Nangangalawang na ang susi ng magandang kinabukasan

Mary Kate Francine Entia

Walang pinipiling tao ang pinto ng magandang kinabukasan. Kung ang susi mo ay ang sistema ng edukasyong matagal na tayong pinahihirapan, hilingin mo na lang sa hangin na sana ay mayroon pa rin tayong pinanghahawakan.

Opisyal na sinimulan sa bawat paaralan ng Pilipinas ang ‘three-term calendar’ nitong Hunyo 8, 2026, kung saan hinahati sa tatlong termino, imbis na sa apat, ang araw ng mga estudyante at guro sa paaralan. Bagama’t inilunsad ito bilang resolusyon sa limpak-limpak na problema ng Department of Education, hindi maiwasang isipin ng mga Pilipinong mag-aaral na isa na naman itong butas na lunas sa bulok nang pundasyon ng bansa.

Unang-una sa lahat, layunin ng repormang bawasan ang burnout naming mag-aaral, ngunit wala namang pinagbago sa bilang ng pasok, mas nadagdagan pa ang aaralin sa bawat termino kaya’t walang duda na kami ang maiipit sa dulo. 

Kahit mayroong pahinga kada isang kwarter na 9-10 araw, napupunta lang din ito sa mga extra-curriculars o patimpalak na taon-taon din nilang nilulunsad, ang Festival of Talents, Science and Technology Fair, at Schools Press Conference na mayroong dibisyon, rehiyon, at nasyonal na labanan.

Dagdag problema pa rito ay ang oras ng pag-eensayo ng mga estudyanteng atleta, mamamahayag at iba pang contestants dahil gusto nang iwasan ng DepED ang ‘excused’ sa mga klase. Kung tunay na balanse ang repormang ito, dapat ay walang estudyanteng maiwan.

Buhay na patunay ang paghihirap ko ngayong taon. Dahil bawal ang kahit anong uri ng interruptions sa mga klase, ang dapat na anim na oras na pamamalagi ko sa paaralan ay nadadagdagan pa

Kasabay nito, naglaho na rin na parang bula ang buwan-buwangNi selebrasyon ng bawat asignatura gaya ng Buwan ng Wika, English Month, Mathematics Month at iba pa. Ang mga patimpalak na ito ay nagiging daan para maipakita namin ang aming pagiging malikhain, dahilan para mabuo ang kolaborasyon ng bawat pangkat sa mga grade level. Ito na lang ang natitira naming kasiyahan at tradisyon sa mga paaralan. Huwag naman sanang hayaan ng DepEd umikot na lang sa libro, papel, at panulat ang buhay namin bilang mga mag-aaral..

Isa pa, hangarin ng three-term calendar na mapagaan ang workload ng mga guro, ngunit hindi pa rin tinutukan ang classroom ratio. Kada isang guro ay humahawak ng lagpas 40 na estudyante kada klase, habang binabalanse ang pagkumpleto sa mga papeles at required na seminars. Sa labas pa lang ng paaralan, nakapanlulumong paspasan na ang trabaho, kaya walang silbi ang bagong kalendaryo kung pagdating sa klasrum ay pagod na ang ilan sa pagtuturo. 

Nawa’y isaisip ng DepEd na mananatiling bulok ang sistema kung papangatawanan nila ang pagiging magaling—magaling gumawa ng mga pagbabagong hindi pinag-iisipan ang lahat. Mula sa Catch-Up Fridays, MATATAG Curriculum, ARAL program, at iba pang mga proyekto, parang hindi naipaplano ang bawat anggulong maaaring magpahirap sa amin, bato lang sila nang bato ng pagbabago. 

Kinakailangang ibalik ang monthly celebrations at pahintulutan ang excused classes bilang pakundangan sa aming mga mag-aaral. Habang minomonitor ang kalagayan namin sa three-term calendar, sana ay imonitor kung ang kaalaman ba namin ay umaarangkada o patuloy lang na nalulugmok. Ituwid ang school calendar kung saan parehong uunlad ang pang-akademiko at extra-curricular na kasanayan ng bata nang sinisiguradong hindi maaabuso ang mga guro.

Gasgas man kung pakinggan, edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan. Kaya kung tuluyang mangangalawang na ang susing ito, walang dudang makakandado ang mga Pilipino sa laylayan. 

9 Votes: 9 Upvotes, 0 Downvotes (9 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...