.
Siguro ay sasarilihin ko muna ito hanggang sa maging wasto na ang aking gulang upang lakas-loob na sabihin sa kanila.
Kaya habang lumalaki ako, natuto akong ikubli ang karamihan sa mga bahagi ng aking sarili. Pinag-aralan kong lakihan at tigasan ang aking boses at pananalita. Pinilit kong baguhin ang paraan ng paglalakad ko. Binawasan ko rin ang pagiging magaslaw ko: nagkukunwari akong tigasin at kalmado tuwing naririyan sina itay at kuya. Hindi nila alam na sobrang lakas ng aking tili kapag kasama ko na ang mga kaibigan kong bakla rin sa eskwela. Natuto akong tumawa tuwing may pinagtatawanang bakla ang aking mga kaklase kahit masakit iyong marinig. Natuto akong tumingin sa mga babae kahit hindi naman talaga sila ang hinahanap ng aking mga mata.
Unti-unti kong binuo ang bersyon ng aking sarili na mas madaling tanggapin ng mundo.
At gumana naman.
Unti-unti, naramdaman kong hindi na ako pinaghihinalaan ni itay. Hindi na ako madalas mapagsabihan ni kuya na “umasta nang lalaki.” Hindi na rin ako gaanong pinapansin ng mga kamag-anak naming mahilig magbigay ng opinyon sa buhay ng iba. Para bang mas naging madali akong mahalin noong natuto akong ikubli ang totoong ako at bawasan ang buo kong pagkatao.
Ngunit habang tumatagal, napapagod din pala ang isang taong buong buhay na nagpapanggap.
Dumating sa puntong kahit ako ay hindi ko na rin kilala ang sarili ko. Hindi ko na alam kung alin ba talaga sa akin ang totoo — ang malambot kong kilos na matagal ko nang ikinukubli, o ang mababang boses at matitigas na galaw na paulit-ulit kong isinusuot araw-araw upang kanila’y tanggapin.
Patago kong iniibig ang kasariang katulad ng akin kahit bawal. Ang ginagawa ko na lamang ay nagpapakilala kina itay ng mga babaeng kunwari’y nililigawan ko kahit alam kong pareho lamang kaming nagpapanggap.
At doon ko tuluyang naunawaan na may mga taong kaya ka lamang tanggapin hangga’t hindi mo winawasak ang bersyong nais nilang makita.
Hindi pala nila ako tunay na mahal. Ang mahal lamang nila ay ang ako na mapagkubli at mapagpanggap.
Ang bersyon kong hindi masyadong bakla.
At marahil iyon ang pinakamasakit sa lahat — ang unti-unti ko ring pagkatutong mapahiya sa mga bahagi ng sarili kong minsan ko namang minahal.
Dahil habang pilit kong inililigtas ang sarili ko mula sa panghuhusga ng mundo, hindi ko namalayang ako na rin mismo ang unang taong nagsimulang magtago sa kung sino talaga ako.