
Dahil sa lokasyon ng Pilipinas, madaling sabihin na hindi ka apektado ng sigalot sa Gitnang Silangan. Pero kung kakapkapin mo ang bulsa mo bilang isang simpleng mamamayan, doon mo malalaman ang tunay mong laban.
Hindi ka sa tama ng bala, pagsabog ng mga bomba o pagbagsak ng mga gusali iinda. Bagkus ay sa pagsipa ng mga presyo at pagtaas ng mga pamasahe ka aaray. Ang puno’t dulo: ang pagtaas ng halaga ng langis sa pandaigdigang merkado. Wala kang kinalaman, pero bubunuin mo ang epekto. Tatambad sa iyo ang katotohanang nakadepende tayo sa krudo.
“Ba’t nagmahal ang gasolina?” Marahil iyan ang matatanong mo sa isang pump attendant sakali mang magpa-gas ka. Malamang ang isasagot sa’yo, may giyera sa Middle East. Pero kung nagkataon at ang napagtanungan mo ay ang viral na “gasoline boy” sa Zamboanga na si Alkindar “Khinz” Amil, mas malalim pa ang matatanggap mong sagot.
Nang magsara ang Strait of Hormuz, nagbadya na agad ang pagtaas ng mga bilihin na para bang hindi mabubuhay ang Pilipinas nang walang langis. Talagang hindi, dahil 98% ng krudo natin ay nanggagaling sa Gitnang Silangan. Dahil mahalagang bagay ang langis sa mga magsasaka at mangingisda, asahan mong sisirit din ang presyo ng mga bilihin.
Maiintindihan mo rin ang kahalagahan ng langis sa Pilipinas kung minsan ka nang naipit sa karagatan ng mga sasakyan sa EDSA. Kung bakit ba napaka-car centric ng Pilipinas, hindi mo rin alam. Ngayong sarado na ang daanan ng mga barkong may kargang langis, bababa ang supply, pero nananatili pa rin ang demand. At ayon sa economics, lalo pang tataas ang presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan.
Kung mayroon kang sasakyan, maiisip mong gumarahe muna at maglakad na lang. Pero kung isa kang tsuper na kailangang mamasada upang may mailatag na pagkain sa mesa, wala kang magagawa kundi indahin ang dagdag na kaltas na iuuwi mo araw-araw. Kung puwede lang sanang suspendihin muna ang buwis sa langis na walang ginawa kundi dagdagan ang pasanin ng mga mahihirap. Gayunman, magbibigay naman ang pamahalaan ng ₱5000 subsidiya sa mga PUV driver. Payag naman na rin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa taas-pasahe. Kung isa ka sa mga komyuter, mukhang kakailangan mo nang mas maghigpit pa ng sinturon.
Ang sabi ng Department of Energy (DOE), may reserba naman ang Pilipinas na kayang magtagal nang halos dalawang buwan. Kung ganoon, magtataka ka siguro: bakit pa rin sila nagtataas? Kung may magagawa lang sana ang gobyerno. Ang kaso, tama si Khinz: mahirap nang pigilan ang pagtaas ng presyo. Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, halos wala nang direktang kontrol ang pamahalaan sa presyo ng petrolyo. Malaya, partikular na ang mga malalaking kumpanya ng langis na magpabago-bago ng presyo kung kailan nila gustuhin.
Kung sabagay, may katwiran din kung bakit tataasan ng mga kumpanya ang singil sa mga sinusuplay nilang langis. Bawat hakbang sa supply chain ng langis, mula sa pagkuha hanggang sa pag-refine nito, ay may value-added tax (VAT) na ipinapatong. Ngayong sarado ang Strait of Hormuz, mas malaki ang gagastusin ng mga oil tanker upang humanap ng ibang ruta. At kapag nasa gasolinahan na ang petrolyo, papatungan pa ulit ito ng excise tax.
Kaya, gulatan na lang kung biglang lumampas ng isang daan ang presyo ng unleaded fuel, o kung biglang may nakasabit na out of stock sa hose ng mga gasolinahan kahit pa may supply pa silang petrolyo. Lugi rin daw sila kung magbebenta sila kaagad dahil kailangan nilang maglabas ng mas malaking kapital mula sa mga mas malalaking kumpanyang nagsu-supply sa kanila. Mas mainam pa na magbenta sa mas mataas na halaga, o hindi muna magbenta hanggang sa susunod na taas-presyo. Ang problema, lahat ng dagdag gastos na iyon, papasanin ng mga konsyumer katulad mo.
Nakikipag-ugnayan naman ang DOE sa mga istasyon ng gasolinahan para gawing patsi-patsi ang price hike. Maaari ring ipatupad ng ahensiya ang sinasabi ni Khinz na price protection kung saan sakali mang bumaba ang presyo ng langis sa loob ng partikular na panahon, makakatanggap ng refund ang mga gasolinahan depende sa kung magkano ang ibababa.
Pero hangga’t hindi iyon nangyayari, patitikimin muna ng show-cause order ang mga gasolinahang sobra-sobra kung magmahal. Kung isa kang “gasoline boy,” kailangan mo pang harapin ang mga awtoridad at ipaliwanag na sinusunod mo lang ang utos ng supervisor mo. Isang malaking konsumisyon para lang sa kakarampot na sahod na hindi mo alam kung makakasabay pa ba sa mga nagtataasang gastusin.
Kung gasoline boy lang ang pag-uusapan, mabalik tayo kay Khinz. Marahil maiisip mo na empleyado siya ng gasolinahan kaya alam niya ang mga ganoong bagay. Ngunit sa totoo lang, hindi mo kailangang maging gasoline boy para maintindihan mo ito. Hindi mo kailangan maging, ekonomista, kapitalista, negosyante, tsuper, o may-ari ng sasakyan upang lubos mong maunawaan ang epekto nito sa’yo.
Dahil sa tuwing nagmamahal ang presyo ng langis, susunod na diyan ang pamasahe, kuryente, at kalaunan ay ang mga pangunahin mong pangangailangan. Sa oras na mapagtanto mong nagmahal ang paborito mong sabong panlaba, ang biskuwit na baon ng anak mo sa eskuwela, ang pamasahe mo papuntang talipapa, apektado ka na.
Kahit saan ka pang paa lumagay, ramdam mo ang epekto ng pagtaas ng petrolyo. Hindi pa nakatulong na tila kalaban mo pa ang mga polisiyang ipinapatupad ng pamahalaan kaugnay rito na pumpabor naman sa mga mayayaman. Ikaw ang kailangang magtipid at mamaluktot. Ikaw ang dapat magtiis at magdoble-kayod. Habang ang mga kapitalistang kumpanya ng langis, patuloy sa pagtaas ng presyo para hindi maudlot ang daloy ng pera. Habang ang mga pinuno ng bawat bansa, nagpapataasan ng kani-kanilang mga ihi.
Tumingin ka sa langit at hindi ka makakakita ng nagsisiliparang mga missile, ngunit tumingin ka sa pitaka mo at posibleng hindi ka na rin makakita ng kahit piso. Kung matibay ang paniniwala mong hindi ka apektado ng sigalot sa Gitnang Silangan, huwag kang aaray kapag tuluyan nang binutas ng mahal na mga bilihin ang iyong bulsa.